“Tatsui Sato: Tagasalin Habambuhay,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan (2019)
“Tatsui Sato: Tagasalin Habambuhay,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan
Tatsui Sato: Tagasalin Habambuhay
Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nangangahulugan na maraming kabataang Banal sa mga Huling Araw ang hindi maaaring magmisyon. May ilang naghangad ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa panahon ng kanilang serbisyo sa militar. Maraming matatapat na miyembro sa Simbahan sa Japan ang naturuan ng ebanghelyo ng mga sundalong ito.
Hindi nagtagal matapos ang digmaan, ang mga Banal sa mga Huling Araw sa militar ng Estados Unidos—kabilang na ang isang batang tinyente na nagngangalang Boyd K. Packer—ay sabik na ibinahagi ang ebanghelyo kay Tatsui Sato, isang lalaking Kristiyano na nakatira sa Narumi. Nabasa ni Sato noon ang tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw at ginunita ang magagandang larawan ng Salt Lake Temple na may mga kabundukang natatakpan ng niyebe sa likod. Si Sato, na bihasang magsalita ng Ingles, ay naglingkod bilang tagasalin sa mga kawal habang itinuturo nila ang ebanghelyo sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Noong Hulyo 7, 1946, si Sato at ang kanyang asawa, si Chiyo ay kabilang sa unang tatlong lokal na nabinyagan pagkatapos ng digmaan.
Hindi nagtagal matapos ang kanyang binyag, nagsimulang maglingkod si Sato bilang tagasalin ng mission. Sa mga sumunod na ilang taon, isinalin ni Sato ang ilang polyeto at iba pang mga materyal na inilathala ng Simbahan kabilang na ang isinulat ni Elder James E. Talmage na Jesus the Christ. Noong 1949 ay binisita ni Elder Matthew Cowley ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tahanan ng mga Sato, inorden si Tatsui bilang elder, at itinalaga siya bilang interpreter at tagasalin para sa mga Hapones hanggang “sa nalalabing bahagi ng kanyang buhay.” Kalaunan ay isinalin ni Sato ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, Mahalagang Perlas, at mga seremonya sa templo.