Kasaysayan ng Simbahan
Mga Bato ng Tagakita


“Mga Bato ng Tagakita,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Bato ng Tagakita”

Mga Bato ng Tagakita

Sa loob ng ilang libong taon, tinanggap ng maraming tao sa buong mundo ang ideya na ang pisikal na mga bagay ay maaaring gamitin para sa mga banal na layunin. Pinagtitibay ng Biblia na ang Diyos ay gumagawa sa pamamagitan ng mga bagay na tulad ng tungkod ni Aaron, isang ahas na tanso, at kaban ng tipan. Kalaunan ay pinagaling ni Jesus ang isang lalaking bulag sa pamamagitan ng pagpahid ng dura sa mga mata ng lalaki.1

Inilarawan ng Aklat ni Mormon ang isang sagradong layunin para sa espesyal na itinalagang mga bato. Sa isang talata, hiniling ng kapatid ni Jared sa Panginoon na hipuin ang 16 na maliliit na bato, na “maputi at malinaw, na maging tulad ng nanganganinag na salamin” (Eter 3:1). Matapos hipuin ng daliri ng Panginoon ang mga bato, nagbigay ng liwanag ang mga ito para sa mga Jaredita habang sila ay naglalakbay patawid ng karagatan. Isa pang talata ang nagsasaad tungkol sa mga banal na bato na “liliwanagin sa mga mata ng tao ang mga bagay na iyong isusulat” (Eter 3:24).

Sa panahon ni Joseph Smith, may ilang tao na inaangkin na sila ay may kaloob na “makakita,” o makatanggap ng banal o mga higit sa karaniwang mensahe, sa pamamagitan ng mga bato ng tagakita. Ang mga paniniwalang ito ay mula sa Biblia at sa mga tradisyon ng kulturang Europeo na dinala sa sinaunang Amerika ng mga imigrante o nandayuhan. Tinanggap ni Joseph Smith at ng kanyang pamilya ang mga paniniwalang ito, at paminsan-minsan ay ginamit ni Joseph ang mga bato na natagpuan niya sa lupa upang tulungan ang mga kapitbahay na hanapin ang mga nawawalang bagay o maghanap ng nakabaon na kayamanan.2

hugis-itlog na bato

Bato ng tagakita na pag-aari ni Joseph Smith.

Nang natanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto noong 1827, tumanggap din siya ng kasangkapan sa pagsasalin kasama ng mga ito, “dalawang bato sa mga balantok na pilak” na ginamit ng “‘mga tagakita’ noong sinauna o nakaraang panahon” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:35). Ang instrumentong ito ay tinukoy sa Aklat ni Mormon bilang mga “tagasalin” o interpreter. Sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, sinasabing ginamit ni Joseph Smith ang parehong mga kasangkapang ito—ang mga tagasalin at ang kanyang bato ng tagakita—nang palitan. Gumana ang mga ito sa parehong paraan, at ginagamit kung minsan ng mga naunang Banal ang salitang “Urim at Tummim” upang tukuyin ang bato ng tagakita gayon din ang mga pansalin. Tinanggap rin ng Propeta ang ilan sa mga paghahayag na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan sa pamamagitan ng mga instrumentong ito ng paghahayag.3 Habang si Joseph ay naging mas maalam sa mga bagay na espirituwal, kalaunan ay nagsimula siyang tumanggap ng paghahayag nang wala ang mga tulong na ito.4

5:0

Mga Kaugnay na Paksa: Pagsasalin ng Aklat ni Mormon, Paghahanap ng Kayamanan, Paglilitis kay Joseph Smith Noong 1826

Mga Tala

  1. Exodo 8:5–6, 16–17; Mga Bilang 21:9; 1 Samuel 4:3–6; Juan 9:6.

  2. Richard E. Turley, Robin E. Jensen, at Mark Ashurst-McGee, “Joseph the Seer,” Ensign, Okt. 2015, 51.

  3. James R. B. Vancleave, liham kay Joseph Smith III sa Lyndon W. Cook, pat., David Whitmer Interviews: A Restoration Witness (Orem, Utah: Grandin Book, 1991), 239–40.

  4. Sa unang bahagi ng tagsibol ng 1830, ibinigay ni Joseph kay Oliver Cowdery ang bato ng tagakita na ginamit sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Si Phineas Young, na tumulong na muling mapasama si Oliver Cowdery sa Simbahan noong huling bahagi ng dekada 1840, ay nakuha ang bato mula sa balo ni Cowdery, at ibinigay naman ang mga ito sa kanyang kapatid na si Brigham Young. Matapos pumanaw si Brigham Young, isa sa kanyang mga asawa, si Zina D. H. Young, ay nakakuha ng isang kulay-tsokolateng bato ng tagakita mula sa kanyang mga ari-arian na tugma sa mga paglalarawan ng batong ginamit ni Joseph sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, at ibinigay niya ito sa Simbahan (tingnan sa Richard E. Turley Jr., Robin S. Jensen, at Mark Ashurst-McGee, “Joseph, the Seer,” Ensign, Okt. 2015, 53).