“Independence, Missouri,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Independence, Missouri”
Independence, Missouri
Noong 1827, ang mga nanirahan sa katimugang Estados Unidos ay nagtatag ng isang bayan na tinatawag na Independence sa bagong tatag na Jackson County, Missouri.1 Ang bayan ay nasa isang estratehikong lokasyon sa hangganan ng bansa: naroon ito sa kanlurang dulo ng ruta ng ilog mula sa iba pang bahagi ng Estados Unidos at nasa silangang dulo ng Santa Fe Trail, na umaabot sa kaloob-looban ng teritoryo na karamihang okupado noon ng mga American Indian. Ipinangalan ang bayan sa Pagpapahayag ng Kalayaan (Independence) ng EstadosUnidos , at ang county ay ipinangalan kay Andrew Jackson, na naging pambansang bayani bilang isang heneral sa Hukbo ng Estados Unidos at kalaunan ay nahalal bilang pangulo ng Estados Unidos.
Sa simula ng 1831, ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw ay dumaan sa Independence sa unang pagkakataon, umaasa na mangaral sa mga American Indian na nakatira sa mga lupain sa kanlurang bahagi ng Missouri. Hindi nagtagal ay dinalaw ni Joseph Smith ang Independence at tumanggap ng paghahayag na tinukoy ang lugar bilang “tampok na lugar” ng Sion—ang lokasyon ng isang banal na lunsod kung saan ang kabutihan ay mamamayani at ang mga Banal ay maghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Cristo.2 Noong Agosto 2, 1831, ipinahayag ni Sidney Rigdon ang lupain na “itinalaga at inilaan sa Panginoon bilang isang pag-aari at pamana para sa mga Banal.” Kinabukasan, inilaan ni Rigdon ang lugar isang kilometro pakanluran sa gitna ng Independence para sa pagtatayo ng templo, at inilatag ni Joseph Smith ang unang batong panulok.3
Sa ilalim ng pamamahala ni Bishop Edward Partridge, ang unang mga Banal na tumira sa lugar ay nagsimulang bumili ng mga ari-arian at naghanda para sa iba pang mga Banal na magtitipon para sa pagtatayo ng Sion. Sa pagitan ng 1831 at 1833, binili ng Simbahan ang 180 acres sa Independence at 1,200 acres sa paligid ng Jackson County, at humigit-kumulang 1,200 mga Banal ang nagtipon sa county at nagtatag ng limang branch.4 Noong Hunyo 1833, ang Unang Panguluhan, na noon ay nasa Kirtland, Ohio, ay nagpadala ng mga plat, o plano ng lunsod, sa mga lider ng Simbahan sa Missouri para sa “Lunsod ng Sion,” ipinakikita kung paano dapat iorganisa ang lunsod sa paligid ng isang complex ng dalawang dosenang templo, mga sagradong gusali na inilaan sa pagpapatupad ng mga temporal at espirituwal na pangangailangan ng mga Banal.
Sa kasamaang-palad, ang mga naunang nanirahan sa lugar ay nagsimulang maging alangan sa paninirahan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri. Ang umiigting na tensyon sa pagitan ng mga Banal at kanilang mga kapitbahay ay umabot sa sukdulan noong tag-init ng 1833, na nagresulta sa pagpapalayas sa buong populasyon ng mga Banal mula sa county. Sa kabila ng kanilang paglisan, tumanggi ang mga Banal na ipagbili ang kanilang mga lupain sa Jackson County, umaasang mababawi nila ang mga ito sa tulong ng mga pamahalaang estado o pederal. Nang ang kanilang mga pagtatangka na bawiin ang kanilang ari-arian ay nabigo, tumuon ang mga Banal sa pagtatayo ng mga bagong lugar ng pagtitipon sa Illinois at kalaunan sa Utah.
Kahit matapos akayin ni Brigham Young at ng Labindalawang Apostol ang karamihan sa mga Banal sa kanluran, maraming umasa na makabalik balang araw upang itayo ang Sion malapit sa Independence. Samantala, ang mga miyembro ng ibang simbahan na humiwalay mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay bumalik sa lugar. Ngayon, maraming simbahan na nagsasabing si Joseph Smith ang kanilang tagapagtatag ang itinuturing na sagrado ang mga lugar na nauugnay sa pagsisikap ng mga Banal na itayo ang Sion.
Mga Kaugnay na Paksa: Karahasan sa Jackson County, Sion/Bagong Jerusalem, Pagtitipon ng Israel