“Mountain Meadows Massacre,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mountain Meadows Massacre”
Mountain Meadows Massacre
Noong Setyembre 1857, isang sangay ng milisya ng teritoryo sa katimugang Utah na binubuo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kasama ang ilang American Indian na kanilang nahikayat sumapi, ay nilusob ang mga bagon ng mga dayuhan na naglalakbay mula Arkansas papuntang California. Nagsagawa ang milisya ng isang planadong masaker, na kumitil ng buhay ng 120 kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa isang lambak na tinatawag na Mountain Meadows. Tanging 17 maliliit na bata—na pinaniniwalaang lubhang napakabata pa upang masabi ang nangyari doon—ang naligtas. Ang kaganapang ito marahil ang pinaka-kalunus-lunos na bahagi sa kasaysayan ng Simbahan.
Ang pagdating ng grupo ng mga bagon ng mga dayuhan sa Teritoryo ng Utah ay naganap sa gitna ng isang panahon ng “repormasyon” sa loob ng Simbahan. Nag-aalala tungkol sa pagiging kampante sa espirituwal, naglahad sina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan ng serye ng mga maaalab na mensahe kung saan hinikayat nila ang mga Banal na magsisi at panibaguhin ang kanilang mga espirituwal na tipan.1 Kung minsan noong panahon ng repormasyon, sina Brigham Young, ang kanyang tagapayo na si Jedediah M. Grant, at iba pang mga lider ay nangaral gamit ang masidhing retorika, nagbababala laban sa mga kasamaan ng kasalanan at sa mga yaong tumiwalag o sumasalungat sa Simbahan.2 Ang gayong mga pangangaral ay humantong sa karagdagang tensyon sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at kanilang mga iilang kapitbahay sa Utah, kabilang na ang mga opisyal na hinirang ng pederal.
Tumindi ang tensiyong ito noong unang bahagi ng 1857 nang ang pangulo ng Estados Unidos na si James Buchanan ay tumanggap ng mga ulat mula sa ilang pederal na opisyal sa Utah na nagpaparatang na sina Gobernador Brigham Young at ang mga Banal sa mga Huling Araw sa teritoryo ay naghihimagsik laban sa kapangyarihan ng pamahalaang pederal. Isang masidhing pagkakasulat na liham mula sa lehislatura ng Utah (binubuo karamihan ng mga Banal sa mga Huling Araw) para sa pamahalaang pederal ang kumimbinsi sa mga pederal na opisyal na ang mga ulat ay totoo. Nagpasya si Pangulong Buchanan na palitan si Brigham Young bilang gobernador at, sa nakilala ngayon bilang Digmaan sa Utah, nagpadala ng isang hukbo papuntang Utah upang samahan ang kanyang kapalit.
Nabahala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang paparating na hukbo—humigit-kumulang 1,500 kawal, at marami pang susunod—ang magpapanibago ng mga paglusob na naganap sa Missouri at Illinois at muling palalayasin ang mga Banal mula sa kanilang mga tahanan. Bukod pa rito, si Parley P. Pratt, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay pinaslang sa Arkansas noong Mayo 1857.3 Ang balita tungkol sa pagpaslang—pati ang mga ulat sa mga pahayagan sa silangang Estados Unidos na ipinagdiriwang ang krimen—ay nakarating sa Utah pagkaraan ng ilang linggo. Habang nagaganap ang mga pangyayaring ito, nagpatupad si Brigham Young ng batas militar sa teritoryo, inatasan ang mga missionary at ang mga naninirahan sa mga malalayong lugar na bumalik sa Utah, at ginabayan ang mga paghahanda upang labanan ang mga hukbo. Ang mga palaban na sermon na ibinigay ni Pangulong Young at ng iba pang mga lider ng Simbahan, pati na ang nalalapit na pagdating ng isang hukbo, ay tumulong sa paglikha ng isang kaisipan ng takot at pagdududa sa Utah.4
Bumuo naman ng isang pangkat ang mga pamilya ng mga dayuhan mula sa Arkansas na pinamumunuan nina Alexander Fancher at John Baker. Habang naglalakbay ang grupo ng mga bagon sa Lunsod ng Salt Lake, nakasagutan ng mga dayuhan ang mga lokal na mga Banal sa mga Huling Araw sa kung saan nila maaaring hayaang manginain ang kanilang mga hayop. Ilan sa mga miyembro ng grupo ng mga bagon ay nabigo dahil nahirapan silang bumili ng kinakailangang butil at iba pang mga suplay mula sa mga naninirahan sa lugar, na inutusang itabi ang mga butil bilang patakaran sa panahon ng digmaan. Nanlulumo, ilan sa mga dayuhan ay nagbantang sasali sa mga papasok na hukbo sa pakikibaka laban sa mga Banal.5
Bagama’t hindi pinansin ng ilang mga Banal ang mga pagbabantang ito, ang iba pang mga lokal na lider at miyembro sa Lunsod ng Cedar, Utah, ay itinataguyod ang karahasan. Si Isaac C. Haight, isang stake president at lider ng milisya, ay nagpadala kay John D. Lee, isang komandante ng milisya, upang pamunuan ang pagsalakay sa grupo ng mga dayuhan. Nang iniulat ng stake president ang plano sa kanyang konseho, tumutol ang iba pang mga lider at hiniling na ipahinto niya ang pagsalakay at sa halip ay magpadala ng mabilisang mensahero kay Brigham Young sa Lunsod ng Salt Lake para sa patnubay. Subalit ang mga lalaki na isinugo ni Haight upang salakayin ang mga dayuhan ay isinagawa ang kanilang mga plano bago pa nila natanggap ang utos na huwag gawin ang pagsalakay. Lumaban ang mga dayuhan, at nagsimula ang labanan.
Noong mga sumunod na araw, lumala ang mga pangyayari, at ang mga milisyang Banal sa mga Huling Araw ay nagplano at nagsagawa ng masaker. Nagawa nilang palabasin ang mga dayuhan mula sa kanilang mga bagon na pinabilog gamit ang isang huwad na watawat ng tigil putukan, at, sa tulong ng mga Paiute Indian na naisama nila, pinaslang ang mga ito. Sa pagitan ng unang pag-atake at ng huling malupit na pagpatay, 120 ang napatay. Bumalik ang madaliang mensahero dalawang araw matapos ang masaker. Dinala niya ang isang liham mula kay Brigham Young na nagsasabi sa mga lokal na lider na “huwag makikialam” sa mga dayuhan at hayaan silang dumaan sa katimugang Utah nang mapayapa.6 Hinangad ng milisya na pagtakpan ang krimen sa pamamagitan ng paglagay ng buong sisi sa mga lokal na Paiute, kung saan ilan sa mga ito ay mga miyembro ng Simbahan.
Dalawang Banal sa mga Huling Araw ang kalaunang itiniwalag mula sa Simbahan dahil sa kanilang partisipasyon, at isang malaking lupon ng tagahatol na kinabibilangan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang nagsakdal sa siyam na kalalakihan. Tanging isang kalahok, si John D. Lee, ang nahatulan at binitay dahil sa krimen, na siyang nagpalawak sa mga maling paratang na iniutos ni Brigham Young ang masaker.7
Sa unang bahagi ng dekada ng 2000, nagsagawa ang Simbahan ng mga pagsisikap na malaman ang lahat ng bagay tungkol sa masaker. Ginalugad ng mga mananalaysay sa Church History Department ang mga taguan ng mga talaan sa buong Estados Unidos para sa mga talaan ng kasaysayan; bawat talaan ng Simbahan sa masaker ay nabuksan para sa maingat na pagbusisi. Isang resultang aklat na inilathala ng Oxford University Press noong 2008 ng mga awtor na sina Ronald W. Walker, Richard E. Turley Jr., at Glen M. Leonard ang naglahad na bagama’t ang labis na pangangaral nina Brigham Young, George A. Smith, at iba pang mga lider tungkol sa mga tagalabas ay nagbunsod ng isang klima ng galit, hindi iniutos ni Young ang masaker. Sa halip, ang mga pasalitang pag-aaway sa pagitan ng mga indibidwal sa grupo ng mga bagon at mga naninirahan sa timog Utah ay lumikha ng labis na pangamba, lalo na sa konteksto ng Digmaan sa Utah at iba pang mga masasamang kaganapan. Ang mga magkakasunod na kalunus-lunos na pagpapasiya ng mga lokal na lider ng Simbahan—na may hawak din ng mga mahahalagang tungkulin sa pamayanan at sa milisya sa katimugang Utah—ay humantong sa masaker.8
Noong 1990, ang mga kamag-anak ng mga dayuhan sa Arkansas ay sumama sa mga kinatawan ng Tribu ng mga Paiute, mga Banal sa mga Huling Araw na residente ng katimugang Utah, at mga lider ng Simbahan sa paglalaan ng isang bantayog sa Mountain Meadows. Si Rex E. Lee, ang pangulo ng Brigham Young University at inapo ni John D. Lee, ay nakipaghawak-kamay sa mga kaanak ng mga biktima at pinasalamatan sila “sa iyong mala-Kristiyanong kahandaang magpatawad.”9 Sa ika-150 anibersaryo ng pagpaslang, itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “Ang ebanghelyo ni Jesucristo na ating pinaniniwalaan, ay kinasusuklaman ang walang-awang pagpatay ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata. Gayon nga, itinataguyod nito ang kapayapaan at pagpapatawad. Ang ginawa rito ng mga miyembro ng ating Simbahan maraming taon na ang lumipas ay nagpapakita ng kasuklam-suklam at di-makatwirang paglihis sa itinuturo at pag-uugali ng isang Kristiyano.”10