Kasaysayan ng Simbahan
Pagsasalin ng Aklat ni Abraham


“Pagsasalin ng Aklat ni Abraham,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pagsasalin ng Aklat ni Abraham”

Pagsasalin ng Aklat ni Abraham

Kinikilala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang aklat ni Abraham bilang banal na kasulatan. Sinusunod ng aklat na ito, na isang talaan ng propeta at patriarch na si Abraham, ang salaysay ng Biblia ngunit nagdaragdag ng mahalagang impormasyon tungkol sa buhay at mga turo ni Abraham.

larawan ng kapirasong papyrus

Kapirasong papyrus, na minsang nasa pag-iingat ni Joseph Smith, na kinabibilangan ngayon ng Aklat ni Abraham, Paksimile 1.

Ang aklat ni Abraham ay lumitaw mula sa isang set ng kakaibang mga pangyayari sa kasaysayan. Noong tag-init ng 1835, isang negosyanteng nagngangalang Michael Chandler ang dumating sa headquarters ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, na may dalang apat na Egyptian mummy at maraming scroll o balumbon ng papyrus.1 Isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland ang bumili sa mga artifacts para sa Simbahan. Matapos suriin ni Joseph Smith ang papyri at simulan ang “pagsasalin ng ilan sa mga titik o hiroglipiko,” binanggit sa kanyang kasaysayan na, “ang laking tuwa [namin] na malaman na ang isa sa mga roll o balumbon ay naglalaman ng mga isinulat ni Abraham.”2

Ginawa ni Joseph Smith ang pagsasalin ng aklat ni Abraham noong tag-init at taglagas ng 1835, kung kailan natapos niya ang di kukulangin sa unang kabanata at bahagi ng ikalawang kabanata.3 Sumunod na binanggit sa kanyang journal ang pagsasalin ng papyri noong tagsibol ng 1842, matapos lumipat ang mga Banal sa Nauvoo, Illinois. Lahat ng limang kabanata ng aklat ni Abraham, kasama ang tatlong paglalarawan (na kilala ngayon bilang paksimile 1, 2, at 3), ay inilathala sa Times and Seasons, ang pahayagan ng Simbahan sa Nauvoo, sa pagitan ng Marso at Mayo 1842.4

Ipinahihiwatig ng ilang katibayan na pinag-aralan ni Joseph ang mga karakter o titik sa papyri at sinubukang pag-aralan ang wika ng mga taga-Egipto. Iniuulat sa kanyang kasaysayan na noong Hulyo 1835 siya ay “patuloy sa pagsasalin ng alpabeto sa Aklat ni Abraham, at inaayos ang gramatika ng wika ng mga taga-Egipto gaya ng sinusunod ng mga tao noong unang panahon.”5 Ang “gramatika” na ito, gaya ng tawag dito noon, ay binubuo ng mga hanay ng hieroglyphic character na may kasunod na mga salin sa wikang Ingles na nakatala sa malaking notebook na gawa ng eskriba o tagasulat ni Joseph na si William W. Phelps. Ang isa pang manuskrito, na isinulat nina Joseph Smith at Oliver Cowdery, ay may mga Egyptian character na may kasunod na mga paliwanag.6 Ang kaugnayan ng mga dokumentong ito sa aklat ni Abraham ay hindi lubusang nauunawaan.

Pagkatapos lisanin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Nauvoo, ang mga Egyptian artifact ay naiwan doon. Ipinagbili ng pamilya ni Joseph Smith ang papyri at ang mga mummy noong 1856. Naniniwala ang mga historian na ang karamihan sa papyri ay nasira sa Great Chicago Fire o malaking sunog sa Chicago noong 1871. Sampung fragment o mga piraso na minsang pag-aari ni Joseph Smith ang napunta sa Metropolitan Museum of Art sa New York City.7 Noong 1967, inilipat ng museo ang mga fragment o pirasong ito sa Simbahan.8 Ang mga Mormon at di-Mormon na mga Egyptologist ay sumasang-ayon na ang mga karakter o titik sa mga fragment ay hindi tugma sa pagsasalin na nasa aklat ni Abraham, bagaman hindi nagkakaisa, maging ang di-Mormon na mga iskolar, tungkol sa wastong kahulugan o interpretasyon ng mga vignette sa mga fragment o pirasong ito.9

Hindi ipinaliwanag ng Panginoon o maging ni Joseph Smith ang paraan ng pagsasalin ng aklat ni Abraham. Nakasaad sa mga talaan na inaral ni Joseph at ng iba pa ang papyri at naniwala ang mga mapagmasid na ang pagsasalin ay dumating sa pamamagitan ng paghahayag. Gaya ng napansin ni John Whitmer, “Nakita ni Joseph na Tagakita ang [mga]Talaan na ito at sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo ay maisasalin ang mga talaan na ito.”10

Malamang na walang-saysay na suriin ang kakayahan ni Joseph na magsalin ng mga papyrus kung kaunti lamang sa kanyang mga papyrus ang nasa atin ngayon. Binanggit ng mga saksi ang tungkol sa “isang mahabang balumbon” o maraming “rolyo” ng papyrus.11 Dahil mga fragment o piraso na lang ang natira, malamang na karamihan sa mga papyrus na na-access ni Joseph nang isalin niya ang aklat ni Abraham ay hindi kasama sa mga fragment o pirasong ito.

Ang pag-aaral ni Joseph sa papyri ay maaaring humantong sa pagkatanggap ng isang pahayag tungkol sa mahahalagang pangyayari at mga turo sa buhay ni Abraham, kahit na nakatanggap siya noong una ng paghahayag tungkol sa buhay ni Moises habang pinag-aaralan ang Biblia. Ang pananaw na ito ay ipinapalagay na mas malawak na kahulugan ng mga salitang tagapagsalin at pagsasalin.12 Sang-ayon sa pananaw na ito, ang pagsasalin ni Joseph ay hindi literal na salin ng papyri, tulad ng nakagawiang pagsasalin. Sa halip, ang pisikal na mga artifact ay nagbigay ng pagkakataon para sa pagninilay, pagmumuni, at paghahayag. Ginawa nilang posible ang isang proseso kung saan ibinigay ng Diyos kay Joseph Smith ang paghahayag tungkol sa buhay ni Abraham, kahit na ang paghahayag na iyon ay hindi direktang nauugnay sa mga karakter na nasa papyri.13

Ang katotohanan at kahalagahan ng aklat ni Abraham ay hindi masasagot ng masusing debate hinggil sa pagsasalin ng aklat. Ang katayuan ng aklat bilang banal na kasulatan ay nakasalalay sa mga walang-hanggang katotohanan na itinuturo nito at sa mabisang diwa na hatid nito. Sa huli ang katotohanan ng aklat ni Abraham ay matatagpuan sa pamamagitan ng masusing pag-aaral ng mga turo nito na may kasamang taimtim na panalangin at pagpapatibay ng Espiritu.

Mga Kaugnay na Paksa: Joseph Smith Translation of the Bible, Book of Mormon Translation

Mga Tala

  1. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume B-1 [1 September 1834–2 November 1838],” 596, josephsmithpapers.org.

  2. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume B-1 [1 September 1834–2 November 1838],” 596.

  3. Brian M. Hauglid, A Textual History of the Book of Abraham: Manuscripts and Editions (Provo, Utah: Maxwell Institute, 2010), 6, 84, 110.

  4. Joseph Smith journal, Mar. 8–9, 1842, sa Journal, December 1841–December 1842, 89, josephsmithpapers.org; “A Fac-Simile from the Book of Abraham” at “A Translation,” Times and Seasons, Mar. 1, 1842, 703–6, josephsmithpapers.org; “The Book of Abraham,” Times and Seasons, Mar. 15, 1842, 719–22, josephsmithpapers.org; at “A Fac-Simile from the Book of Abraham” at “Explanation of Cut on First Page,” Times and Seasons, Mayo 16, 1842, 783–84.

  5. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume B-1 [1 September 1834–2 November 1838],” 597.

  6. Ang mga transcription at digital images ng mga manuskritong ito, na kilalang lahat bilang “Kirtland Egyptian Papers,” ay matatagpuan sa “Book of Abraham and Egyptian Material,” josephsmithpapers.org.

  7. John Gee, A Guide to the Joseph Smith Papyri (Provo, Utah: Foundation for Ancient Research and Mormon Studies, 2000), 2. Ang mga fragment o piraso ay kilalang bahagi ng papyri na pag-aari ng Simbahan dahil nakakabit ito sa papel na may mga talaan ng mga Mormon noong una, na tugma sa mga paglalarawan ngayon ng displey ng papyri.

  8. Jay M. Todd, “New Light on Joseph Smith’s Egyptian Papyri,” Improvement Era, Peb. 1968, 40–41. Isa pang fragment o piraso ang matatagpuan sa Church Historian’s Office noong panahon din ng pagkatuklas sa Metropolitan, na 11 fragment o piraso sa kabuuan.

  9. Kerry Muhlestein, “Egyptian Papyri and the Book of Abraham: A Faithful, Egyptological Point of View,” at Brian M. Hauglid, “Thoughts on the Book of Abraham,” kapwa sa Robert L. Millet, ed., No Weapon Shall Prosper: New Light on Sensitive Issues (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2011), 217–58. Sa kakulangan ng pagkakaisa sa mga Egyptologist, tingnan halimbawa sa, John Gee, “A Method for Studying the Facsimiles,” FARMS Review, vol. 19, no. 1 (2007), 348–51, at Hugh Nibley, The Message of the Joseph Smith Papyri: An Egyptian Endowment, 2nd ed. (Provo, Utah: Foundation for Ancient Research and Mormon Studies, 2005), 51–53. Para sa pagsasalin ng at komentaryo tungkol sa mga fragment o piraso, tingnan sa Michael D. Rhodes, Books of the Dead Belonging to Tschemmin and Neferirnub: A Translation and Commentary (Provo, Utah: Maxwell Institute, 2010); Michael D. Rhodes, The Hor Book of Breathings: A Translation and Commentary (Provo, Utah: Foundation for Ancient Research and Mormon Studies, 2002); at Nibley, Message of the Joseph Smith Papyri, 34–50.

  10. “John Whitmer, History, 1831–ca 1837,” 76, josephsmithpapers.org.

  11. Hauglid, Textual History of the Book of Abraham, 213–14, 222.

  12. Richard Lyman Bushman, “Joseph Smith as Translator,” sa Believing History: Latter-day Saint Essays, inedit ni Reid L. Neilson at ni Jed Woodworth (New York: Columbia University Press, 2004), 233–47; Nibley, Message of the Joseph Smith Papyri, 51–59.

  13. Sa paghahalintulad, ang Biblia ay tila palaging pinagsisimulan ng mga paghahayag kay Joseph Smith tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang tao noong unang panahon. Halimbawa, ang pag-aaral ni Joseph sa aklat ng Genesis, ay nagpasimula ng mga paghahayag tungkol sa buhay at mga turo nina Adan, Eva, Moises, at Enoc, na matatagpuan ngayon sa aklat ni Moises.