“Dumating ang mga Missionary sa Japan,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan (2019)
“Dumating ang mga Missionary sa Japan,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan
Dumating ang mga Missionary sa Japan
Noong umaga ng Agosto 12, 1901, dumating ang Empress of India sa daungan ng Yokohama na dala ang unang grupo ng mga missionary na Banal sa mga Huling Araw upang bumisita sa Japan. Kilala bilang “Japanese Quartet,” hindi handa sina Heber J. Grant (na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol), Louis A. Kelsch, Horace S. Ensign, at Alma O. Taylor sa mga hadlang na kakaharapin nila. Wala ni isa sa apat ang may alam ng wika o may alam tungkol sa mga mamamayan ng Japan. Agad silang nabigyan ng mga negatibong ulat sa mga lokal na pahayagan at itinatwa ng iba pang mga misyonerong Kristiyano mula sa Kanluran.
Ang mga pagkakaiba sa kultura ay nagsilbing malaking hadlang sa pag-unlad ng gawaing misyonero sa Japan. Itinuturing ang Kristiyanismo bilang isang bahagi ng mga inangkat na Kanluraning ideya. Ito ay madalas na itinuring na isang paraan ng pagtatamo ng mas malaking kayamanan at kasaganaan sa halip na isang ganap na umunlad na sistema ng relihiyon. Ang mga naunang tao na nabinyagan ay nagdulot ng hamon sa mga missionary kaya nag-alangan silang binyagan ang mga taong nagsisiyasat sa Simbahan. Mabagal ang pag-unlad ng gawain sa Japan dahil inanyayahan ng mga missionary ang mga taong nagpahayag ng interes sa Simbahan na pahabain pa ang panahon ng pagsisiyasat upang subukan ang kanilang katapatan.
Noong 1905, si Alma O. Taylor, sa edad na 22, ang naging pangulo ng Japan Mission. Bata at wala pang asawa, kinailangang kumuha ng kasambahay si Taylor na mangangalaga sa mission home at magluluto para sa mga missionary. Matapos interbyuhin ang ilang aplikante, tinanggap ni Taylor si Tsune Ishida Nachie sa trabaho, isang bihasang 49-taong-gulang na kasambahay, isang Kristiyano, at isang taong may matinding interes sa doktrina ng mga Banal sa mga Huling Araw, isang bagay na hindi nito ipinaalam kay Taylor. Mahigit isang buwan pa lang matapos niyang magsimulang magtrabaho sa mission home, hiniling ni Nachie na mabinyagan. Dahil may alinlangan pa sa intensyon nito, hiniling ng mga missionary kay Nachie ang kaunting panahon pa hanggang sa mas marami silang maiturong doktrina ng ebanghelyo sa kanya. Gayunman, determinado si Nachie na mabinyagan. Isinagawa niya ang mga hakbang upang patunayan na tapat siyang sumapi sa Simbahan, at umalis pa sa dati niyang simbahan.
Noong Setyembre 26, 1905, nabinyagan si Nachie at naging isa sa mga pinakatapat at maalam na mga miyembro ng Simbahan sa Japan. Madalas siyang nagturo ng mga klase sa Sunday School, tumulong sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, at nagsilbing pangalawang ina sa mga batang missionary na naglilingkod sa bansa. Matapos ang maraming taon ng paglilingkod sa Simbahan, nagpahayag ng kasabikan si Nachie na pumunta sa templo at makibahagi sa mga ordenansa roon.
Noong 1922, ang mga missionary na naglilingkod sa Japan Mission ay kumalap ng mga donasyon mula sa mga dating missionary na kilala si Nachie. Nang matipon ang pondo, nagretiro si Nachie sa Hawaii, kung saan noong Hunyo 5, 1923, siya ang unang katutubong Hapones na bininyagan na pumasok sa templo sa Laie at lumahok sa mga seremonya sa templo. Sa mga huling taon ng kanyang buhay, naging kasangkapan si Nachie sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga dayo sa Hawaii.
Sa kabila ng mga hadlang sa wika at kultura, patuloy na itinuro ng mga missionary ang ebanghelyo sa Japan. Mula 1901 hanggang 1924, napakaraming missionary mula sa North America, karamihan mula sa Utah at Idaho, ang tinawag na maglingkod sa Japan. Gayunman, sa kabila ng mga pagsisikap ng mga missionary, mabagal ang pag-unlad ng gawain. Pagsapit ng 1924, 176 katutubong Hapones lamang ang sumapi sa Simbahan. Ang ilan, tulad ni Nachie, ay matatapat na miyembro; marami ang maikling panahon lamang nakabahagi lsa Simbahan.