“Pambungad,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo (2018)
Pambungad
Ang kaligtasan ng lahat ng anak ng Diyos ang pinakamahalaga sa Kanyang ebanghelyo. Ipinangako Niya na sa pamamagitan ng binhi ni Abraham ay “pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa” (Genesis 22:18), at sa mga mapagpakumbabang pastol sa Judea, ipinahayag na ang “magandang balita” ng ebanghelyo ay “para sa [lahat ng tao]” (Lucas 2:10). Sa mga unang pahina ng Aklat ni Mormon, ipinahayag ni Nephi na ang Panginoon ay “hindi … gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya” (2 Nephi 26:24; idinagdag ang italics).
Hindi pa natatagalan matapos maitatag Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo: “Sapagkat kanyang ipakikita ang kanyang banal na bisig sa mga mata ng lahat ng bansa,” sabi ng Panginoon noong 1831. “Maghanda kayo, maghanda kayo, O aking mga tao. … Paratingin ang pahayag sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 133:3–4, 10). Alinsunod dito, ang matatapat na Banal ay tumanggap na ng mga tungkulin na mangaral sa buong mundo, naisalin na ang Aklat ni Mormon (nang buo o ang bahagi nito) sa mahigit 110 wika, at ang mga kongregasyon ay naitatag na at lumalago sa buong mundo.
Bagamat nauunawaan ng karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw na ang Simbahan ay isang pandaigdigang relihiyon, ang kasaysayan ng Simbahan sa maraming bahagi ng mundo ay hindi masyadong alam ng lahat. Ang Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo na ito ay naglalayong ibahagi ang nagbibigay-inspirasyong kuwento kung paano niyakap at ibinahagi ang mensahe ng Pagpapanumbalik sa buong daigdig.
Ang bawat kasaysayan ay naglalaman ng maikling pangkalahatang ideya, mga piling kuwento ng pananampalataya, isang kronolohiya, impormasyon sa estadistika, at karagdagang sources na maaaring maging sanggunian ng mga mambabasa. Nakatuon ang mga kuwento sa mga lokal na miyembro na nakariinig at sumunod sa panawagan ng Tagapagligtas na “ipahayag ang salita sa mga lugar sa paligid nila” (Doktrina at mga Tipan 52:39) at sumampalataya para malampasan ang mga natatanging hamon ng pagiging mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang lupang sinilangan.