“Batas Laban sa Poligamya,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Batas Laban sa Poligamya”
Batas Laban sa Poligamya
Sa isang espesyal na kumperensya noong Agosto 1852, sa unang pagkakataon ay hayagang kinilala ng mga lider ng Simbahan na isinasabuhay ng maraming Banal sa mga Huling Araw sa Teritoryo ng Utah ang tinatawag nila bilang maramihang pag-aasawa, ang kasal ng isang lalaki sa mahigit sa isang babae, na kadalasang tinatawag na poligamya.1 Kinumpirma ng pampublikong anunsyo ang malawakang sabi-sabi at nagbunsod ng pagkabigla at pagkagalit ng maraming Amerikano.
Kumilos ang mga pulitiko upang wakasan ang gawaing ito. Ikinatwiran ng mga Banal sa mga Huling Araw na protektado ng Unang Pagsususog sa Konstitusyon ng Estados Unidos ang maramihang pag-aasawa sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pribilehiyo ng “kalayaan sa pagsasabuhay” ng relihiyon.2 Pinukaw ng mga mamamahayag ng mga pahayagan at mga nobelista ang damdaming laban sa poligamya gamit ang mga pinalaking kuwento ukol sa mga inaalipin at inaabusong kababaihang Mormon.3
Noong 1856 ay idinagdag ng Republican Party sa plataporma nito ang pagwawakas ng “kambal na labi ng barbarismo,” ang pang-aalipin at maramihang pag-aasawa.4 Makalipas ang anim na taon, ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Morrill Act for the Suppression of Polygamy, isang batas na pinaparusahan ang bigamya (tinukoy bilang pagpapakasal habang buhay pa ang isang hindi diniborsyong asawa) ng multa at limang taon sa bilangguan. Gayunman, naging abala ang karamihan sa mga Amerikano sa Digmaang Sibil ng Amerika sa mga sumunod na ilang taon, at ang bagong batas ay hindi naipatupad nang malawakan. Patuloy ang mga Banal sa mga Huling Araw sa paggiit na ang mga batas laban sa poligamya ay lumalabag sa kanilang karapatan sa relihiyon.
Ipinasa ng Kongreso ang Poland Act noong 1874, na nagpalakas sa pagpapatupad ng Morrill Act sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga pederal na hukom ng hurisdiksyon sa pag-uusig laban sa poligamya sa Utah at nagpapahintulot sa mga hukom na ito na pumili ng lupon ng tagahatol. Noong 1879 ay tinulungan ng Unang Panguluhan ng Simbahan na ihain sa Korte Suprema ng Estados Unidos ang kaso ni George Reynolds na isang Banal sa mga Huling Araw na nagsasagawa ng poligamya upang subukan ang konstitusyonalidad ng batas laban sa poligamya. Maraming Banal ang nagpahayag ng kumpiyansa na itataguyod ang garantiya ng Unang Susog o First Amendment sa kalayaan ng pagsasabuhay ng relihiyon. Subalit naghatol ang korte laban kay Reynolds, idinideklara na bagama’t pinoprotektahan ng First Amendment ang paniniwala sa relihiyon, hindi nito pinoprotektahan ang ginagawa sa relihiyon.5
Maraming Banal sa mga Huling Araw ang kumilos gamit ang sibil na pagsuway, iginigiit na ang kanilang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa ay pagsunod sa isang kautusan mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng bagong batas, tumindi ang pagtutol ng pamahalaang pederal: ang Edmunds Act (Batas ni Edmunds) ng 1882 ay nagpaparusa sa labag sa batas na pagsasama sa pamamagitan ng multa o pagkabilanggo ng anim na buwan, at iba pa; ang Edmunds-Tucker Act (Batas nina Edmunds-Tucker) ng 1887 naman ay dinagdagan ang parusa laban sa mga taong nakatira sa maramihang pagpapakasal at sa Simbahan mismo, ipinagkait ang karapatang bumoto mula sa kababaihan sa Utah, at inagawan ang Simbahan ng mga ari-arian nito na may halagang mahigit $50,000.6
Ang Pagsalakay
Noong dekada ng 1880 ay nagpursigi ang mga marshal ng Estados Unidos upang maipatupad ang mga batas laban sa poligamya. Karaniwang tinutukoy ng mga pamilyang tinutugis ng mga awtoridad ang panahong ito ng aktibong pagpapatupad ng batas bilang “ang pagsalakay” at nakatagpo ng kanlungan sa “underground,” isang network ng mga tahanang maaaring pagtaguan na tumutulong sa mga yaong target ng batas upang makaiwas sa pagdakip.
Lumikha ang pagsalakay ng malaking kaguluhan kapwa sa mga pamilya na nagsasabuhay ng poligamya at sa mas malawak na komunidad ng Utah. Maraming asawang lalaki ang ikinulong o sapilitang nanirahan sa malayo, at iniwan ang kanilang mga asawa at anak na mag-alaga sa mga bukirin at negosyo. Nagsimula ang pagbagsak ng ekonomiya sa kabuuan ng teritoryo. Ang mga babaeng bago pa lamang ikinasal ay kinailangang mamuhay nang malayo sa kanilang mga asawa, kaunti lamang ang nakaaalam ng kanilang kumpidensyal na pagpapakasal. Mas pinili pa ng mga nagdadalantao na magtago, kung minsan sa mga liblib na lugar, sa halip na makatanggap ng subpena at tumestigo sa korte laban sa kanilang mga asawa. Ang mga anak ay namuhay sa pangambang magkawatak-watak ang kanilang pamilya o sapilitan silang hingan ng testimonya laban sa kanilang mga magulang. Ang ilang bata ay nagtago at namuhay gamit ang huwad na pangalan. Ang iba ay nagtago nang hindi nila nakikita ang kanilang mga magulang o mga kamag-anak sa loob ng ilang buwan. Maraming pamilya ang lumipat sa Canada o Mexico upang makasama ang isa’t isa.7
Hinadlangan din ng pagsalakay ang pangangasiwa sa Simbahan. Sa pagitan ng 1885 at 1889, karamihan sa mga Apostol, stake president, at iba pang mga lider ng Simbahan ay nagtatago o nasa bilangguan, at maraming bahagi ng pamamahala sa Simbahan ay lubhang nalimitahan. Ang Pahayag na ipinalabas ni Wilford Woodruff noong 1890 ay epektibong winakasan ang mga hamong ito at kalaunan ay humantong sa pagtatapos ng maramihang pag-aasawa.8
Mga Kaugnay na Paksa: Maramihang Pag-aasawa sa Utah, Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika