Kasaysayan ng Simbahan
“Nakangiti ang Panginoon sa Pilipinas”


“‘Nakangiti ang Panginoon sa Pilipinas,’” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas” (2019)

“‘Nakangiti ang Panginoon sa Pilipinas,’” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas”

“Nakangiti ang Panginoon sa Pilipinas”

Noong Disyembre 1941, nang nakidigma ang Estados Unidos sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumali si Maxine Tate sa Red Cross, nadarama na doon ay “mas makakapaglingkod” at maisasakatuparan ang kanyang “pinakadakilang pagnanais na gumawa ng mabuti sa mga tao.” Sa huling bahagi ng digmaan, pinapunta siya sa Pilipinas. Tulad ng ginawa niya sa ibang lugar, si Maxine, na palaging dala ang kanyang pump organ, ay nagsimulang tipunin ang mga sundalong Banal sa mga Huling Araw upang sama-samang sumamba. Sa Maynila ay nakahanap siya ng lugar para sa miting sa tahanan ng matagal nang residente ng Maynila na si Koronel Edward “Pete” Grimm, bagama’t hindi pa ito miyembro ng Simbahan.

Bukod sa pag-oorganisa ng mga miting ng Simbahan, abala si Maxine sa pag-aalaga ng mga bihag ng digmaan at pagtulong sa mga refugee. Habang pinagninilayan niya kung paano gawin ang pinakamakakabuti para sa kanila, naghangad si Maxine na magbigay ng espirituwal, gayundin ng pisikal, na kaginhawahan. Gayunman, noong panahong iyon, ang Simbahan ay walang ligal na pagkilala o mga lokal na kongregasyon sa Pilipinas, at atubili ang mga lider ng Simbahan na binyagan ang mga nagbabalik-loob kung walang plano ng pagsuporta sa kanila sa hinaharap. Hindi bababa sa dalawang Pilipino ang pinahintulutang magpabinyag sa kabila ng mga pag-aatubiling iyon: si Aniceta Pabilona Fajardo, isang kaibigan ni Maxine, ay nabinyagan noong 1945, at si David Lagman, na may kilalang Banal sa Huling Araw na piloto ng militar, ay nabinyagan noong 1958.

Matapos ang digmaan, pinakasalan ni Maxine si Pete Grimm at nanirahan sa Maynila. Noong mga huling taon ng dekada ng 1950, inorganisa niya ang Sunday School at Primary kasama ang iba pang mga dayuhang pamilya. Gayunman, hindi siya kuntento na panatilihin ang ebanghelyo sa grupo nila at inanyayahang dumalo ang mga kaibigan nilang Pilipino. “Ginawa niya ang lahat upang ituro ang ebanghelyo sa iba,” paggunita ni Elder Gordon B. Hinckley. “Nagsumamo siya na magpadala ng mga misyonero.” Pagsapit ng 1960 ay naghanda ang mga lider ng Simbahan na gawin ito; tumulong si Pete sa mga ligal na papeles na magtutulot sa Simbahan na magpadala ng mga missionary sa bansa. Sa wakas, noong Abril 1961, binuksan ni Hinckley ang Pilipinas para sa gawaing misyonero. Si David Lagman ay kabilang sa mga taong nakarinig sa panalangin ni Hinckley na magkakaroon ng “libu-libo na tatanggap ng mensaheng ito at mapagpapala dahil dito.”

Tuwang-tuwa ang iilang Banal sa Pilipinas nang dumating ang mga unang missionary noong Hunyo 5, 1961. “Tiyak,” naisip ni David Lagman, “nakangiti ang Panginoon sa Pilipinas.” Noong Agosto, ang asawa ni David na si Eloisa ay ang unang nabinyagan mula noong dumating ang mga missionary. Mabilis na tinanggap ng iba ang mensahe. Sinabi ni Ruben M. Lacanienta na para sa kanyang pamilya, ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay “tila isang diyamanteng kumikinang sa isang bunton ng maruming uling,” na nagbigay sa kanila ng “lakas ng loob na magbago para sa katotohanan.” Patuloy na sinuportahan nina Maxine at Pete ang mga missionary at mga bagong miyembro ng Simbahan—marami sa unang 2,000 pagbibinyag ay naganap sa kanilang swimming pool. Sa pagwawakas ng buhay ni Maxine, umabot na sa higit 700,000 ang mga miyembro ng Simbahan sa Pilipinas. “Ni sa hinagap ko ay hindi ko inasahan na ang gawain ay magiging ganito katagumpay,” sabi ni Maxine. “Handa na ang mga Pilipino para sa ebanghelyo ni Jesucristo.”

lalaking binibinyagan

Larawang kuha sa isang bautismo sa pool sa tahanan nina Maxine at Pete Grimm, circa 1964