Kasaysayan ng Simbahan
Gordon B. Hinckley


Gordon B. Hinckley

Naglingkod si Gordon Bitner Hinckley bilang ika-15 Pangulo ng Simbahan mula 1995 hanggang sa kanyang pagpanaw noong 2008. Isinilang siya noong ika-23 ng Hunyo 1910, bilang panganay na anak nina Ada at Bryant Hinckley, na nagpalaki sa kanya sa isang malaki at malapit na pamilya sa Lunsod ng Salt Lake, Utah, at nagtanim sa kanya ng pagmamahal sa pag-aaral at hindi nagmamaliw na pananampalataya. Noong bata pa siya, masasabing hindi gaanong masigla ang pangangatawan ni Gordon, (minsang itinuring na “payatot, mahinang bata”), ngunit natuto siya ng kasipagan at magandang pag-uugali sa trabaho habang lumilibot at nagtatrabaho sa sakahan ng kanyang pamilya sa lugar ng East Mill Creek sa Lambak ng Salt Lake. Siya ay nagtapos sa mataas na paaralan noong 1928 at agad na nag-aral sa University of Utah. Matapos bumagsak ang stock market ng Estados Unidos noong 1929, mabilis na dumami ang bilang ng mga walang trabaho sa lugar ng Salt Lake, subalit nagawa niyang manatiling may trabaho bilang tagapagmentena ng pasilidad at patuloy na tustusan ang kanyang pag-aaral. Sa kasamaang-palad, ang kanyang inang si Ada ay pumanaw dahil sa kanser makalipas ang isang taon, noong 20 taong gulang si Gordon, na siyang nagsimula ng yugto ng “kahungkagan.” Nagtapos siya ng kursong Ingles noong 1932 at kinasabikan niya ang karera sa pamamahayag.

Bagama’t halos iilang kalalakihan lamang ang tinawag upang maglingkod sa mga misyon nang full-time noong kasagsagan ng Malawakang Depresyon, nilapitan si Gordon ng kanyang bishop na may “isang nakakagulat na mungkahi,” tulad ng pagkakaalala ni Gordon, na magsimula sa isang misyon. Kamakailan lamang ay nalugi ang bangkong nag-iingat ng savings account ni Gordon, ngunit ang ama ni Gordon na si Bryant ay nangakong “gagawin namin ang lahat” upang tustusan ang misyon. Nagkaroon ng paraan si Gordon na tanggapin ang pagtawag salamat sa kakaunting ipon na naiwan ng kanyang ina mula sa mga sukling barya sa pamamalengke nito. Iningatan niya ang mga barya ng kanyang ina, sabi niya, “nang lubusan.” Umalis siya para sa gawain sa European Mission na may punong-tanggapan sa London, England. Unang pinanghinaan ng loob dahil sa mga hamon ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa panahon ng paghihirap sa buong mundo, pinatibay ang katatagan ni Gordon ng payong natanggap niya mula sa kanyang ama na “kalimutan mo ang sarili mo at magtrabaho ka.” Binigyan siya nito ng inspirasyon na ilaan nang lubusan ang sarili sa kanyang misyon, na nagdulot ng matinding pagbabago sa kanyang pananaw. Noong unang bahagi ng 1934 ay inilipat siya upang magtrabaho sa mga tanggapan ng misyon kasama ni Elder Joseph F. Merrill ng Korum ng Labindalawang Apostol, na namumuno sa misyon. Para sa natitirang bahagi ng kanyang misyon, hinarap niya ang mga tanong ng mga mamamahayag at nagpasa siya sa mga pahayagan ng sarili niyang mga liham, editoryal, at nagbibigay-impormasyong artikulo sa pag-asang malabanan ang mga maling ulat tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw at sa Simbahan.

si Gordon B. Hinckley bilang bata pang misyonero

Si Gordon B. Hinckley bilang isang misyonero, nagtuturo sa Hyde Park, London, Hulyo, 1934.

Hindi nagtagal pag-uwi niya mula sa kanyang paglilingkod bilang misyonero noong 1935, inanyayahan si Gordon na makipagpulong sa Unang Panguluhan upang talakayin ang mga paraan sa pagpapabuti ng mga resource at materyal para sa mga misyonero. Nagbunga ang paglalahad niya sa kanyang pagkakatalaga bilang ehekutibong kalihim ng bagong tatag na Radio, Publicity, and Literature Committee ng Simbahan, isang posisyong nangangailangan ng full-time na trabaho bilang empleyado ng Simbahan. Isinantabi ang kanyang mga plano na mag-aral sa graduate school, tinanggap niya ang posisyon at nagsimula siyang magsulat ng mga programa sa radyo at mga polyeto ng misyonero, maging mga pakikipag-ugnayan sa media at pagsasaliksik sa kasaysayan ng Simbahan. Ang kanyang gawain sa komite ay nagbigay-daan upang araw-araw siyang makipagtulungan sa mga senior na lider ng Simbahan sa panahon ng paglago ng mga misyon at broadcast media sa buong mundo.

Noong 1937, pinakasalan ni Gordon si Marjorie Pay, isang kapitbahay mula sa kanilang pagkabata na nakatira sa katapat na kalsada. Lumipat sila sa pantag-araw na bahay ng mga Hinckley sa East Mill Creek, kung saan nila pinalaki ang kanilang limang anak kalaunan. Bilang mga magulang, nagsikap silang lumikha ng mapagmahal na kapaligiran kung saan masasaksihan ng kanilang mga anak ang pananampalataya at dedikasyon ng mga magulang ng mga ito. Naniwala si Marjorie sa pagtitiwala sa kanyang mga anak at pagsabi ng “oo” hangga’t maaari, nagpapatupad ng iilang patakaran lamang ngunit mataas ang mga inaasahan sa mga ito. Pinahalagahan ng pamilya ang tawanan, araw-araw na nagsisikap na makasumpong ng kasiyahan at magigiliw na pakikisalamuha.

Makalipas ang maikling paninilbihan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang katuwang na superintendente para sa Denver and Rio Grande Railroad, ipinagpatuloy ni Gordon ang mga nauna niyang responsibilidad sa punong-tanggapan ng Simbahan at hindi nagtagal ay itinalaga siyang pangasiwaan ang mga simula ng naging Missionary Department kalaunan. Kasama sina Elder Henry D. Moyle at Stephen L Richards at Pangulong David O. McKay, pinangunahan niya ang pagsisikap na sinupin ang mga operasyon sa misyon ng Simbahan at palawigin ang mga proseso sa paglinang ng mga kandidato sa pagkamisyonero, pagsuport sa sa mga mission president, at pagpapauwi sa mga misyonero kapag natapos na ang kanilang paglilingkod.

Noong 1958, ipinaabot ni Pangulong David O. McKay kay Gordon ang pagtawag na maglingkod bilang Katuwang sa Labindalawa, isang katungkulan na naging dahilan upang siya ay maging General Authority sa Simbahan. Dinala ng kanyang mga responsibilidad si Elder Hinckley sa Asya, isang rehiyong halos wala siyang alam. Agad siyang nagkaroon ng malalim na pagmamahal sa mga tao roon at nagpanatili ng malapit na ugnayan sa mga misyonero, nakikinita ang mga dakilang pagkakataon para sa paglago ng stake sa hinaharap. Makalipas ang tatlong taon sa katungkulang ito, hiniling ni Pangulong McKay kay Elder Hinckley na maglingkod siya sa Korum ng Labindalawang Apostol. Patuloy niyang pinangasiwaan ang gawain sa Asya sa loob ng sumunod na pitong taon, na nasundan ng mga kaparehong gawain sa Timog Amerika at Europa.

Noong 1981, tinawag ni Pangulong Spencer W. Kimball si Elder Hinckley na maglingkod bilang pangatlong tagapayo sa Unang Panguluhan, isang pagbabago mula sa karaniwang dalawang tagapayo dahil sa kanilang mga problema sa kalusugan. Ginampanan ni Pangulong Hinckley ang mahahalagang tungkulin, kabilang na ang pang-araw-araw na gawain ng Unang Panguluhan at malalaking pagsisikap na magtayo at maglaan ng mga templo. Ang digital na panahon ay nagdulot ng dagdag na pagsusuri ng publiko, ngunit hinikayat ni Pangulong Hinckley ang mga miyembro ng Simbahan na panatilihin ang kanilang tuon sa mas malaking sitwasyon. Tumindi ang dalas ng kanyang paglalakbay habang sumasama ang lagay sa kalusugan ni Pangulong Kimball at ng iba pang mga tagapayo, at agad niyang natukoy ang pangangailangan ng pagtatakda ng mga responsibilidad sa pamunuan ng rehiyon. Malaki ang ambag niya sa paglikha ng mga Area Presidency at sa pagbuo ng mga pandaigdigang pag-aangkop sa mga programa ng Simbahan.

si Gordon B Hinckley sa pangkalahatang kumperensya

Sa pagitan ng 1981 at 1985, madalas mamuno nang mag-isa si Gordon B. Hinckley sa pangkalahatang kumperensya dahil sa mga hamon sa kalusugan ng ibang miyembro ng Unang Panguluhan.

Hindi nagtagal matapos pumanaw si Pangulong Howard W. Hunter noong 1995, na-set apart si Pangulong Hinckley bilang Pangulo ng Simbahan. Kilala ang kanyang panguluhan sa masiglang pag-unlad at inobasyon nito. Inuna ni Pangulong Hinckley ang pagsisikap na mas makilala ang Simbahan sa media at siya ay nagsagawa ng mga panayam sa pambansang telebisyon at nagdaos ng mga press conference sa buong mundo. Niyakap niya ang teknolohiya at inatasan niya ang mga departamento ng Simbahan na gamitin ang mga umuusbong na oportunidad sa internet at multimedia upang isulong ang gawain ng ebanghelyo, na kinabibilangan lalo na ng pagbrodkast ng mga miting at pagpapahusay ng mga kasangkapan sa kasaysayan ng pamilya. Noong 1995, ipinakilala niya ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” at isinulong niya ang pakikipagtulungan sa ibang simbahan at organisasyon upang palawigin ang suporta ng lipunan sa pamilya. Noong 1997, pinangunahan ni Pangulong Hinckley ang pagdiriwang ng buong simbahan sa ika-150 anibersaryo ng pagdating ng mga pioneer sa Lambak ng Salt Lake, binibigyang-diin ang tapat na pundasyong inilatag ng mga yaong naunang Banal sa mga Huling Araw para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, anuman ang pinagmulan nila.

Binigyang-diin ni Pangulong Hinckley hindi lamang ang paghahanap ng mga bagong miyembro sa pamamagitan ng masusing gawaing misyonero kundi pati na rin ang paglinang at paggabay sa kanila sa pamamagitan ng indibidwal na pagtuon at suporta. Inspirado ng Perpetual Emigrating Fund na tumulong sa maraming pioneer na maglakbay patungong Utah, iniatas ni Pangulong Hinckley ang paglunsad ng Perpetual Education Fund upang maglaan ng pondo para sa mga mag-aaral na Banal sa mga Huling Araw na nais mag-aral sa kolehiyo. Ang pagtatayo ng templo ay isa pang mahalagang prayoridad, lalo na sa ideyang ilapit ang mga templo sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Bumuo at nagpatupad siya ng mga plano para sa mga mas maliliit na templo, at sa pagtatapos ng taong 2000, mayroon nang higit sa 100 umiiral na templo ang Simbahan. Sa ilalim ng kanyang pamununo, itinayo ang Conference Center sa kabayanan ng Lunsod ng Salt Lake, at sa panahon ng paglalaan nito noong 2000, isa ito sa pinakamalaking indoor na bulwagan sa mundo.

Dalawang araw makalipas ang pangkalahatang kumperensya noong Abril 2004, pumanaw si Marjorie Hinckley. Kinilala ni Pangulong Hinckley ang kanyang pagdadalamhati at pinuri ang “pagmamahal, pagpapalakas ng loob, at katapatan” ni Marjorie. Sa loob ng sumunod na apat na taon, nanatili siyang aktibo kahit na tuloy-tuloy na bumabagsak ang kanyang kalusugan. Noong Enero 2008, payapang pumanaw si Pangulong Gordon B. Hinckley sa kanyang tahanan, na napapaligiran ng kanyang limang anak at ng kanilang mga asawa. Ang kanyang malawakang paglalakbay at pamumuno ay nagpamahal sa kanya sa mga miyembro ng Simbahan, pinunong panlipunan, at pangkalahatang tao sa buong mundo.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa buhay ni Gordon B. Hinckley, tingnan ang mga video sa Prophets of the Restoration sa history.ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.

Mga Kaugnay na Paksa: Pagtatayo ng Templo, Broadcast Media, Pag-unlad ng Gawaing Misyonero, Mga Servicemember Branch