“Paglalaan ng Templo at Mga Panalangin Nito,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Paglalaan ng Templo at Mga Panalangin Nito”
Paglalaan ng Templo at Mga Panalangin Nito
Ang Biblia ay naglalaman ng mga detalyadong tala kung paano inilaan ng mga sinaunang Israelita ang kanilang mga tabernakulo at templo upang italaga ang mga ito bilang mga banal na lugar.1 Gayundin, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naglaan ng mga templo at iba pang mga sagradong lugar para gamitin sa gawain ng Panginoon, simula sa Kirtland Temple.
Bukod sa pormal na mga pagtitipon sa paglalaan na isinagawa sa mga natapos na templo, ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw ay nagpasimula ng huwaran ng seremonya para sa paglalaan ng mga lugar na pagtatayuan ng templo. Kapansin-pansin na nagdaos ang naunang mga Banal ng espesyal na mga seremonya sa paglagay ng batong panulok para sa templo sa Independence, Missouri, noong 1831; sa Kirtland, Ohio, noong 1833; sa Far West, Missouri, noong 1838; sa Nauvoo, Illinois, noong 1841; at Lunsod ng Salt Lake, Utah, noong 18532 Ang mga seremonya ay nagtampok ng pag-awit, mga sermon, mga prusisyon, at mga panalangin, at sa Nauvoo, isang honor guard at banda ng militar. Simula sa Nauvoo, ang isa sa mga batong panulok ay nilalagyan ng guwang upang malagyan ng ilang mga dokumento at iba pang kagamitan na may kinalaman sa templo. Ang gawaing ito ay nagpapatuloy ngayon, bagamat hindi na nagdaraos ng mga magagarbong seremonya ng batong-panulok. Para sa ilang mga templo, kabilang na ang mga nasa Nauvoo at Lunsod ng Salt Lake, ang paglalagay ng pinakaibabaw na bato ng templo ay mayroon ding mga pagdiriwang, kabilang ang musika, pagdarasal, at pagsigaw ng “Hosana.”
Kasunod ng konstruksiyon, inihahanda ng paglalaan ang mga templo para sa mga banal na layunin nito. Ang paglalaan ng Bahay ng Panginoon sa Kirtland noong Marso 27, 1836 ang nagtakda ng huwaran para sa paglalaan ng mga templo sa hinaharap. Kasama sa buong araw na pagdiriwang ang mga talumpati, musika, pangangasiwa ng sakramento, panalangin ng paglalaan at Sigaw ng Hosana. Maraming mga Banal sa mga Huling Araw na dumalo sa unang paglalaan ng templo ay nagtala ng mga dakilang espirituwal na pagpapakita, pati na ang tunog ng rumaragasang malakas na hangin, pagsasalita ng mga wika, mga pangitain at ang pagdalaw ng mga anghel. Isa pang pagtitipon sa paglalaan ang ginanap pagkaraan ng apat na araw para sa mga taong hindi makapasok sa mataong unang paglalaan. Sa Kirtland, ang mga sesyon ay bukas sa publiko. Sa Nauvoo, kapwa pampubliko at pribadong mga pagtitipon sa paglalaan ay ginanap. Para sa mga sumunod na templo, tanging mga miyembro lamang ng Simbahan na binigyan ng tiket o recommend ang pinapayagang dumalo sa sesyon ng paglalaan. Ang pagsasagawa ng mga maramihang sesyon sa paglalaan ng templo ay nagpatuloy, na nagtulot sa maraming mga miyembro na makibahagi.
Si Joseph Smith ay nagbigay ng panalangin sa paglalaan para sa Kirtland Temple, na binasa niya mula sa isang tekstong inihanda. Itinala nina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at ng iba pa ang inspiradong panalangin isang araw bago ang paglalaan.3 Para sa sumunod na mga templo, ang mga inspiradong panalangin ng paglalaan ay isinusulat ng isang namumunong lider ng Simbahan, kung saan ang bawat isa ay inihanda para sa partikular na templo na iyon. Ang mga panalangin ay humihiling sa Panginoon na tanggapin Niya ang handog na templo at hilingin sa Kanya ang pagpapabanal at proteksyon ng templo. Kadalasan, lalo na sa mga unang templo, ang mga panalangin ay binasbasan ang mga materyales na ginamit sa pagtayo ng templo—bato, semento, buhangin, plaster o mga bintana. Isinama sa maraming mga panalangin sa paglalaan ang paglalaan ng mga partikular na kuwarto sa loob ng templo, itinatangi ang partikular na mga papel nito. Sinasamo ng mga panalanging ito ang presensya ng Panginoon at itinatalaga ang templo bilang Kanyang bahay, minamarkahan ang mga ito bilang isang lugar na may kaugnayan sa kabanalan.
Ang mga dumadalo sa paglalaan ng isang templo ay nakikilahok sa Sigaw ng Hosana. Ang sigaw ay nakapagpapaalaala sa mga papuri ng mga disipulo ni Jesucristo sa Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem.4 Ang kongregasyon ay nakatayong nagwawagayway ng puting panyo at magkakasamang sinisigaw nang tatlong beses ang mga salitang, “Hosana, Hosana, Hosana sa Diyos at sa Kordero.”5 Ang sigaw ay nagtatapos sa “Amen, Amen, at Amen.”6 Sa Kirtland Temple, ang panalangin ay sinundan ng pag-awit ng himnong “Hosana sa Diyos at ang Kordero,” na kilala ngayon bilang “Espiritu ng Diyos.” Ang himnong ito ay inaawit sa lahat ng paglalaan ng templo simula noon.
Sa pagitan ng 1999 at 2002, ang paglalaan ng ilang bagong tayong templo sa mahahalagang makasaysayang lugar, kabilang na ang Palmyra, New York; Winter Quarters, Nebraska; at Nauvoo, Illinois, ay ibrinodkast sa isang ligtas na satellite system, na nagtulot sa mga miyembro ng Simbahan sa malalayong lugar na makibahagi. Nagtakda ito ng huwaran ng pagsasahimpapawid sa paglalaan ng templo sa mga lokal na stake center upang ang lahat ng karapat-dapat na miyembro sa distrito ng templo at kung minsan sa mas malawak na lugar ay makalahok.
Ang mga Banal sa mga Huling Araw, gayundin, ay naglaan ng maraming iba pang lugar para sa gawain ng Diyos. Kabilang dito ang mga tabernakulo, mga kapilya, mga bulwagan ng Relief Society, at mga tahanan. Ang mga bansa o iba pang mga lugar sa mundo ay inilaan din para sa pangangaral ng ebanghelyo.
Mga Kaugnay na Paksa: Kirtland Temple, Kapita-pitagang Kapulungan, Temple Endowment, Paglalaan sa Banal na Lupain