Kasaysayan ng Simbahan
Paglalakbay ng mga Pioneer


“Paglalakbay ng mga Pioneer,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Paglalakbay ng mga Pioneer”

Paglalakbay ng mga Pioneer

Sa pagitan ng 1847, nang unang pumasok ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Lambak ng Salt Lake, at 1868, nang malapit nang matapos ang transcontinental na riles ng tren, mga 60,000 hanggang 70,000 mga Banal sa mga Huling Araw ang nandayuhan mula sa Estados Unidos, Canada, at Europa at tinawid ang Great Plains ng Hilagang Amerika patungong Utah at mga karatig na rehiyon.1 Karamihan ng mga dayuhan ay naglakbay sa mga grupo ng mga bagon o mga grupo ng mga kariton sa isang network ng mga daanan na karaniwang umaabot ng ilang buwan upang matawid. Ang mga talaan ng mga nagsagawa ng paglalakbay na ito ay naglarawan ng kanilang magkakaibang karanasan, na kinabibilangan ng mga yugto ng sakit, panganib, katapangan, at mga himala, ngunit karamihan ay mahahabang yugto ng mapayapang paglalakbay at mga nagbibigay-inspirasyong tagpo ng kariktan ng kalikasan.

grupo ng pioneer sa Echo Canyon

Isang grupo ng pioneer na binabagtas ang Echo Canyon noong dekada ng 1860.

Isang paghahayag na ibinigay kay Brigham Young noong 1847 ay inihalintulad ang paglalakbay na ito sa exodo sa Biblia: “Ako ang siyang nag-akay sa mga anak ni Israel palabas ng lupain ng Egipto,” sinabi ng Panginoon, “at ang aking bisig ay nakaunat sa mga huling araw, upang iligtas ang aking mga taong Israel.”2 Iniutos Niya sa mga Banal na bumuo ng mga grupo at maglaan para sa isa’t isa, lalo na sa mga maralita, balo, at naulila. Tinutugunan ang paghirang na ito upang tulungan ang lahat ng mga Banal na makapunta sa Sion at walang sinumang maiiwan, gumamit sina Brigham Young at iba pang lider ng Simbahan ng iba’t ibang pamamaraan. Sa pagitan ng 1847 at 1861, karamihan sa mga nandarayuhan ay isinagawa ang paglalakbay sa lupa sakay ng mga bagon, na may ilang naglakbay sa pamamagitan ng mga kariton, karaniwang inihahanda ang mga kagamitan at mga panustos ng kanilang mga grupo malapit sa kasalukuyang hangganan ng Nebraska at Iowa.3 Noong 1849 ay itinatag ni Brigham Young ang Perpetual Emigrating Fund Company upang magbigay ng tulong pinansyal sa mga Banal na hindi kayang tustusan ang paglalakbay. Matapos nilang maisaayos ang kanilang mga buhay, inaasahan silang magbayad sa kumpanya upang matanggap ng iba ang gayon ding tulong.4 Sa pagitan ng 1861 at sa pagtatapos ng transcontinental na riles ng tren noong 1869, isang sistema na “down-and-back” o balikan ang nagpahintulot sa mga nandarayuhan at mga missionary na magdala ng mga suplay nang paroo’t parito gamit ang mga bagon sa kahabaan ng daan sa magkabilang direksyon, na siyang bumawas nang malaki sa gastos sa paghahanda ng mga kagamitan at mga panustos.5

Para sa karamihan ng mga nandayuhang Banal sa mga Huling Araw, ang humigit kumulang na 1,000 milyang (1,600-kilometro) paglalakbay sa ibabaw ng lupa ang huling bahagi ng isang mas mahabang paglalakbay. Libu-libong mga Banal na taga-Europa ang tumawid ng Atlantiko sakay ng barko, kadalasan mula sa Liverpool patungong New Orleans, pagkatapos ay sumakay ng bangka sa mga Ilog ng Mississippi at Missouri patungo sa pangunahing lugar ng pag-alis sa mas malaking lugar ng Winter Quarters at Kanesville. Ang ilang barko, tulad ng Brooklyn noong 1846, ay naglayag sa paligid ng dulo ng Timog Amerika at pataas sa Dagat Pasipiko patungong California.6 Naglakbay ang ilan pa sa ibang ruta papunta sa Lambak ng Salt Lake mula sa California, timog-silangang Texas, at kanlurang Missouri.

Ang unang grupo sa lupa, na siyang tinawag ni Brigham Young bilang “pioneer company (grupo ng pioneer)” (kalaunan ay ang “vanguard company [grupo ng pangunahing hanay]”), ay lumisan ng Winter Quarters noong Abril 1847 upang sundan ang Oregon Trail, isang ruta na unang binuo ng iba pang mga manlalakbay sa malalayong lugar. Sa pagitan ng Iowa at kanlurang Wyoming, ang Oregon Trail, ang Mormon Trail (na naging bansag sa ruta ng mga Banal patungo sa Utah), at kalaunan ang California Trail ay sumunod sa halos sa magkakatulad na daan. Para sa huling bahagi ng paglalakbay ng mga Banal sa mga Huling Araw, lumihis ang Mormon Trail at nagtungo sa timog-kanluran mula Fort Bridger (sa kasalukuyang Wyoming) patungo sa Lunsod ng Salt Lake. Higit sa kalahating milyong nandayuhan, kabilang na ang karamihan sa mga nagtitipong mga Banal, ay ginamit ang sistemang ito ng daan mula 1843 hanggang 1868, nang magsimulang pagdugtungin ng Union Pacific Railroad ang karamihan sa mga himpilan ng Oregon Trail.7

Ang nakalathalang gabay ng daan, tampok ang mga mapa at mga sanggunian sa mga tanawin, ay gumabay sa mga grupo ng mga pioneer sa mga daanang ito. Karamihan sa mga grupo ay nakasalubong ang iba pang mga grupo sa daan at madalas na naglakbay sa kabilang panig ng ilog mula sa iba pang mga grupo upang maiwasan ang pag-aagawan sa tubig, mga lugar ng kampo, at mapagkukunan ng pagkain. Magkakahiwalay na naglakbay ang mga manlalakbay upang makatiyak na mayroon silang pagkain para sa kanilang mga hayop at madalas gumagalugad ng mga shortcut, lumilikha ng mas malawak na kalsada kaysa sa isang makitid na daan. Nalalaman na dinaraanan nila ang mga bayan ng mga American Indian, nagsagawa ng mga pag-iingat ang mga Banal laban sa mga sagupaan subalit kaagad nilang nalaman na ang mga grupo ng mga Indian ay karaniwang tumutulong sa halip na nagbabanta sa kanilang paglalakbay. Bagama’t sa ilang pagkakataon ay hinuhuli ng mga Indian ang mga kabayo at sinusunog ang damo sa parang upang ilihis ang mga bison mula sa mga mangangasong Banal sa mga Huling Araw, kadalasan silang maasikaso at kung minsan ay nagtutulak ng mga kariton o tinutulungan ang mga nandarayuhan na tawirin ang mga ilog.8

Ang isang karaniwang araw ng grupo ng mga bagon ay puno ng aktibidad. “Hindi pa ako nakakita ng panahong lubhang abala tulad ng paglalakbay kasama ang kampo—halos walang libreng minuto,” itinala ni Oliver Huntington sa kanyang journal.9 Ang karaniwang gawain ay binubuo ng mga miyembro ng grupo na gumigising para sa panalangin at almusal, pagkatapos ay tinitipon ang mga hayop mula sa kanilang mga paghahanap ng pagkain sa gabi, itinatali ang mga hayop sa mga bagon, at ginagabayan ang mga bagon nang mas malayo sa mga daan, na umaabot ng 15 hanggang 20 milya (24 hanggang 32 kilometro) sa maaliwalas na panahon. Nagsasalitan ang mga lalaki at mga batang lalaki sa paggabay sa isang kawan ng mga hayop sa likod ng grupo ng mga bagon at pagbabantay sa mga nanginginain. Sa pagpapahinga sa gabi, pinapakawalan ng grupo ang mga baka at nagtitipon ng mga panggatong para sa pagluluto.10 Nasisiyahan ang mga manlalakbay sa pagbabasa, pagtugtog ng musika, pagsasayaw, at pagtitipon para sa mga pulong. Madalang silang magpahinga nang matagal, karaniwan dahil lamang sa masungit na panahon, upang makibahagi sa sakramento, o sa araw ng Sabbath.

Ang pagpasok sa Lambak ng Salt Lake ay isang hindi malilimutang karanasan para sa mga taong ginawa ang mahirap na paglalakbay. “Hindi ko kailanman malilimutan ang huling araw na naglakbay kami, at ang pagdating sa Lambak,” isinulat ni Ann Agatha Walker Pratt. “O! sobrang napuspos ang puso ko, magagawa kong tumawa at umiyak, at ang gayong paghahalo ng mga emosyon ay sadyang hindi ko mailarawan.”11 Habang naging maging mas matatag ang mga pamayanan sa lambak, karamihan sa mga bagong dating ay tumanggap ng pansamantalang tirahan mula sa mga Banal na naninirahan na roon hanggang sa makahanap sila ng sarili nilang bagong tahanan sa Sion.12

Mga Kaugnay na Paksa: Pandarayuhan, Lambak ng Salt Lake, Mga Grupo ng mga Kariton