Kasaysayan ng Simbahan
Pagtatayo ng Templo sa Japan


“Pagtatayo ng Templo sa Japan,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan (2019)

“Pagtatayo ng Templo sa Japan,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan

Pagtatayo ng Templo sa Japan

Unang iskursyon ng Templo sa Japan

Nagpakuha ng litrato ang mga Banal na Hapon bago sumakay sa eroplano para sa unang paglalakbay papunta sa templo sa Hawaii.

Ang propesiya ni Cowley sa templo sa Japan ay nangailangan ng maraming taon para matupad. Noong panahong iyon, ang pinakamalapit na templo ay nasa Laie, Hawaii, mahigit 3,840 milya (6,180 km) ang layo. Ang gastos ng paglalakbay—hanggang kalahati ng taunang suweldo ng mga karaniwang manggagawa sa panahong iyon—ay nangahulugan na kakaunti lamang ang may kayang magsagawa ng paglalakbay.

Noong 1963, si Dwayne N. Andersen, pangulo ng Northern Far East Mission, ay nagpasiya na ang mga Banal sa Japan ay dapat makinabang sa mas mataas na espirituwalidad na nagmumula sa pagsamba sa templo. Sinimulan ni Pangulong Andersen ang isang kampanya upang ituro sa mga Banal ang kahalagahan ng pagdalo sa templo at upang mabawasan ang gastos sa pagpunta sa templo. Ang mga aralin sa lahat ng branch ay nakatuon sa mga doktrina ng templo at sa mga ipinangakong pagpapala sa mga naghahangad na makibahagi sa mga ordenansa nito.

Maraming Banal na Hapon ang nagbigay ng kanilang panahon at mga talento at ginamit ang kanilang sariling network para tumulong sa proyekto. Mahalaga ang nagawa ni Kenji Yamanaka sa pagpaplano, pagpopondo, at pagsasagawa ng paglalakbay papunta sa templo. Si Yamanaka, isang mangangalakal ng perlas, ay ginamit ang kanyang mga kakilalang propesyonal upang magsaliksik at makakuha ng isang inarkilang eroplano; binigyan ang mga miyembro ng Simbahan ng mga perlas upang gumawa ng mga panali ng kurbata, kuwintas, at iba pang alahas; at tumulong na magkaroon ng plaka ng isang lokal na koro ng Simbahan. Ang mga nalikom mula sa pagbebenta ng perlas na alahas at ang pagrerekord ay napunta sa pondo ng paglalakbay papunta sa templo.

Noong Hulyo 1965, ang 166 na mga Banal na Hapon ay sumakay ng inarkilang eroplano mula Tokyo papunta sa Laie, Hawaii. Sila ang naging una sa maraming nagsagawa ng taunang paglalakbay patungong Hawaii para makabahagi sa mga ordenansa sa templo. Nang dumating ang mga Banal sa Hawaii, sila ang naging unang nakarinig sa bagong pagsasalin ng mga ordenansa sa wikang Hapon. Si Tatsui Sato, na nagsalin ng mga seremonya, ang nagbigay ng mga unang ordenansang ito. Ang pagsamba sa templo ay naging sentro ng buhay ng mga Banal na Hapon na lubos na nagsakripisyo para makapaglakbay.

Noong Agosto 9, 1975, nang ibinalita ni Spencer W. Kimball, Pangulo ng Simbahan, sa isang area conference sa Tokyo na isang templo ang itatayo sa Japan, marami sa mga Banal ang humalukipkip at umiyak dahil sa galak. Ang tanggapan ng mission sa Tokyo ay pinili bilang lugar para sa bagong templo. Ngayon, tatlong templo—sa Tokyo, Fukuoka, at Sapporo—ang naglilingkod sa mga Banal ng Japan.