“Mga Servicemember Branch,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
Mga Servicemember Branch,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Mga Servicemember Branch
Nakalahok na ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang organisasyong militar at mga ahensyang pandiplomatiko mula noong unang sumali ang mga naunang miyembro ng Simbahan sa mga yunit ng militia noong dekada ng 1800. Ang paglilingkod sa ibang bansa noong ika-20 siglo ay nagpasimula ng mga bagong hamon sa pag-organisa at pag-fellowship sa mga kongregasyon ng Simbahan, dahil regular ang mga pangangailangang militar at pandiplomatiko na mangibang-bansa ang mga servicemember at kanilang mga pamilya. Sa panahon ng kaguluhan, mas maraming bilang ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa iba’t ibang bansa ang nagpalista o tinawag sa serbisyo, na dahilan para kailanganin paminsan-minsan ang pag-organisa ng pansamantalang mga branch at pagbuo ng mga espesyal na linya ng komunikasyon. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nakatulong ang mga servicemember branch sa pagpapalawak ng suporta sa mga lugar kung saan hindi nagkaroon noon ang Simbahan ng pagkakataong makapagtatag ng mga permanenteng kongregasyon.
Pagseserbisyo sa Militar noong ika–19 na Siglo
Sa malaking bahagi ng unang kasaysayan ng Estados Unidos, kung saan nagtipon ang unang henerasyon ng Banal sa mga Huling Araw, ang mga yunit na militar at paramilitary ay inorganisa ayon sa heograpiya. Ang mga komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri, Illinois, at Utah ay nagtipon ng mga yunit ng militia na madalas binubuo ng mga miyembro ng Simbahan, kasama ang mga lokal na lider ng Simbahan na naglilingkod bilang mga kumander.1 Paminsan-minsan, ang mga yunit ng militia na binubuo ng boluntaryong mga Banal sa mga Huling Araw ay naglilingkod bilang bahagi ng Regular Army of the United States.2 Ilang yunit ng mga Banal sa mga Huling Araw, tulad ng kilalang Batalyong Mormon, ang nakipaglaban para sa Estados Unidos sa Digmaang Mehikano-Amerikano (1846–48), sa Digmaang Sibil ng Amerika (1861–65), sa Digmaan sa pagitan ng Espanya at Amerika (1898), at Unang Digmaang Pandaigdig (1914–18).3
Noong Digmaan sa pagitan ng Espanya at Amerika, si Elias S. Kimball, ang unang inatasang chaplain na Banal sa mga Huling Araw sa militar ng Estados Unidos, ay nahirapang balansehin ang kanyang tungkulin na huwag kumiling sa anumang relihiyon at ang kanyang pagnanais na tugunan ang partikular na mga pangangailangan ng mga sundalong Banal sa mga Huling Araw na nakatalaga sa kanyang rehimyento. Dahil hindi makapagdaos ng regular na pagsamba at hindi makapagbigay ng payo na partikular sa mga paniniwala at doktrina ng mga Banal sa mga Huling Araw, madalas makadama ng pagkadismaya si Kimball, isang karanasan na ibabahagi sa hinaharap ng mga chaplain na mga Banal sa mga Huling Araw.4 Gumawa ang mga lider ng Simbahan ng ilang pag-aangkop para sa mga sundalong Banal sa mga Huling Araw sa iba pang mga yunit ng militar. Hinikayat nila ang mga ward at branch na may mga miyembrong nagseserbisyo sa militar na magpadala ng mga banal na kasulatan, literatura ng Simbahan, at regular na lumiham sa kanilang mga sundalo. Hinikayat nila ang mga miyembro ng mga ward at branch na malapit sa mga kampo ng militar na anyayahan ang mga sundalo na sumama sa mga lokal na serbisyo at i-fellowship sila kung kailangan. Kung minsan ay pinahihintulutan ang mga sundalo na nakikipaglaban o nasa mga liblib na lugar na mag-organisa ng sarili nilang grupo ng Mutual Improvement Association (MIA), ang una sa mga ito ay inorganisa noong 1898 malapit sa Maynila, Pilipinas, noong Labanan sa Maynila.5 Sa pagtataguyod ng “Mutual Improvement Association of the Far East,” nagpulong ang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw upang pag-aralan ang mga banal na kasulatan, makatanggap ng sakramento, at dumalo sa mga kaganapang panlipunan.6
Ang Dalawang Digmaang Pandaigdig
Noong Unang Digmaang Pandaigdig, maraming Banal sa mga Huling Araw ang naglingkod sa magkabilang panig ng isang pandaigdigang digmaan sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Simbahan.7 Ang regular na pakikipag-ugnayan mula sa mga home ward at branch ay umabot sa mga sundalo na naglilingkod mula sa mga Central powers ng Germany at Austria at sa mga bansang Allied ng Great Britain, Canada, New Zealand, Australia, at Estados Unidos. Kung minsan, tulad ng 13th Mounted Rifles (ang tinawag na “Alberta Regiment”) ng Hukbong Canadian, maraming Banal sa mga Huling Araw ang nagdaos ng mga regular na pulong ng Simbahan. Si Tinyente Hugh B. Brown, isang General Authority sa hinaharap, ay nanguna sa pagbibigay ng espirituwal na suporta sa mga Banal sa mga Huling Araw sa kanyang rehimyento.8
Ang pagpasok ng puwersa ng Sandatahan ng Estados Unidos sa digmaan noong 1917 ay nagbunsod sa mga lider ng Simbahan na bumuo ng mga bagong programa upang suportahan ang mga servicemember na mga Banal sa mga Huling Araw. Tatlong Banal sa mga Huling Araw ang tumanggap ng mga utos bilang mga chaplain sa Hukbo ng Estados Unidos, at ang mga servicemember sa iba’t ibang panig ng mundo ay hinikayat na maghanap ng mga lokal na kongregasyon saanman sila nakadestino. Ang mga grupo ng mga MIA ay inorganisa malapit sa mga training base o combat arena kung saan ang mga servicemember ay hinadlangang dumalo sa mga regular na ward at branch.9
Nang magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong dekada ng 1930, natuto na ang mga lider ng Simbahan mula sa Unang Digmaang Pandaigdig at handa nang bumuo ng grupo na makakasuporta nang lubos sa mga servicemember. Noong 1940 at 1941, sa pagdami ng mga Banal sa mga Huling Araw na kasama sa labanan, bumuo ang mga lider ng mga bagong paraan ng pamamahagi para makapagpadala ng mga literatura ng Simbahan at mga liham sa mga servicemember sa ibang bansa. Ang mga grupong MIA ang naging pangunahing sentro ng pagkakaibigan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar kung saan sila nagseserbisyo sa militar. Ang Military Servicemen’s Committee—na inorganisa noong 1941, kasama si Elder Harold B. Lee ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang chairman at Hugh B. Brown bilang coordinator—ay gumawa ng planong susuporta sa servicemember na kinapapalooban ng pormal na proseso ng pagtawag at pagtatalaga sa mga lider ng grupo ng MIA.10 Inilathala rin ng komite ang Handbook for Chaplains and Group Leaders [Hanbuk para sa mga Chaplain at mga Lider ng Grupo] at pocket edition ng mga banal na kasulatan at iba pang literatura ng Simbahan para sa mga servicemember. Isang directory, na in-update taun-taon, ang nagbigay sa mga servicemember ng impormasyon kung paano makokontak ang mga lokal na branch, ward, at mission saanman sila nakadestino. Ang mga lokal na miyembro ng Simbahan ay naglingkod bilang mga assistant coordinator upang ikonekta ang mga kalapit na base militar sa mga lokal na kongregasyon.11
Habang dumarami ang bilang ng mga chaplain na Banal sa mga Huling Araw noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mas ipinasiya ng Komite ng Military Servicemen na tumawag ng mga miyembro na nasa militar bilang mga lider ng grupo. Ang pagsasaayos ay nagtulot sa mga pulong ng pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw na magtipon nang hindi sumasalungat sa mga patakaran ng militar na nangangailangan ng serbisyong walang relihiyong pinapanigan. Ang mga kabataang lalaki na naitalaga bilang mga lider ng grupo bago lisanin ang tahanan ay maaaring mag-organisa ng mga grupo at magdaos ng mga pulong saanman sila nakadestino, pati na habang nakikipaglaban.12 Ang mga grupo ng mga MIA ay inorganisa sa bawat lugar ng digmaan, kabilang na ang ilang kampo para sa mga bilanggo ng digmaan, at marami sa mga servicemember na dumalo ay sinamantala ang bawat pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa kapwa mga sundalo at mga tao na nakausap nila sa lugar. Maraming mga servicemember, tulad ni L. Tom Perry, isang Marinero sa Estados Unidos at magiging Apostol, ang nakipagtulungan sa mga kasamahan niya sa militar, iba pang mga simbahan, at mga miyembro ng branch upang muling itayo ang mga lugar na nawasak ng digmaan.13
Paglilingkod sa Ibang Bansa at Paglago ng Simbahan
Simula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, patuloy na itinaguyod at pinagbuti ng Simbahan ang mga gawaing sumusuporta sa mga Banal sa mga Huling Araw sa serbisyong militar at pandiplomatiko.14 Sa mga bahagi ng Europa, Asya, Latin Amerika, Africa, at Pasipiko, ang mga branch na inorganisa para sa mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw sa serbisyong militar at pandiplomatiko ay naging kasangkapan sa pagbibigay ng mga nauna nang lokal na suporta at pamumuno para sa pagtatatag ng Simbahan sa maraming bansa. Ang mabilis na paglago ng bilang ng mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo ay karaniwang dulot mismo ng mga ginawa at pinagsikapan ng mga Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa labas ng kanilang bansa.15
Mga Kaugnay na Paksa: Digmaang Mehikano-Amerikano, Digmaang Sibil ng Amerika, Digmaan sa Pagitan ng Espanya at Amerika, Unang Digmaang Pandaigdig, Ikalawang Digmaang Pandaigdig, Pag-unlad ng Gawaing Misyonero