“Operasyon sa Binti ni Joseph Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Operasyon sa Binti ni Joseph Smith”
Operasyon sa Binti ni Joseph Smith
Nang nagkaroon ng isang malawakang pagkalat ng tipus sa New England sa pagitan ng 1811 at 1814, nakatira ang pamilya ni Joseph Sr. at Lucy Mack Smith sa gitna nito. Lahat ng pitong anak nila ay nakakuha ng sakit, kung saan sina Joseph Smith Jr. at ang kanyang ate, si Sophronia, ang pinaka-malubhang apektado. Dahil sa isang bagong pamamaraan sa pag-opera na natuklasan ng isang lokal na doktor, nakaligtas ang batang si Joseph at naiwasan ang pagkawala ng kanyang kaliwang binti.1
Ilang buwan bago ang operasyon, si Joseph at ang kanyang mga kapatid ay nagkaroon ng matinding lagnat dahil sa tipus. Ang impeksyon ay unang nagdulot ng paltos sa balikat ni Joseph at kaagad na naapektuhan ang kanyang mga buto sa kaliwang binti, na nagdala ng matinding pamamaga. Tatlong linggo ng matinding sakit ang lubos na nagpahirap sa pitong taong gulang na batang lalaki. Ang kanyang ina, si Lucy, ay naalala siyang umiiyak nang malakas, “Oh Ama. . . ang sakit ay napakalubha paano ko ito malalampasan[?] ” Si Dr. Stone, isang doktor mula sa Hanover, New Hampshire, ang sumuri sa binti, gumawa ng isang hiwang walong pulgada ang haba sa pagitan ng bukung-bukong at tuhod, umaasang mabawasan ang pamamaga. Pinanood ni Lucy na lumala ang kalagayan ng anak, ang sakit ay nagiging “walang kasing-lubha gaya ng dati.”2 Ang kapatid ni Joseph na si Hyrum kung minsan ay tinatabihan siya sa pag-upo at naglalagay ng puwersa sa kanyang binti upang maibsan ang sakit.
Si Doctor Nathan Smith, ang nagtatag ng kalapit na Dartmouth Medical College, ay bumisita sa pamilya kasama ang ilang iba pang mga doktor, na malamang ay isang grupo ng kanyang mga estudyante sa medisina.3 Malungkot nilang iminungkahi na putulin ang naimpeksyong binti. Maaaring iminungkahi ni Dr. Smith ang pagputol upang ihanda si Joseph at ang kanyang pamilya na pumayag sa isang eksperimental na operasyon, isang peligrosong proseso na binuo ni Dr.Smith 15 taon na ang nakararaan. Kasama sa operasyon ang direktang pagputol sa mga buto at pag-aalis ng mga naimpeksyong bahagi, na nagpapahintulot sa malusog na tissue na lumagong muli sa kanilang lugar. Sumang-ayon sina Lucy at Joseph Jr. sa operasyon.
Ginunita ni Lucy na tinanggihan ng kanyang anak ang mga pampatulog at lubid upang bigkisin siya sa higaan, sa halip ay hiniling sa kanyang ama na hawakan siya at sa kanyang ina na umalis sa silid. Inalis ni Dr. Smith ang siyam na malalaking piraso ng buto na naimpeksyon, at labing-apat na iba pang mga piraso mula sa binti ni Joseph bago ito tuluyang gumaling. Inabot ng ilang taon ang paggaling. Nang lumipat ang kanyang pamilya sa New York makalipas ng apat na taon, gumagamit pa rin ng mga saklay si Joseph, at nanatili ang kaunting ang paika-ika sa pagtanda niya. Ang operasyon ay nagdulot ng problema sa pananalapi ng pamilya Smith, dahil ilang taon din nila itong pinaghirapang mabayaran.
Gayunpaman, ang operasyong ito mismo ay bukod-tangi. Si Nathan Smith ay nanirahan nang ilang milya mula sa pamilya Smith at marahil ang tanging doktor sa Estados Unidos noong 1813 na may kakayahang iligtas ang binti ni Joseph. Kalaunan ay inilathala niya ang mga tuntunin para sa kanyang pamamaraan sa operasyon, ngunit nangangailangan ng matinding kahusayan ang operasyon kung kaya’t hindi ito ginamit ng maraming doktor hanggang sa matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig.
Ang tala ni Lucy Mack Smith tungkol sa operasyon ay umakit ng interes bilang isa sa mga ilang kuwentong naitala ng kabataan ni Joseph Smith. Nasulat halos tatlong dekada kalaunan at matapos tanggapin ni Lucy ang pamantayan ng U.S. temperance movement laban sa alak, binigyang-diin ng kanyang tala ang pagtanggi ni Joseph na uminom ng alak para sa labanan ang sakit. Bukod pa rito, ang salaysay ay itinatampok ang trauma na dinanas niya habang ang kanyang anak na lalaki ay nagdusa sa gitna ng isang operasyon na maaari nitong ikamatay.
Mga Kaugnay na Paksa: Lucy Mack Smith, Pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith