“‘Narito upang Manatili,’” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan (2019)
“‘Narito upang Manatili,’” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Japan
“Narito upang Manatili”
Sa pagtatapos ng digmaan, isang maliit na grupo ng mga Banal, kabilang si Fujiya Nara, ang patuloy pa ring nagpupulong. Si Nara ay nagdaraos ng Sunday School sa kanyang tahanan at pinangangasiwaan ang isang junior Sunday School sa tahanan ng isang mabait na tao na hindi miyembro ng Simbahan. Sa kabuuan, si Nara ay patuloy na nakikipagpulong sa halos 100 katao na maawain sa Simbahan; gayunman, kakaunti lamang ang nabinyagan.
Isang umaga, matapos dumating ang mga puwersang mananakop sa Tokyo, isang patalastas sa diyaryo ang nakapukaw ng pansin ni Nara. Ang patalastas, na inilagay ni Edward Clissold, isang opisyal ng hukbong pandagat ng U.S. na nagtratrabaho sa pamahalaang mananakop at miyembro ng Simbahan, ay hinahanap ang lahat ng mga miyembro ng Simbahan sa Japan. Sa labis na tuwa na muling magkaroon ng ugnayan sa Simbahan, inanyayahan ni Nara si Clissold sa kanyang mga pulong sa Sunday School.
Noong 1947, si Edward Clissold, na ngayon ay nagretiro na mula sa hukbong pandagat, ang hinirang na maging pangulo ng muling binuksan na mission. Ang una niyang tungkulin ay humanap ng permanenteng lugar para sa tanggapan ng mission at para sa pagdarausan ng mga miyembro ng mga pulong. Kahit may kahirapan, hindi naglaon ay nakahanap si Clissold ng isang lumang bahay sa Azabu sa komunidad ng Tokyo. Napinsala ang gusali noong panahon ng pambobomba sa Tokyo at nangangailangan ng pagkukumpuni. Matapos makumpleto ang pagbili, ang unang ari-ariang pag-aari ng Simbahan sa Asya, inumpisahan ni Clissold ang pagkukumpuni ng gusali at sa paghahanda nito bilang tanggapan ng mission.
Noong Hulyo 17, 1949, si Matthew Cowley ng Korum ng Labindalawang Apostol ay dumating sa Tokyo upang ilaan ang bagong ayos na mission home. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cowley na ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “narito upang manatili; hindi na kami muling aatras pa.” Pagkatapos ay nangako si Cowley na magkakaroon ng marami pang gusali na itatayo ang Simbahan—“ maging mga templo”—sa Japan.