Kasaysayan ng Simbahan
Mga Pilipinong Banal sa Ibayong Dagat


“Mga Pilipinong Banal sa Ibayong Dagat,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas (2019)

“Mga Pilipinong Banal sa Ibayong Dagat,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas

Mga Pilipinong Banal sa Ibayong Dagat

Tatlong bansa lamang—ang Estados Unidos, Mexico, at Brazil—ang may mas maraming residenteng Banal sa mga Huling Araw kaysa sa mahigit 750,000 miyembro ng Simbahan na nakatira sa Pilipinas. Dahil maraming Pilipino ang pansamantala o permanenteng nandarayuhan para sa trabaho, ang mga Pilipinong Banal sa mga Huling Araw ay nagtayo rin ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo, lalo na sa Estados Unidos at Canada, sa Gitnang Silangan, at sa mga kalapit na bansa sa Asya.

Nag-ambag ang mga Pilipinong Banal sa mga Huling Araw ng kanilang mga talento sa maraming paraan sa mga bansang kumupkop sa kanila. Ang ilan, tulad ng mang-aawit na si Lani Misalucha, ay nakilala sa larangan ng showbiz. Ang iba naman, tulad ni Astrid Tuminez, ay nakilala bilang mga iskolar at lider. Marami ang nakahanap ng trabaho sa mga tahanan, madalas na nagtatrabaho nang mahabang oras para sa ibang pamilya upang masuportahan ang sarili nilang pamilya. Sa Hong Kong, ang katapatan ng mga Banal na ito ay nagbunga ng mahahalagang inobasyon kung paano pinangangasiwaan ang Simbahan. Dahil magkakaiba ang mga araw ng pahinga ng mga kasambahay, inorganisa ang mga espesyal na branch na magtipon sa mga karaniwang araw sa halip na Linggo. At kahit karaniwang sarado ang mga templo tuwing Linggo, ang Hong Kong China Temple ay nagbukas sa araw ng Linggo sa bawat ikatlong buwan para sa mga taong Linggo lamang ang araw ng pahinga at nais ilaan ang kanilang mahalagang oras sa pagsasagawa ng mga ordenansa para sa mga sumakabilang-buhay na.