“Far West,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Far West”
Far West
Noong 1836, tatlong taon matapos itinaboy ang mga Banal mula sa Jackson County, nilikha ng lehislatura ng Missouri ang Caldwell County, isang bagong county sa isang hindi tinitirahang bahagi ng estado, na kanilang inilaan bilang isang lugar upang tirahan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bumili ang mga Banal ng lupain doon at nagsimulang magtayo ng lunsod na tinatawag na Far West.1 Noong Abril 1838, inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na ang Far West ay “isang banal at nakalaang lupain” habang nagtitipon ang mga Banal doon upang magtayo ng templo at sumamba sa Kanya.2
Mula noong huling bahagi ng 1836 hanggang 1839, humigit-kumulang limang libong Banal ang nagtayo ng kanilang mga tahanan sa loob at malapit sa Far West, na nagsilbing punong-tanggapan ng Simbahan pagdating ni Joseph Smith noong Marso 1838.3 Sa kanyang panahon sa Far West, tinanggap ng Propeta ang pitong paghahayag na kalaunan ay inilathala sa Doktrina at mga Tipan. Sa mga paghahayag na ito, ipinahayag ng Panginoon ang buong pangalan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at itinatag ang batas ng ikapu, kasama ng iba pang mga bagay.4
Ang pamayanan sa Far West ay kinopya sa “Plat of the City of Zion [Plano ng Lunsod ng Sion],” isang plano ng pamayanan na orihinal na nilayon para sa pagtatayo ng Sion sa Jackson County, Missouri.5 Noong Hulyo 4, 1838, inilagay at inilaan ng mga Banal ang apat na batong panulok para sa templo sa kanilang bagong lunsod.6
Walang karagdagang gawain ang ginawa sa templo. Ang karahasan ng mga mandurumog laban sa mga Banal sa Caldwell at mga kalapit na county noong taglagas ng 1838 ay agad na lumala at naging isang malawakang armadong tunggalian. Ang gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs ay nagpalabas ng kautusan sa milisya ng estado na paligiran ang Far West at palayasin ang mga Banal mula sa estado. Si Major General Samuel D. Lucas, kumander ng milisya ng estado, ay nakipagpulong sa isang delegasyon ng mga Banal sa labas lang Far West at iginiit na sina Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay sumuko o kanyang sasalakayin ang lunsod. Nang bumalik ang delegasyon sa Far West, isa sa mga miyembro nito, si George M. Hinkle, ang nagsabi kay Joseph na si Lucas “ay nagnanais na makipag-usap” ngunit hindi ipinaliwanag na balak ng heneral na dakpin siya bilang bilanggo. Pumayag sina Joseph at ang iba pa na makipagkita kay Lucas at agad silang dinakip at binantaan na bibitayin, ngunit sa huli ay ikinulong habang hinihintay ang isang paglilitis.7
Habang nasa bilangguan si Joseph Smith, sumunod ang mga Banal sa mga hinihingi ng estado na lisanin ang Missouri at ginamit ang Far West bilang isang lugar ng paghahanda para sa kanilang paglalakbay. Isa sa mga paghahayag na natanggap ni Joseph ay nag-atas sa Labindalawang Apostol na lisanin ang Far West noong Abril 26, 1839, upang magmisyon sa England.8 Ipinagyabang ng ilang kumakalaban sa Simbahan na kanilang nahadlangan ang katuparan ng banal na tagubiling ito. Gayunman, bago ang misyon ng Labindalawa sa England, bumalik sina Brigham Young at iba pang mga Apostol sa lugar ng templo ng Far West nang patago isang gabi upang isakatuparan ang paghahayag sa takdang araw.9