“Umuunlad Habang Naglilingkod sa Panginoon,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas (2019)
“Umuunlad Habang Naglilingkod sa Panginoon,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas
Umuunlad Habang Naglilingkod sa Panginoon
Nang sumapi si Nenita Reyes sa Simbahan noong 1961, dama ng mga unang nabinyagan ang pagiging napakalapit sa isa’t isa. Madalas magkwentuhan ang mga miyembro matapos ang mga miting. “Nakadama kami ng pagmamahal,” paggunita ni Nenita. “Dama naming dito talaga kami kabilang.” Tuwang-tuwa sila sa pakikisalamuha kaya kahit ang mga magulang at iba pang matatanda ay dumadalo sa mga lingguhang aktibidad ng kabataan. Ang mga miyembro ay naging bahagi rin sa buhay ng bawat isa sa pamamagitan ng paglilingkod: nang masunog ang bahay ng isang miyembro, tinutulungan siya ng mga miyembro ng branch na muling itayo ito.
Sa kabila ng pagbibigay ng branch ng suporta, kinabahan si Nenita nang tinawag siyang maging isang chorister. “Nang una kong pinangunahan ang musika, sa himnaryo lang ako nakatingin,” sabi niya, nang ibahagi niya na siya at ang iba pang mga bagong binyag ay hindi sanay tumayo sa harap ng isang kongregasyon. “Unti-unti naming napaglabanan ang lahat ng ito.”
Noong Disyembreng iyon, pinamunuan ni Nenita ang isang grupo ng mga miyembro ng branch sa pag-awit ng mga awiting Pamasko. Si Ruben Gapiz, na ang tiyahin ay miyembro, ay dumating upang tumugtog ng gitara. Nalungkot siya nang marinig niya na hindi siya babayaran ngunit nanatili nang malamang aawit ang mga Banal sa mga ospital at bahay-ampunan. Noong sumunod na taon, sumapi siya sa Simbahan. Sina Ruben at Nenita kalaunan ay naging unang mag-asawang Pilipinong Banal sa mga Huling Araw na ikinasal ng isang lider ng Simbahan. Noong 1973 nang iorganisa ang unang stake sa Pilipinas, tinawag si Ruben na maglingkod sa mataas na konseho, bagama’t nag-aalala siya kung siya ba ay karapat-dapat, nadarama na maaaring kailangan ng isang tao ang “sinag sa ibabaw ng kanyang ulo upang gawin ang mga responsibilidad.”
Makalipas ang dalawang taon, naganap ang isang trahedya. Natuklasang may kanser si Ruben at tinaningan ng limang taon. “Simula nang bumisita ako sa opisina ng doktor na iyon, noon pa man ay may panalangin na ako sa puso ko,” sabi ni Ruben. “Ayaw kong lumaki ang mga anak ko na walang ama.” Tatlong taon ng chemotherapy ang pumagod sa katawan ni Ruben at dahil dito ay nawala ang kanyang trabaho, ngunit noong 1978 ay hinangad niya ang kanyang patriarchal blessing. “Sa pagtatapos ng basbas,” paggunita ni Ruben, sinabi ng patriarch na “lubos na matatamasa ni Ruben ang kanyang buhay” at magiging lider siya sa Simbahan. Ang basbas ay “naging dahilan para ako at ang asawa ko ay humikbi nang mahina,” paggunita ni Ruben. “Alam ko noong araw na iyon na sinagot ng Panginoon ang aking panalangin.”
“Nagbago siya pagkatapos niyon,” sabi ni Nenita. Naglingkod sa Simbahan sina Nenita at Ruben nang mas aktibo at may handang kalooban habang minamasdan nilang lumaki ang kanilang apat na anak na babae. Noong 1990 ay tinawag sina Ruben at Nenita sa Philippines Davao Mission, kung saan nila pinamahalaan ang pagtuturo ng ebanghelyo at pangangalaga ng mga missionary. Naglingkod din sila sa komite ng pagrerebyu para sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Tagalog. “Ang ebanghelyo ang pinagmumulan ng lahat ng kaligayahang tinatamasa namin bilang pamilya,” sabi ni Nenita. “Talagang batid ko na ito ang totoong Simbahan.”