“‘Upang Makabangon Tayo … Nang Sama-sama,’” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas (2019)
“‘Upang Makabangon Tayo … Nang Sama-sama,’” Mga Kasaysayan mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo: Pilipinas
“Upang Makabangon Tayo … Nang Sama-sama”
Noong Nobyembre 2013, si Henry Patalinghug ay nagtatrabaho kasama ang iba pang boluntaryong karpinterong Banal sa mga Huling Araw upang tulungan ang mga tao sa isla ng Bohol na muling bumangon matapos ang nakapipinsalang lindol. Habang naroon, nalaman nila na isang napakalakas na bagyo ang patungo sa Pilipinas. Ang bagyong kilala bilang Yolanda sa Pilipinas at bilang Haiyan sa buong daigdig ay inaasahang magiging isa sa mga pinakanakapipinsala sa kasaysayan ng bansa.
Mabilis na nagtrabaho ang mga Banal sa mga Huling Araw upang maghanda para sa kalamidad. Mahigit 14,000 katao ang naghanap ng masisilungan sa 200 meetinghouse sa inaasahang landas ng bagyo. Ngunit kahit sa mga miyembro ng Simbahan, mahirap iparating ang anunsiyo sa lahat ng tao. Sa Tacloban, nasa bahay pa si Analyn Esperas habang naghihintay sa kanyang asawang si Gemmer na pauwi mula sa trabaho nang humagupit ang bagyo. Winasak ng hangin at tubig ang bahay at tinangay si Analyn at ang kanyang anim na taong gulang na anak na babae na si Annammer sa isang bukirin. Sa kabila ng mga pagtatangka ni Analyn na ikapit sa kanya ang kanyang anak, tinangay ng tubig ang bata.
Ginalugad kalaunan ni Gemmer ang lugar kung saan dating nakatayo ang kanyang tahanan at natagpuan ang labi ng kanyang anak. Matapos itong ilibing, tinipon niya ang mga tagpi-tagping yero para gawing pansamantalang masisilungan, ngunit ang mga butas sa metal ay naglantad sa mga Esperas sa hangin at ulan. Hindi na sila makatulog nang gabing iyon hanggang sa natagpuan sila ni Joy Operio, isang tagapayo sa bishopric ng kanilang ward, at sinamahan sila papunta sa meetinghouse upang sumilong.
Ang mga pamilyang nawalan ng tahanan tulad ng mga Esperas ay kalaunang sumama sa iba pang mga miyembro ng Simbahan sa pagtulong. Agad na sumali si Gemmer sa isang programa ng Simbahan para sa pagsasanay sa ilalim ng mga bihasang karpintero habang itinatayo ang kanyang sariling tahanan, at pagkatapos ay ang siyam na tahanan para sa iba pa, mula sa mga materyal na ibinigay. Nang matapos ang programa, tumanggap siya ng sertipiko sa pagkakarpintero na nagtulot sa kanyang makahanap ng trabaho sa tuluy-tuloy na mga gawain ng muling pagtatayo ng mga gusali. Si Jenalyn Barantes, na ang bahay ay nawasak din, ay nagsabi, “natuto akong makipagtulungan sa mga nangangailangan din dito upang makabangon kami … nang sama-sama.” Tumulong din ang iba: ang mga boluntaryo ng Mormon Helping Hands sa Pilipinas, tulad ng asawa ni Henry Patalinghug na si Russel na nagbalot ng mga bag na may suplay para sa mga taong nawalan ng tahanan dahil sa bagyo. Bumili ang Simbahan ng mga suplay, mula sa loob ng Pilipinas hangga’t maaari, at ipinadala ang mga ito sa mga apektadong lugar.
Bukod pa sa pisikal na pinsala ng bagyo, kinailangang madaig ng mga miyembro ng Simbahan ang emosyonal na pinsalang iniwan nito. Habang nasa programa ng pagkakarpintero, tinanggap ni Gemmer ang tawag sa Simbahan na maglingkod sa mga kabataan sa kanyang ward sa gitna ng mahirap na panahong ito. Paglipas ng panahon, siya at si Analyn ay naglakbay patungo sa Cebu City Philippines Temple, kung saan sila ibinuklod sa kanilang anak na babae. “Labis ang pag-iyak ko,” sabi ni Gemmer, “nang malaman namin na makakasama namin si Annammer balang-araw.” Noong pagbubuklod ay nadama ni Analyn ang presensya ng kanilang anak sa silid at napanatag siya sa wakas pagkatapos ng bagyo. Ang karanasang iyon, sabi niya, “ay nag-alis ng mga bangungot sa buhay ko.”