“Pamilya nina Joseph at Emma Hale Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pamilya nina Joseph at Emma Hale Smith”
Pamilya nina Joseph at Emma Hale Smith
Ang pamilya nina Joseph at Emma Smith ay dumanas ng napakatinding oposisyon at trahedya, kabilang na ang pang-uusig sa pulitika at relihiyon, pilit na pagpapalayas mula sa kanilang tahanan, ang maagang pagkamatay ng pitong anak, at ang martir na pagkamatay mismo ni Joseph.1 Sa mga panahon ng kagipitan, ang mga miyembro ng pamilya ay bumaling sa isa’t isa para sa katatagan. Noong nakabilanggo siya sa Liberty Jail, halimbawa, sumulat si Joseph kay Emma at pinalakas ang loob nito kahit nagdadalamhati sa kanilang paghihiwalay. Tinagubilinan din niya ito tungkol sa kanilang mga anak: “Sabihin mo sa kanila na mahal na mahal sila ni Itay, at ginagawa niya ang lahat para makatakas sa mga mandurumog at mapuntahan sila.”2 Sa kanilang pagtanda, ang nanatiling buhay na mga anak ng mga Smith ay nanatiling magkakalapit ang loob at sinuportahan ang bawat isa sa kanilang paglilingkod sa simbahan. Ipinagtanggol nila ang reputasyon ng kanilang ina at inalagaan ito hanggang sa kanyang kamatayan noong 1879.
Pagkatapos ng kasal nina Joseph at Emma noong 1827, sandaling nanirahan ang pamilya sa Manchester kasama ang pamilya ni Joseph, at pagkatapos ay lumipat sa Harmony, Pennsylvania. Ang kanilang unang tatlong anak ay hindi nabuhay nang higit sa isang araw, at noong lumipat sina Joseph at Emma sa Ohio ay saka lamang sila nag-ampon ng kambal at nagsimulang magpalaki ng sarili nilang mga anak. Sa Ohio, binabalanse ni Joseph ang kanyang buhay-pamilya at ang malalaking katungkulang pang-administratibo habang pinamumunuan niya ang isang mabilis na lumalaking simbahan na may maliliit na mga branch sa buong Estados Unidos at isang maunlad na komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri. Ang pambansang krisis sa ekonomiya, ang kabiguan ng Kirtland Safety Society Banking Company, at mga umiigting na banta sa kaligtasan ni Joseph ang nagtulak sa pamilya na lumipat mula sa Ohio patungong Missouri noong unang bahagi ng 1838, ngunit ang malawakang pagsalungat sa mga Banal sa Missouri ay lalo lamang tumindi sa kabuuan ng sumunod na taon hanggang sa magkahiwa-hiwalay ang pamilya dahil sa karahasan ng mga mandurumog. Nakahanap ng masisilungan si Emma sa tahanan ng iba pang mga Banal sa Illinois habang si Joseph ay nasa bilangguan sa Missouri. Noong unang bahagi ng 1839, muling nakasama ni Joseph ang pamilya matapos siyang payagang makatakas mula sa pagkakabilanggo.
Sa Illinois, sumama ang pamilya sa pagtatatag ng lungsod ng Nauvoo, at sina Joseph at Emma ay nanguna sa mga samahan sa pamayanan at samahang pang-relihiyon nang sumunod na mga taon. Habang nasa Nauvoo, isinagawa ni Joseph ang maramihang pagpapakasal ayon sa iniutos sa kanya sa pamamagitan ng paghahayag. Pinakasalan niya ang marami pang babae, bagama’t walang maaasahang katibayan na si Joseph ay nagkaroon ng anak sa kanyang mga karagdagang asawa.3 Ang maramihang pagpapakasal sa Nauvoo ay isinagawa nang kumpidensyal, at hindi kinilala ni Joseph o nanirahan nang hayagan na kasama ang alinman sa kanyang mga karagdagang asawa. Ang mga anak ng mga Smith, kung gayon, ay hindi direktang nakapansin ng anumang pagsasabuhay ng maramihang pagpapakasal. Sina Joseph III, Alexander, at David ay naniwala na ang doktrina ay hindi nagmula sa kanilang ama.4
Sa pagkamatay ni Joseph noong 1844, pinamahalaan ni Emma ang personal na mga ari-arian ni Joseph, na kinabibilangan ang ilang mahahalagang artifact. Ang mga orihinal na dokumento na ginawa sa pamamagitan ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia (kabilang na ang Aklat ni Moises sa Ang Mahalagang Perlas) at ang mga Egyptian papyrus na may kaugnayan sa Aklat ni Abraham ay nanatili sa pag-iingat ni Emma. Nanatili si Emma sa Nauvoo kasama ang kanilang mga anak noong halos lahat ng miyembro ng Simbahan ay lumipat sa Great Basin. Ang kanyang ikalawang asawa, si Lewis Bidamon, ay sinagip ang orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon mula sa kinalalagyan nito sa isang batong panulok ng Nauvoo Mansion. Habang ang mga miyembro ng pamilya Smith ay naglilingkod sa pamunuan ng Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, ang Reorganized Church (kalaunan ay kinilala bilang Community of Christ) ay naingatan ang marami sa mga artipakto hanggang sa kasalukuyan. Ang pamilya Smith ay isinulong ang gawain at pangitain ni Joseph at nag-iwan hindi lamang ng isang nakintal na pamana para sa kanilang mga inapo kundi ng isa ring napakahalagang patotoo ng mga naunang karanasan ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Joseph Smith Jr. (1805–1844)
(Tingnan sa “Joseph Smith and His Papers: An Introduction,” josephsmithpapers.org.)
Emma Hale Smith Bidamon (1804–1879)
(Tingnan sa “Emma Hale Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan.)
Hindi Pinangalanang Anak (1828)
Nagsilang si Emma ng isang anak na lalaki noong Hunyo 15, 1828, ngunit namatay ang bata sa araw ding iyon. Nakasaad sa isang lapida sa ari-arian ng pamilya Hale sa Harmony, Pennsylvania ang, “Sa Alaala ng Isang Sanggol na Anak nina Joseph at Emma Smith, Hunyo 15 1828.” Sa isang Biblia ng pamilya, isang kamag-anak ang sumulat ng pangalang “Alvin” upang matukoy ang batang ito, ngunit kinumpirma kalaunan ni Emma na ang sanggol ay hindi binigyan ng pangalan.5
Hindi Pinangalanang Kambal (1831)
Noong 1831, nagsilang si Emma ng kambal, isang babae at isang lalaki, ngunit pumanaw ang mga sanggol matapos ipanganak. Kinabukasan, ang kaibigan ng pamilya na si Julia Clapp Murdock ay nagsilang din ng kambal, ngunit namatay siya anim na oras matapos manganak. Ang asawa ni Julia, si John Murdock, matapos maiwan na isang balo na may limang anak na kailangang alagaan, ay ibinigay ang kambal kina Emma at Joseph upang ipaampon. Tila hindi nagawang pangalanan ni Emma ang kanyang yumaong kambal. Nang hiniling ng kanyang biyenan, si Lucy Mack Smith, ang impormasyon para sa kasaysayan ng pamilya, hindi isinama ni Emma ang kanyang panganay at ang kambal. Sa isang panayam sa kanyang anak na nasa hustong gulang na si Joseph Smith III, ipinaliwanag ni Emma na ang tatlong magkakapatid ay hindi nabuhay nang mahaba upang pangalanan. Bagaman tinukoy ng Biblia ng pamilya ang kambal bilang “Louisa” at “Thadeus,” ang mga pangalan ay naitala ng isang kalaunang kamag-anak nang walang anumang reperensya tungkol sa kanilang pinagmulan.6
Joseph Murdock Smith (1831–1832)
Inampon nina Joseph at Emma Smith si Joseph Murdock at ang kanyang kakambal na si Julia, mula sa kaibigan nilang si John Murdock matapos pumanaw ang ina ng mga sanggol. Nagkaroon ang sanggol na si Joseph ng tigdas noong unang bahagi ng 1832, at habang siya ay nakahiga sa kama, sumalakay ang mga mandurumog, kinalakad palabas ang kanyang umampong ama na si Joseph mula sa kwarto palabas sa gabing malamig at binugbog siya hanggang sa mawalan ng malay. Wala pang isang taon gulang, namatay ang paslit na si Joseph Murdock Smith makalipas ang ilang araw. Isinisi ni Joseph Smith ang kamatayan ng kanyang ampon na anak sa pagkakalantad sa malamig na panahon nang gabing iyon, na siyang alinsunod na nananaig na medikal na pang-unawa noong panahong iyon.7
Julia Murdock Smith Dixon Middleton (1831–1880)
Nang ibigay ng tunay na ama ni Julia, na si John Murdock, si Julia at ang kanyang kakambal na lalaki upang ipaampon, hiniling ni Emma Smith kay Murdock na huwag sabihin sa mga bata ang kanilang pagkaka-ampon upang magkaroon sila ng buong damdamin na pagiging kabilang sa pamilya Smith. Nalaman ni Julia ang katotohanan noong siya ay limang taong gulang, gayunman, mula sa isang “[mapang]yamot” na kapitbahay. Ikinasal siya kay Elisha Dixon bago ang 1850, at sa kamatayan nito noong 1853, lumipat siya sa Nauvoo. Pagkalipas ang tatlong taon ay nabinyagan si Julia sa Katolisismo matapos ikasal sa isang Katoliko, si John Middleton. Hindi siya nagkaanak at naninirahan malapit sa Nauvoo nang namatay siya noong 1880.8
Joseph Smith III (1832–1914)
Si Joseph Smith III ay isinilang noong Nobyembre 6, 1832, pagkarating ng kanyang amang si Joseph Smith Jr. sa Kirtland mula sa pagbisita sa New York City at Boston. Makaraan ang anim na taon, nasaksihan ng “Nakababatang Joseph” ang pagdakip sa kanyang ama sa Missouri, kung kailan pinilit siya ng isang guwardiya na lumayo mula sa kanyang ama, at pinagbantaan siya na “sasaksakin [siya]” gamit ang espada.9 Bilang isang bata, dumalaw siya sa Liberty Jail kasama ang kanyang ina at nanatili roon ng isang gabi kasama ng kanyang ama at ng iba pang mga bilanggo. Nakatira siya sa Nauvoo sa huling bahagi ng kanyang kabataan at bininyagan ng kanyang ama noong Nobyembre 1843.
Sa dekadang sumunod matapos ang kamatayan ng kanyang ama noong 1844, si Joseph III ay nanatiling hiwalay mula sa maraming simbahan na nag-aangkin ng isang linya ng paghalili mula kay Propetang Joseph Smith. Noong nabubuhay pa si Joseph Smith Jr., nagbigay siya kay Joseph III ng maraming basbas, isa rito ay sinasabing ang pangako na pamumunuan ang Simbahan.10 Noong 1856, dalawang lalaki na kumakatawan sa Reorganization movement ang lumapit sa kanya na may dalang isang nakasulat na paghahayag. Pinangalanan si Joseph Smith III ng dokumento bilang kahalili ng kanyang ama sa pamamagitan ng direktang angkan, ngunit tinanggihan ni Joseph ang paanyaya na pamunuan ang isang muling inorganisang simbahan. Ang mga basbas ng kanyang ama at isang espiritwal na karanasan ang kalaunang humikayat sa kanyang sumapi sa Reorganization movement at pamunuan ang Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints (ngayon ay kilala bilang Community of Christ).11
Sa loob ng sumunod na 54 na taon, pinamahalaan ni Joseph III ang Reorganized Church bilang propeta at pangulo at nagtatag ng mga kongregasyon ng mga naunang Banal na hindi nandayuhan sa Kanluran. Kilala sa kanyang integridad at katalasan sa pulitika, sinikap niyang matupad ang pangitain ng kanyang ama tungkol sa relihiyon at bumuo ng isang pangmatagalang organisasyon ng simbahan, ang pangalawa sa pinakamalaki sa mga nag-aangkin kay Joseph Smith bilang tagapagtatag. Habang pinananatili niya ang maayos na ugnayan sa kanyang pinsan at Pangulo ng Simbahan sa Utah, si Joseph F. Smith, itinanggi ni Joseph III na ginawa ng kanyang ama ang maramihang pagpapakasal at hindi sumang-ayon sa mga gawaing misyonero ng Simbahan at sa pag-angkin sa mga makasaysayang lugar.12 Itinalaga niya ang kanyang mga kapatid na sina Alexander at David sa nakatataas na pamunuan at tiniyak niya na ang kanyang anak na lalaki ang susunod na magiging pangulo ng simbahan.13 Tatlong beses siyang ikinasal at nabalo nang dalawang beses, una ay kay Emmeline Griswold noong 1856, pagkatapos ay kay Bertha Madison noong 1869, at sa huli ay kay Ada Rachel Clark noong 1898. Si Joseph III ay ama ng 17 mga anak. Namatay siya noong 1914 dahil sa atake sa puso.14
Frederick Granger Williams Smith (1836–1862)
Kakaunti lamang ang mga tala na nananatili ukol sa ikalimang tunay na anak nina Joseph at Emma, si Frederick Granger Williams Smith, na isinilang noong Hunyo 20, 1836, sa Kirtland at isinunod ang pangalan kay Frederick G. Williams, isa sa mga tagapayo ni Joseph Smith. Ginugol ni Frederick ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa Nauvoo bilang magsasaka at mangangalakal, pinakasalan si Anna Marie Jones noong 1857, at pumanaw (marahil ay dahil sa tuberculosis) noong 1862.15
Alexander Hale Smith (1838–1909)
Isinunod ang pangalan mula sa tagataguyod at pinagkakatiwalaang abogado ng mga Banal na si Alexander Doniphan, si Alexander Hale Smith ay ipinanganak sa panahon ng tumitinding pag-uusig sa Missouri. Kinarga ni Emma ang walong buwang gulang na si Alexander patawid sa nagyeyelong Mississippi River noong 1839 upang takasan ang kasumpa-sumpang “extermination order” ng gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs. Lumaki ang bata na tapat sa paniniwala sa Aklat ni Mormon at sa paglilingkod ng kanyang ama bilang propeta. Bilang nasa hustong gulang, sumunod si Alexander sa kanyang kuyang si Joseph III sa Reorganization movement at nagsilbi sa matataas na posisyon sa Reorganized Church.16
Pinakasalan ni Alexander si Elizabeth Agnes Kendall noong 1861, at nagkaroon sila ng siyam na anak. Pagkasilang ng kanilang panganay na si Frederick Alexander, namatay ang kuya ni Alexander na si Frederick Granger Williams Smith, na nagdulot ng pagkabalisa kay Alexander tungkol sa walang hanggang tadhana ng kanyang kapatid. Diumano, ang kanyang unang espirituwal na karanasan ay naganap, isang bulong ng Espiritu Santo na nagbigay ng kapanatagan sa kanyang kaluluwa. Napanatag siya na “si Frederick ay nasa mabuting kalagayan.”17
Naglingkod si Alexander sa maraming misyon para sa Reorganized Church, bumibisita sa Utah sa ilang pagkakataon at nakikipagtagpo sa kanyang mga kamag-anak sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa kabila ng ilang maiigting na debate hinggil sa pagkakaiba ng relihiyon, lagi niyang pinananatiling bukas ang kanyang isipan sa kanyang mga pinsan sa labas ng Reorganization movement. Naglingkod siya bilang tagapayo ng kanyang kapatid na si Joseph III, sa RLDS First Presidency at inordenan bilang pangulo ng mga RLDS Quorum of the Twelve noong 1890. Namatay siya noong 1909 sa Nauvoo habang naglilingkod bilang patriarch.18
Don Carlos Smith (1840–1841)
Si Don Carlos Smith ay isinilang noong Hunyo 13, 1840 sa Nauvoo at nabuhay lamang nang 14 na buwan, at namatay dahil sa malarya ilang araw matapos ang pagkamatay ng kanyang tiyo at kapangalan na si Don Carlos Smith, ang nakababatang kapatid ni Joseph Smith. Si Alexander Smith, isa sa mga anak na lalaki nina Joseph at Emma Smith, ay iniulat na bago ang pagpanaw ng kanilang ina na si Emma noong 1879, nakakita si Emma ng pangitain kung saan sinamahan siya ni Joseph Smith sa loob ng isang mansyon sa langit patungo sa silid ng isang bata kung saan niya kinalong ang batang si Don Carlos. Nang tinanong niya si Joseph tungkol sa iba pa nilang mga namatay na anak, ipinangako ni Joseph na, pagkatapos ng kanyang buhay sa mundo, aalagaan niya ang lahat ng kanyang mga anak na hindi nabuhay hanggang sa pagtanda.19
Hindi Pinangalanang Anak (1842)
Sinasabi na nagsilang si Emma ng isang anak na lalaki noong Pebrero 6, 1842, sa Nauvoo, at inilibing ang bata noong araw ring iyon.20
David Hyrum Smith (1844–1904)
Ipinagbubuntis ni Emma si David Hyrum Smith nang pumanaw si Joseph Smith noong 1844. Kilala sa kanyang mga tula, pag-awit, at sining, kinalaunan ay naglingkod si David sa maraming mga misyon para sa Reorganized Church, at ang ilan sa mga ito ay nagdala sa kanya sa Utah, kung saan bumisita siya sa mga kamag-anak at iba pang mga Banal sa mga Huling Araw. Nag-aalala tungkol sa maramihang pagpapakasal ng kanyang ama, nakipagdebate si David sa kanyang pinsang si Joseph F. Smith at ininterbyu ang mga babaeng nagsasabing ibinuklod sila kay Joseph Smith. Ang mga misyong ito ang nagpasimula ng pagtitipon ng mga mahalagang materyal ukol sa poligamya sa Nauvoo.21
Hindi pa nagtatagal mula nang makabalik siya mula sa misyon sa Utah, ang kalusugang pangkaisipan ni David ay bumagsak, at ipinagkatiwala siya ng kanyang kapatid na si Joseph III sa isang asylum sa Elgin, Illinois, noong 1877. Sumulat si Joseph III sa malapit na kaibigan ni David, “Matapos ang matagal na pagninilay, mga panalangin at dalamhati, dinala ko si David sa ospital sa Elgin upang ipagamot. . . . Ako’y malungkot at nabibigatan tungkol dito, ngunit ginawa ko ang alam kong nararapat sa ngayon.”22 Napansin ng mga tauhan sa asylum ng Elgin ang depresyon ni David, kagustuhang mapag-isa, pagiging sensitibo sa tunog, paminsan-minsang pagkawala ng alaala, at kanyang paniniwala na taglay ng iba ang mahiwagang kapangyarihan laban sa kanya. Maaaring dumanas siya ng mga kondisyon na ngayon ay may kaugnayan sa kahibangan at dementia. Inasahan ng mga kaibigan at pamilya ang pagbuti ng kalusugan ni David, ngunit ang mga kawani ng asylum ay iniulat na walang malaking pagbabago sa kanyang mga sintomas sa loob ng 27 taon na kanyang paninirahan doon. Nagkasakit ng diabetes si David sa mga huling buwan ng kanyang buhay, at tatlong buwan bago ang kanyang ika-60 kaarawan, pumanaw siya dahil sa sakit sa bato.
Mga Kaugnay na Paksa: Joseph Smith Jr., Emma Hale Smith