“‘Ang Simula ng isang Pandaigdigang Simbahan,’” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan (2019)
“‘Ang Simula ng isang Pandaigdigang Simbahan,’” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan
“Ang Simula ng isang Pandaigdigang Simbahan”
Noong Abril 20, 1967, nagtipon ang mga Banal sa Osaka sa kanilang bagong tapos na meetinghouse. Naroon si Hugh B. Brown, miyembro ng Unang Panguluhan ng Simbahan, upang ilaan ang gusali. Sa pulong, sinabi ni Brown sa mga naroroon na nakinita niya ang araw na ang mga General Authority, maging isang Apostol, ay hihirangin mula sa Japan.
Noong umaga ng Abril 3 1975, bahagyang natanto ang pangitain ni Brown. Si Adney Y. Komatsu, isa sa maraming Banal na Hawaiian na tubong Hapon, ay hinilingang makipagkita sa Pangulo ng Simbahan, si Spencer W. Kimball. Inatasan siya ni Kimball na maglingkod bilang Katuwang sa Korum ng Labindalawang Apostol at isang General Authority ng Simbahan. Kalaunang naiulat na sa una ay lubhang nabigla si Komatsu kung kaya siya ay hindi nakapagsalita. Makaraan ang ilang sandali, tumugon siya na kung hinihiling ng Panginoon ang kanyang paglilingkod, kung gayon siya ay maglilingkod. Pagkatapos sumang-ayon ni Elder Komatsu, sumandal sa kanyang upuan si Kimball at taimtim na sinabi, “Ikaw ang unang hindi puting tao na hinirang sa General Authority,” dagdag pa niya, “Ito ang simula ng isang pandaigdigang Simbahan.”
Mula noong tawagin sa tungkulin si Komatsu, dumaraming bilang ng matatapat na kalalakihan at kababaihan mula sa labas ng Hilagang Amerika ang tapat na naglingkod sa mahahalagang tungkulin sa Simbahan. Ilan sa mga tinawag na iyon ang mula sa Japan, kabilang na sina Yoshihiko Kikuchi (Unang Korum ng Pitumpu, emeritus; unang General Authority na isinilang sa Japan), Chieko Okazaki (dating Unang Tagapayo, Relief Society General Presidency; unang babaeng Asyanong hinirang bilang General Officer), Kazuhiko Yamashita (Unang Korum ng Pitumpu), at Koichi Aoyagi (Pangalawang Korum ng Pitumpu, emeritus).