Kasaysayan ng Simbahan
Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay (D at T 138)


“Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay (D at T 138),” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay (D at T 138)”

Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay (D at T 138)

Noong Oktubre 3, 1918, ang Pangulo ng Simbahan na si Joseph F. Smith ay nagkaroon ng pangitain tungkol sa pagbisita ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu. Ang salaysay ni Pangulong Smith tungkol sa pangitain ay inilathala sa mga pahayagan, magasin, aklat, at manwal bago idinagdag sa Mahalagang Perlas at sinang-ayunan bilang banal na kasulatan sa pangkalahatang kumperensya noong 1976.1 Bilang bahagi ng isang bagong pamantayang edisyon ng mga banal na kasulatan, inilipat ang salaysay noong 1979 sa Doktrina at mga Tipan, na siyang naging una sa dalawang dokumento ng ika-20 siglo na opisyal na itinanghal.2

Pangulong Joseph F. Smith

Si Pangulong Joseph F. Smith mga apat na taon bago ang kanyang pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay.

Ang tradisyong Kristiyano noong unang siglo ay naniniwala na dumalaw si Jesucristo sa mga espiritu ng mga namatay sa pagitan ng Pagpapako sa Krus at ng Pagkabuhay na Mag-uli. Nang magsimulang ituro ni Joseph Smith ang doktrina ng binyag para sa mga patay noong dekada ng 1840, tanggap na ng maraming Kristiyano ang doktrina ng “nakakapanlumong impiyerno,” na nagtuturo na si Jesus ay bumaba sa impiyerno bago nabuhay na mag-uli upang iligtas ang mga hindi pa nakarinig sa Kanyang mensahe.3 Sa mga mensahe tungkol sa binyag para sa mga patay, sinabi ni Joseph Smith na “si Jesucristo ay naging isang naglilingkod na espiritu, habang ang kanyang katawan ay [nakahimlay] sa puntod, sa mga espiritung nasa bilangguan; upang matupad ang isang mahalagang bahagi ng kanyang misyon,” nangangaral sa mga dspiritu “upang iligtas, o dalhin sila palabas ng bahay ng bilangguan.”4 Sa buong buhay ni Joseph F. Smith, ang iba pang mga Pangulo ng Simbahan, kabilang na sina Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, at Lorenzo Snow, ay isa-isang naglarawan na si Jesus at ang iba pang mga pumanaw na mga Banal ay nagsasagawa ng mga misyon upang ipangaral ang ebanghelyo sa “mga espiritung nasa bilangguan” sa “tirahan ng mga napahamak.”5

Bilang Pangulo ng Simbahan sa pagitan ng 1901 at 1918, binigyang-diin ni Joseph F. Smith ang gawaing misyonero sa daigdig ng mga espiritu, itinuturo na ang “mga kapatid [ng Pagkasaserdote] na namayapa na … ay magpapatuloy sa gawaing ito” sa ilalim ng organisasyon ng priesthood sa daigdig ng mga espiritu. Ang mga buhay pang Banal sa mga Huling Araw ay maaaring makatulong sa pamamagitan ng “pagtatrabaho para sa kaligtasan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng pagdalo sa mga ordenansa para sa kanila na hindi nila ngayon maisasagawa sa daigdig ng mga espiritu.” Binanggit niya ang mga talata sa Bagong Tipan bilang suporta sa mga turong ito ngunit patuloy na pinag-isipan ang lawak ng organisasyon—paano nakarating si Jesus sa milyun-milyong kaluluwa sa bilangguan ng mga espiritu sa maikling panahon sa pagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli?6

Ang kanyang mga tanong tungkol sa mga kalagayan sa daigdig ng mga espiritu ay maaaring nahikayat o pinabilis ng madalas na pagharap sa kamatayan. Nahirapan si Joseph F. Smith noong bata pa siya nang mamatay ang kanyang amang si Hyrum Smith. Sa loob ng mahigit 50 taon, naranasan niya ang pagpanaw ng 12 sa kanyang mga anak, at ang kanyang nasa edad na anak na si Hyrum Mack Smith ay biglang namatay dahil sa pagputok ng apendiks nito noong Enero 1918. Kalaunan ng taong iyon, dahil sa pandaigdigang pandemya ng trangkaso at sa mataas na bilang ng mga pumanaw mula sa Unang Digmaang Pandaigdig, naging palagiang ulo ng mga balita ang di-mapapantayang bilang ng mga namamatay noon.7 Pagsapit ng Oktubre, bumagsak ang mismong pangangatawan ni Joseph F. Smith, na nagdala sa kanya, sabi niya, sa halos palagiang “[pakikipag-usap] sa Espiritu ng Panginoon.”8 Habang pinagninilayan niya ang pag-ibig ng Diyos at pinag-aaralan ang 1 Pedro 3:18–20 at 4:6, ang “mga mata ng [kanyang] pang-unawa ay nabuksan,” at “nakita [niya] ang mga hukbo ng mga patay, kapwa maliliit at dakila.”9

Sa pangitain, naisip ni Joseph F. Smith kung paano naglingkod si Jesucristo sa napakaraming tao sa loob ng maikling panahon at nakita kung paano “ginugol [ng Manunubos] ang kanyang oras sa kanyang pagbisita sa daigdig ng mga espiritu, nagtuturo at inihahanda ang matatapat na espiritu ng mga propeta na nagpatotoo sa kanya sa laman” upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga hindi pa nakatatanggap ng mensahe ng ebanghelyo sa buhay na ito.10 Bagama’t pinagtibay ng pangitain ang kanyang mga naunang impresyon tungkol sa pagbisita ni Jesus sa daigdig ng mga espiritu, inihayag din nito na hindi binisita ni Jesus ang masasama o mapanghimagsik ngunit sa halip ay nagpakilos ng mga mensahero o sugo upang ipangaral ang ebanghelyo.11

Isang buwan matapos ang pangitain, idinikta ni Pangulong Smith ang kanyang salaysay sa kanyang anak na Joseph Fielding Smith. Makaraan ang dalawang linggo ay inilahad ni Joseph Fielding Smith ang teksto sa Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Presiding Patriarch, na nagpahayag ng suporta rito at gumawa ng mga plano upang mailathala ang salaysay sa Improvement Era.12 Pumanaw si Joseph F. Smith noong Nobyembre 19, labing-isang araw bago unang inilathala ang salaysay. Ang mga sumunod na paglalathala, kabilang na ang nasa koleksyon ng mga turo ni Joseph F. Smith at mga manwal ng korum ng priesthood, ay muling naglimbag ng pangitain, na naging daan upang malawak na maikalat ang teksto bago ang opisyal na pagtatanghal nito noong 1976.13

Matapos isapubliko ang salaysay ay agad na kinilala ng mga mambabasa ang kahalagahan ng pangitain sa pagsasaliksik ng family history at sa gawain sa templo. Si Susa Young Gates, na nagbasa ng kopya ng salaysay ng pangitain sa tabi ng kama ni Joseph F. Smith, ay itinaguyod ang pangitain sa kanyang mga kasamahan sa Genealogical Society of Utah at sa Relief Society.14 Isinulat niya sa isang kapwa administrator ng Genealogical Society, “Isipin ninyo ang inspirasyon ng paghahayag na ito sa gawain sa templo sa buong Simbahan!”.15 Pinasigla ng pangitain ni Pangulong Smith tungkol sa daigdig ng mga espiritu, nagpatuloy ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pagtatayo ng mga templo at itinatag ang isa sa pinakamalalaking repositoryo ng mga talaan ng kasaysayan ng mga ninuno saanman sa mundo.

Mga Kaugnay na Paksa: Joseph F. Smith, Pandemya ng Trangkaso ng 1918

Mga Tala

  1. N. Eldon Tanner, “The Sustaining of Church Officers,” Ensign, Mayo 1976, 18.

  2. Ang isa pa ay ang Opisyal na Pahayag 2, isang anunsiyo ng paghahayag na natanggap ng Pangulo ng Simbahan na si Spencer W. Kimball noong Hunyo 1978 at sinang-ayunan bilang kalooban ng Panginoon sa sumunod na pangkalahatang kumperensya. Ang bagong edisyon ng Doktrina at mga Tipan na naglalaman ng salaysay sa bahagi 138 ay hindi inilimbag hanggang 1981.

  3. Jeffrey A. Trumbower, Rescue for the Dead: The Posthumous Salvation of Non-Christians in Early Christianity (New York: Oxford University Press, 2001), 91–102.

  4. Joseph Smith, Discourse, 3 Oct. 1841, sa Times and Seasons, Okt. 15, 1841, 577, josephsmithpapers.org; Joseph Smith, “Baptism for the Dead,” Times and Seasons, Abr. 15, 1842, 760.

  5. Joseph Stuart, “Development of the Understanding of the Postmortal Spirit World,” sa Joseph F. Smith: Reflections on the Man and His Times, inedit nina Craig K. Manscill, Brian D. Reeves, Guy L. Dorius, at J. B. Haws (Provo, UT: Religious Studies Center, 2013), 224–27.

  6. Stuart, “Development of the Understanding of the Postmortal Spirit World,” 227–29.

  7. Tingnan sa Mga Paksa: Pandemya ng Trangkaso ng 1918, Unang Digmaang Pandaigdig.

  8. Joseph F. Smith, Remarks, Okt. 4, 1918, sa Eighty-Ninth Semi-Annual Conference of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: Deseret News, 1918), 2.

  9. Doktrina at mga Tipan 138:11.

  10. Doktrina at mga Tipan 138:36; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:11, 27, 30.

  11. Stuart, “Development of the Understanding of the Postmortal Spirit World,” 230.

  12. James E. Talmage, Journal, 31 Oct. 1918, Harold B. Lee Library, Brigham Young University, Provo, UT; tingnan sa mga Paksa: Mga Peryodiko ng Simbahan, Mga Patriarchal Blessing.

  13. Robert L. Millet, “The Vision of the Redemption of the Dead (D&C 138),” sa Craig K. Manscill, pat., Sperry Symposium Classics: The Doctrine and Covenants (Provo, UT: Religious Studies Center, 2004), 314–31.

  14. Tingnan sa Paksa: Family History and Genealogy.

  15. Sulat ni Susa Young Gates kay Elizabeth C. McCune, Nob. 14, 1918; Lisa Olsen Tait, “Susa Young Gates and the Vision of the Redemption of the Dead,” Revelations in Context series, history.ChurchofJesusChrist.org.