Kasaysayan ng Simbahan
Mga Kapita-pitagang Kapulungan


“Mga Kapita-pitagang Kapulungan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Kapita-pitagang Kapulungan”

Mga Kapita-pitagang Kapulungan

Ang salitang kapita-pitagang kapulungan ay ginamit sa Lumang Tipan na naglalarawan sa mahahalagang pagtitipon ng mga tao sa panahon ng Paskua at sa Kapistahan ng mga Tabernakulo.1 Dahil ang paglalaan ng unang templo sa Jerusalem noong naghahari si Solomon ay naganap sa panahon ng isang kapita-pitagang kapulungan, ang salitang ito ay nagkaroon din ng kaugnayan sa sinaunang paglalaan ng templo.

Mahigit isang taon nang inaasahan noon ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pagtatayo ng isang templo nang inutusan sila ng Panginoon noong 1831 na pabanalin ang kanilang mga sarili at tumawag ng isang kapita-pitagang kapulungan ilang buwan matapos lumipat ang Simbahan mula New York papunta sa Kirtland, Ohio.2 Nang napakaliit ang nagawang progreso sa pagtatayo nang sumunod na isang taon at kalahati, inulit ang utos sa dalawa pang paghahayag kay Joseph Smith. Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na hindi nila maaaring ipagpaliban ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon dahil kailangan nila ang kapita-pitagang kapulungan, kung saan balak ng Panginoon na ihanda ang Kanyang mga Apostol “upang pungusan ang aking ubasan sa huling pagkakataon.”3

Sa unang bahagi ng 1836, natapos ng mga Banal ang gawain sa Kirtland Temple, at inorganisa ni Joseph Smith ang mga korum ng priesthood para sa mga deacon, teacher, priest, elder, high priest, Pitumpu, Labindalawang Apostol, at Unang Panguluhan.4 Tinipon ni Joseph Smith ang mga Banal sa isang kapita-pitagang kapulungan noong Marso 27, at sa mga kaganapang iyon, sinang-ayunan ng iba’t ibang korum ng priesthood at ng pangkalahatang mga miyembro ang pamunuan ng Simbahan, at si Joseph ang nagbigay ng panalangin sa paglalaan ng templo. Sa panalangin, kinilala ni Joseph kung paano dininig ng mga Banal ang utos para sa isang kapita-pitagang kapulungan, at hiniling sa Panginoon na hayaan ang Kanyang kaluwalhatian na “mapasa Inyong mga tao” bilang pagpapala sa kanilang pagsunod.5 Ang mga Banal na dumadalo sa kapita-pitagang kapulungan ay nakaranas ng pagbuhos ng espirituwal na pagpapakita.6 Ang paglalaan sa pagkakataong ito ay pamamarisan sa mga kapita-pitagang kapulungan kalaunan.

Nagpatuloy ang mga kapita-pitagang kapulungan matapos ang paglalaan ng Kirtland Temple, madalas bilang mga seremonya ng paglalaan gayundin sa iba pang mahahalagang okasyon, gaya sa pagsang-ayon sa bagong Pangulo ng Simbahan o para tumanggap ng karagdagang mga paghahayag sa tuntunin ng mga banal na kasulatan.7 Ang mga pinuno ng Simbahan ay tumawag din ng mga kapita-pitagang kapulungan sa iba pang sagradong okasyon, kabilang ang paglalaan ng Conference Center sa taong 2000.8 Ang iba pang espesyal na mga miting, kapwa lokal at panglahatan, ay itinuring na mga kapita-pitagang kapulungan, at ang ilang templo ay mayroong mga silid para sa kapita-pitagang kapulungan na dinisenyo para sa ganitong mga pagtitipon.

Mga Kaugnay na Paksa: Kirtland Temple, Temple Dedications and Dedicatory Prayers