“Pang-araw-araw na Buhay ng Unang Henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pang-araw-araw na Buhay ng Unang Henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw”
Pang-araw-araw na Buhay ng Unang Henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw
Kaagad nang mamatay ang kanyang ama, nakita ng apat-na-taong gulang at sa hinaharap ay magiging Banal sa mga Huling Araw na si Nancy Alexander na nalugi ang kanyang inang si Betsy at ipinadala ang mga anak ng pamilya upang tumira sa mga kamag-anak. Tumanggap ni Nancy ng edukasyon mula sa kanyang mga lolo’t lola, nagbasa ng Biblia sa mga pagtitipon ng pamilya, at natutong gumawa ng sinulid at manahi. Nang 15 taong gulang na si Nancy, bumalik ang kanyang ina sa loob ng ilang panahon, at, dahil hindi niya kayang mawalay muli sa kanyang ina, sinundan ni Nancy si Betsy na tumira sa iba pang mga kamag-anak. Ikinasal kalaunan si Nancy sa kanyang pinsan, si Moses Tracy, at sila ay “nanirahan nang magkasama.”1
Ang pagkabata ni Nancy ay hindi itinuturing ng kanyang mga kaibigan na kakaiba. Maraming pamilya sa panahong iyon ang nakaranas ng biglaang pagkamatay ng kapamilya o matagal na pagkakahiwalay sa pamilya. Karamihan sa mga pamilya sa Amerika ay tinuturuan ang kanilang mga anak na babae kung paano gumawa ng sinulid at manahi, at ang mga kabataan ay nagliligawan at nag-aasawa nang late teens o early twenties.
Ang mga ito at ang iba pang katangian ng pang-araw-araw na buhay sa Estados Unidos sa panahong iyon ay kadalasang hindi nabibigyang pansin sa mga talaan ng kasaysayan, at nananatiling hindi pamilyar sa mga mambabasa ngayon. Ngunit ang mga araw-araw na nakasanayan at nakaugalian ng panahong iyon ang bumuo sa mundo kung saan nakatira ang mga Banal at gumawa ng mga pagpili. Ang mga aspeto ng pang-araw-araw na buhay na nagkaroon ng malalaking pagbabago simula noong mga unang taon ng 1800s ay kinabibilangan ng kabuhayan ng pamilya, kalusugan, paglilibang, paglalakbay, at komunikasyon.
Kabuhayan ng Pamilya
Sa kabuhayan ng pamilya nakatuon ang karaniwang araw ng mga unang henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dahil karamihan sa mga pangangailangan sa buhay ay ginagawa at nakukuha sa tahanan, ang mga tao ay umasa sa mga miyembro ng pamilya upang mabuhay. Mahigit 90 porsiyento ng mga Amerikano sa panahon ni Joseph Smith ay nakatira sa bukid at sa mga kanayunan, at maging ang pinakamalalaking lungsod ay maliit ayon sa pamantayan ngayon—ang New York, Philadelphia, Baltimore, at Boston lamang ang may populasyong mahigit sa 50,000 tao noong 1830. Ang mga pamilya sa mga kanayunan ay kadalasang hinahati ang mga trabaho sa mga miyembro ng pamilya, at ang mga magulang ang bumabalikat sa pagkain at iba pang pangangailangan hanggang sa unti-unti nang makatulong ang mga anak.
Ang agrikultura ay nangangailangan ng araw-araw at pana-panahong mga iskedyul. Sa madaling-araw, ang mga babae sa pamilya ay karaniwang sinisimulan ang mga gawaing-bahay tulad ng pangangalaga sa hardin, paggawa ng mga pangunahing pagkain tulad ng mantikilya at keso, paggawa ng sinulid, pagkukumpuni at paglalaba ng mga damit, at pagluluto ng pagkain. Ang mga lalaki naman sa pamilya ay lalabas para alagaan at paramihin ang mga alagang hayop o kaya naman ay magtatrabaho bilang karpintero, tagagawa ng mga bariles, pangungulti, at iba pang mga trabaho. Sa dapit-hapon, karamihan sa mga pamilya ay nagtitipon sa loob ng bahay para mag-usap-usap o magbasa ng Biblia. Ang mga magulang, mga batang babae at lalaki ay karaniwang natutulog sa magkakahiwalay na kama na yari sa dayami o balahibo ng ibon.
Dahil sa mga hinihingi ng kabuhayan ng pamilya, ang mga nakatatandang tinedyer at young adult ay naghahanap ng mapapangasawang may kakayahang maging katuwang sa pamilya. Habang dumarami ang mga nasa middle class noong mga unang taon ng 1800s, ang mga mag-asawa ay nagkaroon ng higit na kalayaan sa pagpili ng pakakasalan at kung kailan magpapakasal. Ang pag-iibigan at kaligayahan ng mag-asawa ang siyang pumalit sa kapanatagan ng pamilya bilang pangunahing dahilan ng pagpapakasal. Posible man para sa isang mag-asawa na magtagumpay nang may iilan o walang mga anak, napakahirap para sa isang tao na ipagpatuloy ang pamumuhay na nakasalalay sa agrikultura.
Inaasahan ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay may maiaambag sa pamilya sa kalagitnaan ng kanilang kabataan. Para sa naunang mga henerasyon, ang pagiging magulang ay binubuo ng pag-aalis ng likas na kasamaan sa mga anak sa pamamagitan ng mahigpit na pagsubaybay at pagbibigay ng parusa. Sa mga unang taon ng 1800s, ang mga pananaw ay nagsimulang magbago, at ang kabataan ay naging panahon para mahubog ang pagkatao ng isang tao. Ang paglalaro ay hindi lamang nakatulong bilang pampalipas-oras ng mga batang musmos pa para sa mga gawaing-bahay kundi inihanda rin sila ng mga ito para sa mga papel na tanggap ng kanilang kultura na gagampanan nila sa kanilang pagtanda. Ang mga batang babae ay kadalasang nag-aalaga ng mga manika, at ang mga batang lalaki naman ay naglalaro sa labas ng mga larong nangangailangan ng pisikal na lakas. Pagdating nila sa hustong edad, nagbabago ang kanilang pananaw sa pamilya at sila ay nag-aasawa at nagnanais na magkaroon ng sariling bukirin o negosyo.
Karaniwan, ang mga bagong kasal na babae ay nabubuntis sa loob ng 18 buwan ng kasal. Sa pagbubuntis at panganganak, ang kababaihan, lalo na ang mga komadrona, kamag-anak, at mga kapit-bahay ay nagkakaisa upang tulungan ang ina. Ang mga lokal na komadrona kung minsan ay nagbibigay ng natural na pampawala ng sakit o espesyal na fungi para patindihin ang mga contraction o paghilab sa panganganak at sila mismo ang nangangasiwa sa pagluwal ng sanggol. Ang ina at sanggol ay nahaharap sa malubhang panganib—sa ilang pagtatantya, halos 4 na porsiyento ng kababaihan ang namamatay habang nanganganak at mga isa sa bawat limang sanggol ang namamatay sa kanilang unang taon. Karaniwang naghihintay ang mga magulang ng ilang panahon bago pangalanan ang kanilang mga anak, kung minsan ay ginagawa ito kapag mga ilang buwang gulang na ang mga bata.2
Personal na Kalusugan
Tulad ng iba pang mga frontier American, nahumaling ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw sa paksa ng kalusugan. Karamihan sa mga medikal na lunas ay napatunayang hindi maaasahan, at madalas pinahirapan ng sakit ang mga komunidad. Ang mga sirang pagkain, maruming tubig, at kawalan ng kalinisan ay humantong sa paglaganap ng mga sakit sa bituka, na siyang pinakamadalas na maging sakit ng mga tao sa kanayunan. Ang personal na kalinisan ay kinabibilangan ng paghuhugas ng mga kamay at mukha gamit ang tubig at pagpupunas ng mga dumi sa buong katawan gamit ang mga tela o tuwalya. Ang sabon ay ginagamit sa paglilinis ng bahay at paglalaba, ngunit hindi ginagamit sa balat, dahil matapang ito.
Ang amoy ng dumi, mga palikuran, pawis, at nabubulok na mga bagay ay laganap sa mga bayan at lungsod, dahil kakaunting tao lamang ang regular na naliligo at ang pagtatapon ng dumi at basura ay problema sa tuwina. Madalas ibinabaon sa lupa ng mga magsasaka ang kanilang mga basura, samantalang ang mga nasa lungsod naman ay iniiwan lamang ang kanilang mga basura sa kalsada para makain ng pagala-galang mga baboy. Ang hindi magandang pampublikong kalinisan at problema sa pagtatapon ng basura ay nakatulong sa paglaganap ng sakit. Isang siglo pa ang kinailangan upang humantong sa malawakang pagpapabuti ng mga gawi sa kalinisan ang mga natuklasan tungkol sa papel na ginagampanan ng bakterya sa pagkakasakit.
Ang mga sakit sa baga ay mabilis ding lumaganap. Maraming Amerikano noong ika-19 na siglo ang naniniwala sa teoriya na ang katawan ay may apat na pangunahing sangkap, na tinatawag nilang mga humor, na kung ang mga ito ay hindi balanse, ang tao ay nagkakasakit. Napakalaganap ng ideyang ito kaya’t karamihan sa paraan ng panggagamot sa lagnat noong mga unang taon ng ika-19 na siglo ay nangailangan ng bloodletting, kung saan kinukunan ng dugo ang maysakit para maging balanse muli ang mga humor ng tao. Kung minsan, ang mga doktor at iba pang mga propesyonal ay hindi sinasadyang pinalalala pa ang kundisyon ng mga maysakit.
Sa mga buwan ng tag-init, nagdadala ang mga lamok ng mga sakit na tulad ng malaria at yellow fever. Ang mga tao ay nagkakasakit ng trangkaso at tuberculosis mula sa blood contact at napakaliliit na mikrobyo na kumakapit sa alikabok. Sa mga lungsod ay laganap ang mga sakit; halos isa sa bawat apat na taong namamatay sa New York City noong 1804 ay dahil lamang sa tuberculosis. Ang pagpapabakuna ay nagbigay ng proteksyon laban sa bulutong, ngunit marami ang nangangamba na ang paggawa nito ay tiyak na magdudulot ng sakit at marahil ng kamatayan, at sa loob ng ilang dekada nahirapan ang mga doktor na gamutin ang mga maysakit na nag-aalinlangan sa mga gamot na pinag-aaralan pa lamang. Karamihan ay mas pinipili pang subukan ang tradisyunal na lunas o mga resipe ng kanilang kapit-bahay, kaysa linisin ang kanilang mga kagamitan, maligo nang mas madalas, o magpasuri sa doktor.
Paglilibang
Dahil sa hirap ng buhay, ang pagtatrabaho ang naging pinakamahalaga sa kanila, ngunit ang mga pamilya ay naglalaan din ng oras para maglibang. Ang mayayaman at maliliit na bata lamang ang may oras para sa mahabang paglilibang at pahinga. Para sa iba pa, ang ideya sa relihiyon na may likas na kasamaan sa paglilibang ay nagpatindi ng kanilang pagsisikap na maging matipid at masipag. Kadalasan ang paglilibang ay ginagawa para makapagpahinga sa trabaho, tulad ng pangangaso, pagpipiknik sa oras ng pagkain, at paggawa ng mga laro na hango sa kanilang trabaho.
Karamihan sa mga pamilya na agrikultura ang ikinabubuhay ay nagtatrabaho nang anim na araw kada linggo, at nagpapahinga sa araw ng Linggo para sumamba at magrelaks, o kaya naman ay nakikisalamuha sa ibang tao sa mga pormal na pagtitipon o sa mga bahay-tuluyan. Ang mga komunidad sa kanayunan ay bumuo ng mga “bees,” o mga grupo, upang makapagtayo ng mga bahay, maghawan ng mga lupain, o mag-ani ng mga pananim. Ang mga ito ay madalas na nagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsaya sa pamamagitan ng musika, sayaw, at pagkukuwento. Ang mga taong nagsisimba ay sanay sa mahahabang pulong na may kapana-panabik na mga sermon. Iniiba-iba ng mga tagapagsalita ang kanilang tono sa pagsasalita at kumikilos na tulad ng isang aktor at hindi tulad ng isang mapitagang mangangaral o guro. Ang mga pampubikong pagtitipon, kabilang na ang mga pulong sa simbahan, ay maaaring tumagal nang ilang oras; at ang mga ito ay isang uri na rin ng libangan.
Paglalakbay
Ang karamihan sa mga unang Banal sa mga Huling Araw, gaya ng iba pang mga Amerikano sa panahong iyon, ay naglalakbay nang naglalakad, sakay ng kabayo, karwahe, o bangka. Ang mga missionary ay naglakbay sa mas malalayong lugar, at napuntahan ang ibang mga kontinente sakay ng barko, ngunit ang kanilang paglalakbay sa araw-araw ay kinabilangan ng paglalakad at kung minsan ng pagsakay sa kabayo o karwahe. Ang mga kalsada sa Hilagang Amerika ay maaaring daanan ng mga karwahe at bagon, samantalang ang mga daraanan ng mga naglalakad ay hindi patag at lumulusot sa mga kagubatan at maaaring maglaho sa magdamag kapag nagbago ang panahon. Ayaw ng mga Frontier American ang paglalakbay sa tagsibol, dahil ang mga kalsada ay nagiging maputik sanhi ng natunaw na nyebe. Ang mga ilog, lalo na ang Missouri at Potomac River, na may maraming talon at paliku-likong agos ay mapanganib sa lahat, maliban na lamang sa mga pinakabihasang bangkero. Tuwing tag-init, sumasakay ang mga manlalakbay sa mga canal boat na nasa mga ginawang ilog tulad ng Eerie Canal.
Ang pinaka-karaniwang paraan pa rin ng paglalakbay sa malalayong lugar ay ang karwahe. Ang pamasahe sa mga karwahe sa paglalakbay sa Hilagang Amerika ay napakamahal, kung kaya’t ilang beses lamang sa kanilang buhay kayang maglakbay ng karamihan sa mga unang Banal sa mga Huling Araw. Nahahati sa ilang yugto ang paglalakbay ng mga karwahe, na nagpapahinga sa mga bahay-tuluyan. Gustung-gusto ng mga manlalakbay ang pabagu-bagong tanawin at ang mga paglilibang sa gabi, ngunit napakahirap ng paglalakbay kung ihahambing sa ngayon. Madalas kailanganin ng mga pasahero na tulungan ang mga nagmamaneho na iahon ang gulong ng bagon mula sa putik, at kung minsan ay natatakot ang mga kabayo at nagwawala, at kapag hindi na makontrol ang kabayo, kailangan nilang lahat na bumaba ng bagon. Ang biyahe mula Boston papuntang Palymra, New York, na mga 400 milya (644 kilometro) ang layo, ay tumatagal nang mga dalawang linggo.3
Komunikasyon
Ang komunikasyon ay limitado lamang sa kayang dalhin ng mga kartero na sakay ng barko o karwahe. Ang sistema ng koreo ng Estados Unidos ay umaasa noon sa mga karwahe at “post roads” upang maghatid ng mga sulat. Noong 1800, halos lahat ng post office ay nasa hilagang-silangan lamang, ngunit nang mga sumunod na dekada ay dumami na rin ang post roads, kaya naging posible na rin ang regular na pagpapadala ng sulat sa malalayong komunidad sa mga huling bahagi ng 1820s. Ang mga unang Banal sa mga Huling Araw ay madalas na nakikipag-ugnayan noon sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagsulat ng liham, kahit noong laganap na ang paggamit ng telegrama sa kalagitnaan ng 1800s.
Ang paghahatid ng balita at impormasyon ay umasa rin sa mga nakasulat na media. Ang mga mambabasa ay umasa sa mga diyaryo, magasin, polyeto, at aklat para sa balita at ipa pang impormasyon. Sa panahong ito, dumami ang bilang ng mga marunong magsulat at magbasa sa Estados Unidos, at karamihan sa mga Amerikano ay nakibahagi sa pulitika at usapang pampubliko sa pamamagitan ng naka-print na media.
Ang kaalaman tungkol sa kalagayan ng teknolohiya sa medisina at komunikasyon at ng buhay sa kanayunan ay nakakatulong sa atin na higit na maunawaan ang gawaing misyonero ng mga unang Banal, ang kanilang mga aktibidad sa komunidad, at ang konteksto ng mga paghahayag ni Joseph Smith. Bagama’t hindi gaanong nababanggit, ang mga impormasyon tungkol sa pang-araw-araw na buhay ay nakaimpluwensya sa maagang paglago ng Simbahan at sa pagsisikap ng mga banal na tipunin at itayo ang Sion.