“Mga Pagsangguni ni Martin Harris sa mga Iskolar,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Pagsangguni ni Martin Harris sa mga Iskolar”
Mga Pagsangguni ni Martin Harris sa mga Iskolar
Noong Pebrero 1828, si Martin Harris ay naglakbay papunta sa New York City dala ang isang kopya ng ilan sa mga titik mula sa mga lamina ng Aklat ni Mormon, sa pagnanais na maipakita ang mga ito sa mga iskolar ng ilan sa pinakatanyag na mga unibersidad sa Estados Unidos.1 Maraming beses na ikinuwento ni Harris ang tungkol sa biyaheng ito sa buong buhay niya, madalas sa mga nag-iinterbyu sa kanya na nais malaman ang tungkol sa kanyang mga unang karanasan sa Simbahan. Si Charles Anthon, isang propesor na nakilala ni Harris, ay nag-iwan ng mga tala ng kanyang pakikipagkita kay Harris, na nagpapatunay na sila ay nagkita. Ngunit dahil sa mga hindi pagkakatugma sa pagitan ng mga talang ito ng kasaysayan, may ilang mga tanong tungkol sa paglalakbay na ito na hindi pa rin nasasagot.
Motibasyon ni Harris
Halimbawa, ang mga mapagkukunan ng impormasyon ay nagsasabi na may ilang motibasyon para sa paglalakbay. Ang ilang mga tala ay nagmungkahi na inutusan ng Panginoon si Harris na gawin ang paglalakbay, at ang ilan naman ay nagsasabing pinasimulan ito ni Joseph Smith o ni Harris mismo.2 Maaaring umasa si Harris na ang pagpapatibay mula sa mga iskolar ay magpapasaya sa kanyang asawang si Lucy, na may mga pagdududa tungkol sa ginagawang pagsasalin, o para matulungan siyang maging mas panatag bago magpasiya na magbigay ng pera para sa pagsasalin. Ang ilang mapagkukunan ng impormasyon ay nagpapahiwatig na nais ni Harris na humingi ng payo mula sa mga iskolar kung paano gagawin ang pagsasalin mismo.
Ang mga Iskolar na Sinangguni
Sa panahon ng paglalakbay ni Martin Harris, tila walang gaanong alam sina Joseph Smith at Harris tungkol sa wikang nasa mga lamina. Ayon sa salaysay ni Joseph kalaunan, sinabi ng anghel na nagbigay sa kanya ng mga lamina na ang mga ito ay tala sa sinaunang Amerika. Sa halip na maghanap ng isang iskolar na may kaalaman tungkol sa wika ng taga-Egipto (nalaman lamang kalaunan ni Joseph na ang wika sa mga lamina ay tinatawag na “binagong wikang Egipto”), posibleng humingi si Harris ng payo ng mga iskolar na dalubhasa sa sinaunang Amerika.3
Noong papunta na sa New York City si Harris, tumigil siya sa Albany, New York, para bisitahin si Luther Bradish, isang lalaking marami nang napuntahang lugar na may mga kapamilya at mga personal na koneksyon sa Palmyra. Malinaw na humingi ng tulong si Harris kay Bradish kung sino ang maaari niyang tanungin tungkol sa pagsasalin. Pagkatapos ay naglakbay siya papuntang New York City para kausapin si Samuel L. Mitchill, isang lingguwista at nangungunang iskolar ng sinaunang kultura ng Amerika.4 Binisita rin ni Harris si Charles Anthon, isang batang propesor ng gramatika at lingguwistika sa Columbia College sa New York City. Si Anthon ay may pagsasanay sa wikang Griyego at Latin at nangongolekta rin ng mga kuwento ng mga American Indian para ilathala at sabik siyang makita ang dokumentong dala ni Harris.5
Pakikipagkita kay Charles Anthon
Ayon kay Harris, sinuri ni Charles Anthon ang mga karakter o titik at naghanda ng pinirmahang pahayag na nagsasabing tunay ang mga ito, ngunit pinunit ang pahayag nang malaman niya kung paano nakuha ni Joseph Smith ang mga lamina. Iminungkahi ni Anthon kay Harris na dalhin sa kanya ang mismong mga lamina, ngunit tumanggi si Harris, at sinabi pa na ang ilang bahagi ng mga lamina ay mahigpit na nakasara. Sumagot si Anthon, “Hindi ako makababasa ng isang aklat na mahigpit na nakasara.” Sa mga pahayag kalaunan, itinanggi ni Anthon na kanyang pinagtibay na tunay ang mga karakter o titik at iginiit na pinayuhan lamang niya si Harris na huwag mamuhunan sa pagsasalin at paglalathala. Sinabi rin niya na ipinakita lamang ni Harris sa kanya ang mga kinopyang karakter o titik samantalang sinabi ni Harris, sa ilan sa kanyang mga tala, na nagdala rin siya ng sampol ng pagsasalin ni Joseph Smith ng sinaunang talaan.
Kinalabasan ng Paglalakbay
Anuman ang nangyari nang kausapin ni Harris si Anthon, pagkatapos nito ay naging mas kumbinsido si Harris na tunay ang mga lamina at ang mga karakter o titik nito, at naging handang magbigay ng oras at lakas para tulungan si Joseph Smith. Kalaunan, sinabi nila ni Joseph na ang pakikipagkita kay Anthon ay katuparan ng propesiya ni Isaias (na nabanggit din sa Aklat ni Mormon) tungkol sa isang “aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka’t natatatakan” (Isaias 29:11).
Mga Kaugnay na Paksa: Pagsasalin ng Aklat ni Mormon