Kasaysayan ng Simbahan
Digmaang Sibil sa Amerika


“Digmaang Sibil sa Amerika,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Digmaang Sibil sa Amerika”

Digmaang Sibil sa Amerika

Noong araw ng Pasko ng taong 1832, tumanggap si Joseph Smith ng isang pahahayag tungkol sa magaganap na sagupaan sa pagitan ng Hilaga at Katimugang Estados Unidos dahil sa usapin ng pang-aalipin. Ipinahayag ng Panginoon na ang digmaan ay magsisimula sa South Carolina, at kalaunan ay hahantong sa isang digmaan ng “lahat ng mga bansa.”1 Noong panahong iyon, isang krisis ang naganap dahil sa pagtanggi ng South Carolina na kilalanin ang mga bagong taripa ng pederal, at nag-alala ang maraming Amerikano na maaaring mauwi ang sitwasyon sa isang digmaang sibil. Naiwasan ng pamahalaan ang digmaang sibil noong panahong iyon, ngunit patuloy pa rin ang alitan tungkol sa pang-aalipin, na siyang nagpapalalim ng pagkakahati-hati sa lipunan, pulitika, at ekonomiya sa pagitan ng Hilaga at Katimugang Estados Unidos.

Noong halalan sa pagkapangulo noong 1860, maraming pulitiko at botante sa mga estado sa Timog ang kinilala ang pagkandidato ni Abraham Lincoln bilang banta sa pagsasagawa ng pang-aalipin. Nang manalo si Lincoln sa halalan, ilang estado sa Timog, simula sa South Carolina, ang nagdeklara ng kanilang kasarinlan mula sa Union o Estados Unidos at bumuo ng hiwalay na pamahalaan na tinatawag na Confederacy. Matapos ang inagurasyon ni Lincoln noong 1861, isang tunggalian sa Fort Sumter, South Carolina, ang nauwi sa armadong labanan nang pinaputukan ng brigada ng Confederacy ang kuta. Nanawagan si Lincoln para sa mga boluntaryo na sugpuin ang paghihimagsik, at ang mga natitirang estado sa Timog ay nagsimulang kumampi sa Confederacy o kaya naman ay sa Estados Unidos. Interesanteng pinansin ng mga bansa sa Europa ang pagsisimula ng digmaang ito, at binuksan ng ilan ang mga diplomatikong komunikasyon sa Confederacy, umaasa na magagawa nilang mamagitan sa digmaan para sa mga estado sa Timog. Dumami ang mga labanan sa pagitan ng Estados Unidos at ng Confederacy habang tumatagal ang labanan sa loob ng maraming taon.2 Kalaunan ay naghanap ang Estados Unidos ng mga karagdagang kawal na kinabibilangan ng 179,000 lalaking African American, marami sa kanila ay mga dating mga alipin, upang makipaglaban sa Confederacy.

Fort Sumter

Fort Sumter.

Patuloy na sinusunod ng mga Banal sa mga Huling Araw ang panawagan ng propeta na magtipon sa Sion sa Kanlurang Amerika at sa gayon ay higit nilang naiwasan ang labanan. May ilang branch na nanatili sa mga lugar na naipit sa gitna ng digmaan, kung saan dinadala ang ilang Banal sa magkabilang panig ng labanan. Noong 1861, ipinadala ni Brigham Young ang ilang miyembro ng Simbahan sa isang misyon upang mag-ipon ng suplay ng bulak malapit sa St. George, Utah. Ang misyon ay naging maliit na taniman at pagawaan ng bulak matapos ipagbawal ng Confederacy ang kalakal nito.3 Habang nagaganap ang digmaan, ang Kagarawan sa Digmaan ni Lincoln ay nanawagan kay Young na bumuo ng isang yunit ng hukbo ng mga boluntaryo upang protektahan ang mga paghahatid ng koreo, sistema ng telegrapo, at mga manlalakbay sa mga daan sa ibabaw ng lupa. Bilang tugon, ang tagapayo ni Young na si Daniel H. Wells, na naglingkod din bilang namumunong heneral ng milisya ng Utah, ay inatasan si Lot Smith na pamunuan ang isang kabalyerya na binubuo ng mahigit 100 kawal. Noong 1862 ay naglingkod sa loob ng apat na buwan ang kabalyerya ni Smith.

Ang pagsuko ng Heneral ng Confederacy na si Robert E. Lee sa Virginia noong Abril 1865 ay opisyal na nagwakas sa Digmaang Sibil. Sa huli ay kinitil ng digmaan sa Estados Unidos ang mahigit 700,000 buhay, ang pinakamarami sa anumang labanan sa kasaysayan ng Amerika.4 Ang pangunahing kinalabasan ng digmaan ay ang katapusan ng legal na pang-aalipin at ang pagpapalaya sa mga aliping African American sa Amerika.5

Mga Tala

  1. Revelation, 25 December 1832 [D&C 87],” sa Revelation Book 2, 32–33, josephsmithpapers.org.

  2. Para sa mainam na isang tomong kasaysayan ng labanan at konteksto nito, tingnan sa James M. McPherson, Battle Cry of Freedom: The Civil War Era (New York: Oxford University Press, 1988).

  3. S. George Ellsworth, “Heeding the Prophet’s Call,” Ensign, Oct. 1995, 40–41.

  4. J. David Hacker, “A Census-Based Account of the Civil War Dead,” Civil War History, tomo 57, blg. 4 (Dis. 2011), 307–48.

  5. Tingnan sa Paksa: Pagkaalipin ng mga Indian at Napagkasunduang Paninilbihan.