“Ang “Madilim na Yugto” ng Simbahan sa Japan,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan (2019)
“Ang “Madilim na Yugto” ng Simbahan sa Japan,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan
Ang “Madilim na Yugto” ng Simbahan sa Japan
Noong 1924, ipinasa ng Kongreso ng U.S. ang Immigration Act ng 1924, kung saan ipinagbabawal ang pandarayuhan sa Estados Unidos mula sa Asya. Inisip ng pamahalaang Japan ang batas na ito bilang simbolo ng lumalagong kontra-Japan na pag-uugali ng Estados Unidos. Ang kaisipang kontra-Amerika ay naging pangkaraniwan sa mga lansangan at sa mga simbahan ng Japan. Bumaba ang bilang ng mga dumadalo sa mga pulong ng Simbahan ng Banal sa mga Huling Araw hanggang sa tanging mga pinakatapat na mga miyembro lamang ang patuloy na nagpupunta.
Dama na ang sitwasyon sa lipunan, pulitika, at relihiyon ay hindi maganda, si Heber J. Grant, na ngayon ay Pangulo ng Simbahan, ay nagsagawa ng mapait na desisyon na isara ang Japan Mission—na dati niyang personal na binuksan. Noong Hunyo 13, 1924, nagpadala si Pangulong Grant ng isang telegrama kay Hilton A. Robertson, ang pangulo ng mission, na nag-aatas sa kanya na itigil ang lahat ng operasyon ng mission at asikasuhin ang pagpapauwi sa mga missionary. Ang Mutual Improvement Association (MIA), isang organisasyon para sa mga kabataan at young adult, ay napili bilang kaisa-isang institusyon ng Simbahan na magpapatuloy matapos umalis ang mga missionary.
Bago umalis ang mga missionary, hinirang at inorden si Fujiya Nara bilang presiding elder ng Simbahan sa Japan. Sa unang pulong ng mga Banal matapos pauwiin ang mga missionary, iminungkahi ni Nara ang paglalathala ng isang pahayagan, pinamagatang Shuro (Ang Palaspas), upang patuloy na mabigyan ng impormasyon ang lahat ng miyembro sa mga gawain ng bawat isa sa mga branch. Sa unang isyu ng Shuro, ipinahayag ni Nara ang nadarama ng mga Banal na matinding kawalan sa pagsasara ng mission. Ang panahong ito ay “ang ganap na madilim na yugto” ayon kay Nara, ngunit ang MIA ay ang “landas tungo sa liwanag sa kasalukuyang kadiliman.” Patuloy na pinamunuan ni Nara ang mga Banal sa abot ng kanyang makakaya hanggang 1934, nang ilipat siya ng kanyang trabaho sa mga pampublikong riles sa Manchuria.
Matapos ilipat si Nara, nagkaroon ng puwang sa pamunuan sa Japan. Si Takeo Fujiwara, isang batang binyagan mula sa Sapporo na nag-aaral ng BYU sa pamamagitan ng isang scholarship mula kay Franklin S. Harris, pangulo ng unibersidad, ay hinirang ni Heber J. Grant at itinalaga bilang presiding elder at espesyal na missionary sa Japan. Masigasig si Fujiwara at tapat sa kanyang paghirang.
Pagdating sa Japan, agad siyang bumisita at inorganisa ang mga branch sa Tokyo, Osaka, Kofu, at Sapporo. Ginamit niya ang kanyang karanasan sa Simbahan sa Utah bilang gabay sa kung paano dapat umiral ang Simbahan, at nagpadala siya kay Alma O. Taylor ng ilang mahahabang ulat tungkol sa kanyang mga gawain sa Lungsod ng Salt Lake. Sa kasamaang palad, nagkasakit ng tuberkulosis si Fujiwara noong huling bahagi ng 1935. Bagama’t mabilis na bumagsak ang kanyang kalusugan, nanatili siyang tapat sa kanyang tungkulin. Noong Enero 27, 1936, pumanaw si Takeo Fujiwara. Sa kanyang huling hininga, hiniling niya sa kanyang ama na sumulat kay Taylor at ipahayag ang kanyang panghihinayang na hindi na nagawang magtrabaho nang mas masigasig.
Matapos ang pagpanaw ni Fujiwara, naging limitado na ang pakikipag-ugnayan sa mga Banal sa Japan. Noong 1937, hinirang si Hilton A. Robertson upang buksan ang Japanese mission na may punong-tanggapan sa Honolulu, Hawaii, upang ipangaral ang ebanghelyo sa malalaking populasyon ng mga Hapones na nakatira sa mga Isla ng Hawaii. Tinangka ni Hilton na panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa mga Banal sa Japan nang madalas hangga’t maaari, at noong Abril 1939 ay gumugol siya ng isang buwan sa Japan para bumisita sa mga branch. Gayunman, nang magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, natagpuan ng mga miyembro ng Simbahan sa Japan at Hawaii ang kanilang sarili sa magkabilang panig ng pakikipaglaban. Ang pakikipag-ugnayan sa Japanese mission sa Hawaii at sa maliit na grupo ng mga Banal sa Japan ay naputol.