“Mga Programang Pangkapakanan.” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“Mga Programang Pangkapakanan” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Mga Programang Pangkapakanan
Di-nagtagal pagdating sa Kirtland, Ohio, noong 1831, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag tungkol sa panawagan sa Simbahan na “alalahanin ang mga maralita, at maglaan ng inyong mga ari-arian para sa kanilang panustos na inyong kinakailangang ibigay sa kanila, kalakip ang isang tipan at isang kasulatan na hindi maaaring labagin.”1 Tinagubilinan ng Panginoon ang bishop ng Simbahan at mga tagapayo nito na mangolekta ng mga sumobrang donasyon at itago sa “kamalig, para sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan.”2 Habang nagtitipon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Ohio, Missouri, at Illinois sa sumunod na dekada, ang pagsuporta sa mga maralita at nangangailangan ay nanatiling mahalagang aspeto ng pagtatayo ng Sion.3 Ang paglalaan para sa mga maralita ang bumubuo ng pangunahing tema ng Doktrina at mga Tipan, at ang sumunod na mga henerasyon ng Banal sa mga Huling Araw ay patuloy na nakatuon sa responsibilidad na ito ng Kristiyano.4
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tumugon sa iba’t ibang paraan sa mga pangangailangang pangkapakanan noong ika-19 na siglo. Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang pangunahing layunin ng Female Relief Society ng Nauvoo ay “ibsan ang paghihirap ng mga maralita,” at kinoordina ng kababaihan ang mga donasyon para sa mga nangangailangan habang kinakalinga rin ang mga maralitang nandarayuhan na dumating sa lunsod noong dekada ng 1840.5 Noong dekada ng 1870, tinulungan ng mga miyembro ng Relief Society ang mga bishop sa North American West sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga pangangailangan sa welfare, paghihikayat ng suporta, pag-iimbak ng mga butil, at pagbibigay ng pangangalagang medikal.6 Sa loob ng 40 taon, pinangasiwaan ng Simbahan ang Perpetual Emigrating Fund para magpautang sa mga nandarayuhang miyembro ng panggastos sa paglalakbay upang “dalhin ang mga maralita” sa Lambak ng Salt Lake.7 Sa mga punong tanggapan ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake, isang tithing yard ang nag-imbak ng mga donasyong ipapamahagi ng mga bishop, at sa malalayong pamayanan, ang mga lokal na kamalig ng mga bishop ay nagtitipon din ng resources ng komunidad. Ang mga ward at stake ay regular na nakikibahagi sa “mga araw ng ayuno” sa pamamagitan ng hindi pagkain at pagbibigay ng katumbas na halaga ng hindi kinain sa mga tithing yard at kamalig.8 Sa pag-unlad ng ekonomiya sa rehiyon at pagkakaroon ng mga bagong industriya noong huling bahagi ng dekada ng 1800, dumami ang mga trabahong nakabase sa sahod at dumagsa ang mga paninda na inaangkat mula sa silangang Estados Unidos, at dahil dito nagkaroon ng bagong kompetisyon sa merkado, na nagbantang magpadagdag sa mga gastusin ng mga mas maralitang magsasaka at manggagawa. Si Brigham Young at ang kanyang mga kasamahan ay nagtaguyod ng mga kooperatiba sa pagitan ng mga prodyuser at mangangalakal na mga Banal sa mga Huling Araw gayundin ng mga lokal na organisasyon ng Nagkakaisang Orden [United Order] upang protektahan ang industriya ng rehiyon at tiyakin ang seguridad ng mga maralitang residente laban sa mga nagsasamantalang negosyante.9 Ang sama-sama at maraming pamamaraang pagkapakanan ng Simbahan noong dekada ng 1800 ay nagpabuti ng kalagayan ng mga Banal at ng iba pang mga tao sa kanilang komunidad. Sa kabuuan, ang mga maralita ay nagtamasa ng mas mataas na antas ng pamumuhay sa mga lugar ng mga Banal sa mga Huling Araw kaysa sa iba pang mga lugar sa Estados Unidos.10
Sa pagsapit ng ika-20 siglo, ang mga mapagkawanggawang lipunan sa Europa at Estados Unidos ay bumuo ng mas malinaw at sistematikong mga operasyong pangkapakanan, at ang mga institusyon ng pamahalaan ay bumuo ng mga programang magbibigay ng serbisyong pangkapakanan. Si Amy Brown Lyman, isang civic leader na Banal sa mga Huling Araw at kalaunan ay naging Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society, ay kumuha ng kurso sa unibersidad tungkol sa gawaing panlipunan at nagpatupad ng mga bagong pamamaraang pangkapakanan sa bagong Social Service Department ng Relief Society. Tulad ng iba pang mga social reformer ng Progressive Era na may kumpiyansang makapagbibigay ang mga institusyon ng solusyong pangkapakanan, si Lyman at ang kanyang mga kasamahan sa Relief Society ay naghangad na tulungan ang mga naghihikahos sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba pang mga organisasyong pangkawanggawa at pagbibigay ng training sa paglilingkod.11
Sa simula ng Great Depression noong 1929 at 1930, ang mga programa ng Relief Society at mga kamalig ng bishop ay nagbigay ng tuwirang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng nakapanlulumong dami ng mga tao na walang trabaho. Sa loob ng apat na taon sa Depression, pinakilos ng Unang Panguluhan si Harold B. Lee, ang pangulo ng Pioneer Stake at komisyoner sa Lunsod ng Salt Lake, at iba pang mga lider na bumuo ng plano sa buong Simbahan na naghihikayat ng katatagan sa pinansiyal habang nagbibigay ng tulong.12 Ibinalita noong 1936, ang Church Security Program na naging resulta nito ay nanawagan sa mga panguluhan ng stake na mag-organisa ng mga regional council at magtulungan para mapaghandaan ang oras ng emergency sa kanilang lugar, mahimok ang mga tao na magbigay ng handog-ayuno, tulungan ang iba na makanap ng trabaho, at mapamahalaan ang napakaraming proyekto.13
Noong 1938, ang General Welfare Committee, na itinatag ng Church Security Program, ay nanguna sa pagsalba at paggiba ng ilang kondenadong gusali sa Lunsod ng Salt Lake upang itayo ang Welfare Square—isang sentral na campus ng mga pasilidad ng kamalig kabilang na ang isang industrial-sized cellar, cannery, pagawaan at clothing dispensary, grain elevator, kapilya, at mga opisina para sa pangangasiwa. Kapag nakikipagpulong sa mga hikahos na indibiduwal at pamilya, ang mga bishop sa hilagang Utah ay nagbibigay sa kanila ng mga storehouse order na makukuha nila sa Welfare Square nang walang bayad. Noong huling bahagi ng dekada ng 1950, isang bishop ang tinawag upang pamahalaan ang Welfare Square at magbigay ng walk-in order at tulong para sa trabaho. Ang surplus inventory ay dinadala sa mga kamalig ng mga bishop sa iba’t ibang panig ng mundo.14
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naglunsad ang Simbahan ng isang malawakang kampanya upang mangolekta ng pagkain at damit para sa mga lugar sa Europa na napinsala ng digmaan, at ang Pangulo ng Simbahan na si George Albert Smith ay nakakuha ng pahintulot mula sa pamahalaan ng Estados Unidos na ipadala ang mga donasyon sa ilang bansa sa Europa. Habang nagmamasid si Pangulong Smith sa mga manggagawa sa Welfare Square na naghahanda ng mga ipapadalang suplay, naluha siya sa kagalakan sa dami ng mga donasyon. Hinubad niya ang kanyang pangginaw at inilagay sa cargo. Ipinadala ni Pangulong Smith si Elder Ezra Taft Benson, isang bihasang agricultural administrator bago siya tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol, upang isaayos ang kumplikadong pamamaran ng pagtulong sa Europa. Sa loob ng 10 buwan, naglakbay si Elder Benson nang mahigit 61,000 milya (humigit-kumulang 98,000 kilometro) sa kanyang mahirap at nakakapagod na paglibot sa mga bansa sa Europa, kung saan nakita niya ang matinding kakulangan sa pagkain at kawalan ng tirahan sa bawat lugar. “Walang sinumang makauunawa, maliban kung nakita niya mismo ang pagkawasak,” sabi niya pagkauwi, na may determinasyong palawakin ang programang pangkapakanan ng Simbahan at paghusayin ang paghahanda at pagiging maparaan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpadala ang Simbahan ng mahigit anim na milyong libra (humigit-kumulang tatlong milyong kilo) ng pagkain at damit sa Europa sa pagitan ng Oktubre 1945 at Disyembre 1949.15
Sa natitirang bahagi ng ika-20 siglo at hanggang sa ika-21, ang Simbahan ay patuloy na bumuo ng mga karagdagang programang pangkapakanan at pinag-ibayo ang pagkakawanggawa at iba pang mga serbisyong panlipunan. Mula sa unang tindahan nito noong 1938 hanggang halos 50 pagsapit ng 2022, ang nonprofit thrift store na Deseret Industries ay nagbenta ng donasyong mga kalakal at nagbigay ng trabaho, career training, job placement, edukasyong teknikal, at tulong-pantao. Sa ilalim ng programang pangkapakanan ng Simbahan, ilang komiteng pangkapakanan ng stake ang nagsimulang bumili ng bukirin noong dekada ng 1940 upang magbigay ng trabaho at magtanim ng mga bungang iaambag sa mga kamalig at cannery ng mga bishop. Maraming sakahan ang ipinagbili sa mga sumunod na taon dahil sapat nang natugunan nito ang mga pangangailangan sa kamalig at cannery, samantalang ang mga natitirang bukirin ay pinangasiwaan sa pagdami ng boluntaryong gawain.16 Simula noong 1971, ang mga propesyonal sa kalusugan ay tinawag sa mga misyon upang tumulong sa mga ospital, klinika, at iba pang organisasyong pangkalusugan ng komunidad. Hindi nagtagal ay pinalawak ang missionary program ng Serbisyong Pangkapakanan na kinabibilangan ng mga missionary na may iba’t ibang propesyon na tumutulong sa pangangalaga ng kalusugan, agrikultura, edukasyon, pagpapalago ng negosyo, resettlement ng imigrante at refugee, at direktang pagtulong sa oras ng kalamidad.
Noong 1985, bilang tugon sa mapaminsalang taggutom sa Ethiopia, itinatag ng Simbahan ang Humanitarian Aid Fund [Pondo para sa Tulong-Pantao] upang mangolekta ng mga donasyon at ang Latter-day Saint Charities upang makipag-ugnayan at magbigay ng tulong. Dahil sa dalawang pandaigdigang ayuno, ang mga miyembro ng Simbahan ay nagbigay ng mahigit $11 milyong USD sa Humanitarian Aid Fund. Hindi nagtagal ay nagsimulang makipagtulungan ang Latter-day Saint Charities sa iba pang mga organisasyong pantao sa napakaraming proyekto upang mabawasan ang kawalan ng pagkain, maayos ang pinagkukunan ng malinis na tubig at kagamitan sa sanitasyon, mapuksa ang sakit sa pamamagitan ng bakuna, makatugon sa mga emergency, suportahan ang mga refugee, at magbigay ng mga wheelchair at mga serbisyong nangangalaga sa mga mata. Noong 2020, ang Latter-day Saint Charities at mga katuwang nito ay nag-isponsor ng mahigit 3,600 proyekto sa 160 bansa at teritoryo17 Kabilang din sa serbisyong pangkapakanan ng Simbahan ang Family Services [Mga Serbisyo para sa Pamilya], na nag-aalok ng payo at paggaling sa adiksyon, Self-Reliance Services [Mga Serbisyo para sa Self-Reliance, na nag-aalok ng tulong sa trabaho, edukasyon, at pananalapi.
Mga Kaugnay na Paksa: Paglalaan at Pangangasiwa, Pag-aayuno, Relief Society, Great Depression, Amy Brown Lyman, Mga Nagkakaisang Orden, Pandarayuhan