“Broadcast Media,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“Broadcast Media,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Broadcast Media
Sa loob lamang ng dalawang taon, mula 1920 hanggang 1922, ang bilang ng lisensyadong radio operation sa Estados Unidos ay umabot sa mahigit 500 mula sa isang istasyon.1 Ang mga lider ng Simbahan ang unang gumamit ng teknolohiyang ito, at nakakuha para sa Latter-day Saints University sa Lunsod ng Salt Lake ng unang radio license na ipinagkaloob sa institusyong pang-edukasyon. Si Pangulong Heber J. Grant ang nagsalita sa unang radio broadcast ng Simbahan noong Mayo 6, 1922, gamit ang station KZN ng Salt Lake City, na may iisang transmitter sa isang kubol na yari sa yero sa bubong ng Deseret News Building. Sa kanyang maikling mensahe, binanggit ni Pangulong Grant ang patotoo nina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Doktrina at mga Tipan 76.2 Nang sumunod na taon, ibinrodkast ang pangkalahatang kumperensya sa radyo sa isang service area ng humigit-kumulang isang milyong residente.3 Ang Simbahan ang naging pangunahing nagmamay-ari ng istasyon noog 1925, at ang pangalan ay pinalitan ng KSL. Pinatatakbo pa rin ito sa ilalim ng pagmamay-ari ng Simbahan pagkaraan ng isang siglo.4
Sa sumunod na dekada, nagsikap ang Simbahan na palawakin ang mga radio operation nito sa labas ng Utah. Noong 1929, nakipagtulungan ang KSL sa National Broadcasting Company (NBC) sa Lunsod ng New York at inilunsad ang lingguhang broadcast ng Mormon Tabernacle Choir.5 Ang programang Music & the Spoken Word ng Koro, na kinapapalooban ng mga mensaheng ibinigay ng announcer sa radyo na si Richard L. Evans, ay nakilala sa buong bansa. Ito ang pinamakamatagal at patuloy na radio broadcast sa buong mundo.6 Noong 1933, ang KSL ay naging kaanib ng Columbia Broadcasting System (CBS) at nagdagdag ng mga serye ng mga programang itinataguyod ng Simbahan na tinatawag na “The Church of the Air.”7
Noong 1935, binuo ng mga lider ng Simbahan ang Radio, Publicity, and Mission Literature Committee. Kinuha ng komite ang kailan lamang na returned missionary at naging Pangulo ng Simbahan na si Gordon B Hinckley para sumulat ng mga mensahe sa mga debosyonal at mga drama para sa radyo, kabilang na ang mga programang tulad ng Church Hour [Oras ng Simbahan] tuwing Linggo, The Fulness of Times [Ang Kaganapan ng mga Panahon], A New Witness for Christ [Isang Bagong Saksi kay Cristo], at ang The Church’s Attitude [Ang Pananaw ng Simbahan].8 Kasabay nito, pinalawak ng Simbahan ang programa nito sa pamamagitan ng pagbili ng mga istasyon ng radyo sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos.
Bagama’t matagumpay na nai-transmit ng mga eksperimental na device ang mga imahe sa radio waves mula pa noong mga unang taon ng dekada ng 1900, ang mga naimbentong circuitry nina Edwin H. Armstrong at Philo T. Farnsworth, isang Banal sa mga Huling Araw mula sa Idaho, ang dahilan kaya nagkaroon ng telebisyon sa mga tahanan.9 Noong Oktubre 1948, sinubukan ng mga lider ng Simbahan na ipalabas sa telebisyon ang pangkalahatang kumperensya gamit ang mga closed-circuit na telebisyon sa mga gusali sa Temple Square. Inilunsad ng KSL ang unang komersyal na istasyon ng telebisyon sa Utah noong sumunod na taon at isinahimpapawid ang unang brodkast ng pangkalahatang kumperensya sa open airwaves noong Oktubre 1949. Habang patuloy na lumalago ang Simbahan sa labas ng kanlurang Estados Unidos, nakatulong ang mga partner ng KSL at iba pang mga istasyong pag-aari ng Simbahan na maipaabot ang mga brodkast sa mga tagapakinig sa buong Estados Unidos at sa Europa at Latin America.10
Noong 1962, ang mga unang communications satellite na umiikot sa mundo ay nagpadala ng mga transmisyon ng radyo, telebisyon, at telepono sa iba’t ibang panig ng mundo. Nagtanghal ang Tabernacle Choir noong taong iyon sa unang pandaigdigang satellite telecast, isang makabayang pagtatanghal na isinahimpapawid mula sa Mt. Rushmore sa Estados Unidos.11 Si David M. Kennedy, isang Banal sa mga Huling Araw na nagtatrabaho sa bangko at espesyal na kinatawan paminsan-minsan ng Unang Panguluhan, ay naglingkod sa lupon ng COMSAT, isang satellite service arm ng pamahalaang pederal ng Estados Unidos.12 Gamit ang karanasan ni Kennedy, mabilis na ipinatupad ng mga lider ng Simbahan ang paggamit ng bagong teknolohiyang ito sa gitna ng pabagu-bagong mga regulasyon. Nagkabit sila ng mga satellite dish sa maraming meetinghouse sa iba’t ibang panig ng mundo at isinama ang Bonneville International upang maghatid ng mga satellite transmission. Pagsapit ng dekada ng 1980, iba’t ibang satellite dish na pinatatakbo ng Simbahan ang naghatid at tumanggap ng mga brodkast ng pangkalahatang kumperensya at iba pang mga pulong, na nagtutulot sa Banal sa mga Huling Araw sa malalayong lugar na makabahagi sa mga live event. Pinadali rin ng international broadcasting ang interpretasyon ng pangkalahatang kumperensya sa iba pang mga wika, isang gawaing pinasimulan noong 1961 nang isinalin ang kaganapan sa wikang Dutch, German, Samoan, at Espanyol. Noong Abril 2000, pinangasiwaan ng Pangulo ng Simbahan na si Gordon B. Hinckley ang unang telecast ng paglalaan ng templo mula sa Palmyra New York Temple malapit sa Sagradong Kakahuyan para makabahagi ang mga stake center sa iba’t ibang panig ng mundo.13
Ang patuloy na pagsulong ng radyo at telebisyon ay nagdulot ng malawak at maraming iba-ibang mass media para sa mga tagapakinig at manonood sa iba’t ibang bansa. Simula noong dekada ng 1990, patuloy na pinalawak ng teknolohiya ng internet ang media ng Simbahan, lalo na matapos magsimulang suportahan ng broadband internet ang digital streaming. Ang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1999 ang unang kumperensya na napanood sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng internet broadcast, at mula noon ay nagbrodkast na ang Simbahan ng lahat ng uri ng mga kaganapan sa pamamagitan ng mga mobile at tradisyonal na media platform.14 Noong 2021, ibinrodkast ang pangkalahatang kumperensya sa telebisyon at radyo sa mahigit 70 bansa, at milyun-milyong tao pa ang nag-access dito online.15
Mga Kaugnay na Paksa: Public Relations, Tabernacle Choir