Kasaysayan ng Simbahan
Parley P. Pratt


“Parley P. Pratt,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Parley P. Pratt”

Parley P. Pratt

Noong huling bahagi ng tag-init ng 1830, si Parley P. Pratt, na noon ay 23 taong gulang, ay nakakita ng isang kopya ng Aklat ni Mormon. Tubong New York, lumipat si Pratt sa Ohio ngunit nakadama siya ng espiritwal na pagpapahiwatig na bumalik sa New York at mangaral. Nabighani siya sa Aklat ni Mormon. “Buong araw akong nagbasa; abala para sa akin ang pagkain, hindi ko gustong kumain; hindi ko magawang matulog nang sumapit ang gabi, sapagkat mas gusto kong magbasa kaysa matulog,” kalaunan ay isinulat niya, nagtatapos sa, “Nalaman at naunawaan ko na ang aklat ay totoo.”1 Nakipag-ugnayan siya sa mga miyembro ng pamilya ni Joseph Smith at hindi nagtagal ay nabinyagan siya.

Profile na larawan ni Parley P. Pratt

Profile na larawan ni Parley P. Pratt.

Sa kagandahang-loob ng Church History Department

Halos pagkatapos agad ng binyag ni Pratt, tumanggap ng paghahayag si Joseph Smith na naghihirang kay Pratt sa isang misyon upang mangaral sa mga American Indian sa kanlurang hangganan ng Estados Unidos.2 Habang patungo roon, sina Pratt at ang kanyang mga kasama ay tumigil malapit sa Kirtland, Ohio, upang makipag-usap sa kanyang dating pastor, si Sidney Rigdon. Mahigit 100 katao sa loob at paligid ng Kirtland, kabilang sina Sidney at Phebe Rigdon, ang agad na sumapi sa Simbahan.3 Noong 1835 ay tinawag si Pratt bilang isa sa mga orihinal na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga huling araw.4 Noong 1836 ay naglingkod siya sa isang misyon sa Canada na humantong sa pagbibinyag ng magiging Pangulo ng Simbahan sa hinaharap na si John Taylor at kanyang asawang si Leonora, gayundin si Mary Fielding, na kalaunan ay pinakasalan si Hyrum Smith at naging ina at lola ng mga magiging Pangulo ng Simbahan sa hinaharap.5

Nang pinalayas ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa estado ng Missouri noong 1838–39, dinakip si Pratt dahil sa kanyang pakikibahagi sa isang digmaan laban sa mga taga-Missouri at ikinulong nang ilang buwan sa bilangguan sa Richmond at Columbia, Missouri, bago nakatakas at nakasama sa pangunahing pangkat ng mga Banal sa Illinois.6 Sa pagitan ng 1839 at 1842, nakibahagi siya sa misyon ng mga apostol sa England na humantong sa pagbibinyag sa libu-libong tao. Pagkatapos, noong 1847, pinangunahan nina Pratt at John Taylor ang malaking grupo ng mga bagon sa kanilang pagtawid sa kapatagan papunta sa Lambak ng Salt Lake, sinusundan ang daang binuo ng naunang grupo (vanguard company) ilang buwan na ang nakararaan.

Nagkaroon ng pangitain si Pratt para sa pagtatatag ng Simbahan sa buong mundo. Noong mga unang taon ng dekada ng 1850, pinamahalaan niya ang gawaing misyonero sa malawak na Pacific area ng Simbahan, naglakbay nang dalawang beses sa California at nakikipagsulatan sa mga missionary sa buong Pasipiko. Naglakbay siya sa Chile, kung saan siya nag-aral ng wikang Espanyol at tinangkang ibahagi ang ebanghelyo, at sila ng kanyang asawang si Phebe at kanyang companion na si Rufus Allen ay naging mga unang missionary sa South America. Sumulat siya kay Brigham Young, nagmungkahi na lahat ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawa ay mag-aral ng iba pang mga wika upang madala nila ang ebanghelyo sa mundo. Nang bumalik siya sa California, itinuro niya ang Espanyol sa ibang mga tao.

Isang mahusay na manunulat, sumulat si Pratt ng mga aklat, polyeto, artikulo sa pahayagan, tula, at mga himno upang ipinaliwanag at ipinagtanggol ang kanyang pananampalataya. Noong 1837, isinulat niya ang A Voice of Warning, isa sa pinakapopular na aklat pang-misyonero noong ika-19 na siglo. Habang nasa England, itinatag niya at pinamatnugutan ang isang pahayagan na nagngangalang Latter-day Saints’ Millennial Star.7 Noong 1855, inilathala niya ang Key to the Science of Theology, isang paliwanag tungkol sa doktrina at teolohiya ng Simbahan. Sumulat din siya ng isang sariling talambuhay na inilathala matapos ang kanyang pagkamatay.

Noong binata pa, pinakasalan ni Pratt si Thankful Halsey, na sumapi sa Simbahan at sinuportahan siya sa iba’t iba niyang misyon hanggang sa namatay ito sa panganganak sa kanilang unang anak na si Parley Jr., noong 1837. Pagkatapos ay pinakasalan niya ang isang balo, si Mary Ann Frost Stearns, na sumama sa kanya sa kanyang misyon sa England. Ang mga Pratt ay ipinakilala sa alituntunin ng maramihang pag-aasawa nang sila ay bumalik mula sa England, at magkasama nilang tinanggap ang alituntunin. Pinakasalan ni Pratt ang kanyang unang pangmaramihang asawa noong 1843, na kalaunan ay nagpakasal sa 12 kababaihan sa buong buhay niya. Ama siya ng 30 anak. Ang kanyang mga asawa ay naglarawan ng isang karaniwang maayos na sambahayan, at ipinadama ni Pratt ang kanyang matinding pagmamahal para sa kanyang pamilya sa mga liham habang nasa kanyang paglalakbay bilang missionary.

Ang kanyang huling asawa, si Eleanor Jane McComb, ay sumapi sa Simbahan habang naninirahan sa California. Ayon sa kanyang salaysay, ang kanyang asawang si Hector McLean ay isang abusadong lasenggo na ipinadala ang tatlo nilang anak sa piling ng kanyang mga magulang sa New Orleans matapos siyang mabinyagan. Dahil sa pang-aabuso ng kanyang asawa, iniwan niya ito at lumipat sa Lunsod ng Salt Lake. Sa panahong ang mga diborsyo ay mahirap makuha, si Eleanor, tulad ng maraming iba pang Amerikano na nasa gayong sitwasyon noong ika-19 siglo, ay itinuring na nagwakas ang kanyang kasal kahit hindi pa sila legal na diborsyado.8 Ikinasal siya kay Pratt noong Nobyembre 1855 at sinamahan niya ito sa isang misyon sa mga estado sa silangan, sa pag-asang mabawi ang kanyang mga anak mula sa bahay ng kanyang mga magulang. Binalaan ng kanyang ama ang kanyang hiniwalayang asawa sa kanyang pagtatangka, at napaniwala nito ang isang marshal sa Arkansas na dakpin si Pratt noong Mayo 1857. Ipinagpaliban ng isang pederal na hukom ang kaso at kalaunan ay pinakawalan si Pratt, ngunit sinundan ni McLean si Pratt at pinatay ito. Lubhang nagdalamhati ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanyang pagkawala.

Apat na taon bago ang kanyang pagpanaw, pinagnilayan ni Pratt ang kanyang buhay sa isang liham sa isang kaibigan mula sa kanyang pagkabata. Ang kanyang pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagpabago ng kanyang buhay at dinala siya sa malayo mula sa kanyang kinalakhang tahanan sa New York. “Sa madaling salita,” isinulat niya, “ako ay naging isang magsasaka, lingkod, mamamalakaya, isang tagahukay, isang pulubi, mangangaral, may-akda, isang patnugot, senador, mangangalakal, elder, at isang Apostol ni Jesucristo.” Palagiang isang missionary, ibinigay ni Pratt sa kanyang kaibigan ang mensahe na ibinigay niya para sa napakarami sa buong buhay niya: “Saliksikin ang mga banal na kasulatan,” sundin ang mensahe ng ebanghelyo, mabinyagan, at “tumulong sa amin na itayo ang kaharian ng Diyos at ang kabutihan nito.”9

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Peryodiko ng Simbahan, Mga Unang Missionary, Korum ng Labindalawa