Kasaysayan ng Simbahan
Pagpapanatiling Sagrado ng Templo


“Pagpapanatiling Sagrado ng Templo,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas (2019)

“Pagpapanatiling Sagrado ng Templo,” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas

Pagpapanatiling Sagrado ng Templo

Noong 1989 nag-ipon ng pera ang mga Banal sa Solano upang magawa ang walong oras na biyahe papunta sa Manila Philippines Temple. Marami ang nagplano na matanggap ang sarili nilang endowment sa templo; pitong pamilya rin ang nagplano na mabuklod nang magkakasama sa kawalang-hanggan. Nanatiling nakatuon ang mga miyembrong ito sa biyahe kahit na noong isang linggo bago sila umalis ay ibinalita ng gobyerno ang 20 porsyentong pagtaas sa mga presyo ng gasolina. Sa kabila ng nadagdagang halaga ng gastusin at mga ulat ng lumalaking kaguluhan sa Maynila, nagbiyahe sila sa gabi ng Huwebes, Nobyembre 30.

Nang gabing iyon, isang grupo ng mga sundalo ang naglunsad ng isang marahas na rebelyon laban sa pamahalaan. Nang dumating ang mga Banal na taga-Solano sa Maynila noong umaga ng Disyembre 1, malaking bahagi ng lungsod ay nagsara na—ngunit ang temple president, na nahabag sa kanila, ay nagsabi sa mga Banal na bubuksan ng templo para sa kanila. Ipinagdasal ng mga tauhan sa templo na makapagtipon sila ng sapat na mga ordinance worker. Hindi nagtagal ay maraming dumating, kabilang na ang isang sister na naglakad ng walong kilometro papunta sa templo matapos makansela ang biyahe ng bus dahil sa kaguluhan. Pagsapit ng hapon, natanggap ng mga Banal na taga-Solano ang lahat ng kanilang mga ordenansa. Nang sumakay sila sa kanilang jeepney upang maglakbay pauwi, may nagputukan na maliliit na baril at narinig ang mga mortar na kanyon sa di-kalayuan.

Noong gabi ng Biyernes, Disyembre 1, si Dignardino Espi, ang direktor ng seguridad ng templo, ay dumating upang bantayan ang complex kasama ang dalawang iba pang mga guwardya na sina Remigio Julian at Felipe Ramos. Ang kapaligiran, paggunita ni Espi, ay “puno ng tensiyon” habang ang mga ulat ng mga labanan sa pagitan ng mga rebelde at sundalo ng pamahalaan na mga 400 metro lamang ang layo ay malabong naririnig mula sa isang maliit na radyo sa guardhouse. Sa buong magdamag, nag-alala ang mga bantay kung paano mapapanatili ang “kasagraduhan ng templo at ng kapaligiran nito” kung mas lalapit ang hidwaan.

Kinabukasan, nangyari nga ito. Nanood sina Espi, Julian, at Ramos habang ang isang tangke ng mga rebelde ay bumangga sa barikada ng pamahalaan sa kalsada sa pagitan ng templo at ng kalapit na base militar. Bumaba sa bakuran ng templo ang mga rebeldeng sundalo, ngunit nakumbinsi sila ni Espi na sumilong sa mga gusali sa paligid ng templo sa halip na sa templo mismo. Hindi nagtagal ay nagsimula na ang paglusob ng gobyerno sa mga rebelde mula sa ere. Nagbabalita si Espi sa mga lider ng Simbahan tungkol sa sitwasyon gamit ang telepono at sinabihan siya na unahin ang sarili niyang kaligtasan sa halip na ang gusali. Hindi nagtagal, naputol ang mga linya ng telepono.

Pagsapit ng Linggo ng umaga ay nag-ayuno ang mga bantay at nagdaos ng panalangin habang ang mga pag-atake sa bakuran ng templo mula sa ere ay nagpatuloy. Ang mga miyembro ng Simbahan sa buong Pilipinas ay nag-ayuno rin at nanalangin para sa templo, gayundin ang mga pinuno ng Simbahan sa Salt Lake Temple. Gayunman, nang gabing iyon, nakinig si Espi habang nabibigo ang mga negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at mga rebelde sa bakuran ng templo. Narinig niya ang kumander ng mga rebelde na sinabihan ang kanyang mga kawal na maghanda para sa huling labanan—ngunit nagpatuloy sa pagdarasal si Espi na magbago ang isip ng lalaking ito. “Sa magdamag naming pagbabantay, wala kaming narinig na kahit anong pagsabog o putok ng baril,” paggunita ni Espi. “Nadarama naming ang kapayapaan ay nananaig sa buong templo at sa mga kapaligiran nito.”

Kinaumagahan ay natuklasan ni Espi at ng iba pang mga guwardya sa templo na ang mga rebelde ay tahimik na umatras noong gabi. Ang mga mortar, kanyon, at putok ng baril ay nakagawa ng malaking pinsala sa pabahay para sa mga bisita ng templo, ngunit ang mismong templo ay hindi nasira.