“Emmeline B. Wells,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Emmeline B. Wells”
Emmeline B. Wells
Isinilang sa Petersham, Massachusetts, noong 1828, si Emmeline Blanche Woodward ay nagpakita ng malaking potensyal sa husay sa pagsusulat noong nagsimula siyang mag-aral. Noong siya ay 14 na taong gulang, ang kanyang ina at dalawang nakababatang kapatid na babae ay sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nakipagbuno si Emmeline sa sarili niyang desisyon kung susunod siya o hindi. Natakot siya sa matinding oposisyon sa Simbahan sa kanilang komunidad ngunit nahikayat sa mensahe ng Panunumbalik. Pinili niyang mabinyagan sa isang nagyeyelong batis noong Marso 1842.1 Matapos tapusin ang kanyang pag-aaral at magturo ng isang semestre, pinakasalan ni Emmeline si James Harvey Harris at lumipat kasama ang pamilya Harris sa Nauvoo. Nang umibis siya mula sa bapor sa Nauvoo noong Mayo 1844, naroroon si Joseph Smith upang salubungin ang mga bagong dating. “Ang tanging bagay na nagpuno sa aking kaluluwa,” kalaunan ay isinulat niya, “ay, na nakita ko ang propeta ng Diyos.”2
Noong mga sumunod na buwan ay lubhang nasubukan ang katapatan at lakas ni Emmeline: pinaslang si Joseph Smith, huminto sa paniniwala sa Simbahan ang pamilya Harris, ang panganay na anak ni Emmeline ay kaagad pumanaw matapos isilang, at ang asawa niya, si James, ay nilisan ang Nauvoo upang humanap ng trabaho at hindi na bumalik. Nakatagpo ng suporta si Emmeline sa mga Banal sa Nauvoo, lalo na sa pamilya nina Newel K. at Elizabeth Ann Whitney. Noong 1845 ay nabuklod siya bilang isa sa mga maramihang asawa kay Newel, pagkatapos ay tinawid ang mga kapatagan kasama ng mga Whitney. Gayunman, si Newel, ang ama ng dalawang pinakamatandang anak na babae ni Emmeline, ay pumanaw noong 1850. Ipinakita ni Emmeline ang kanyang malayang saloobin sa pag-aalok ng kasal at pagpapakasal kay Daniel H. Wells (kalaunan ay naging tagapayo ni Brigham Young sa Unang Panguluhan) bilang ikatlong pangmaramihang asawa nito.3 Nagkaroon sila ng tatlong anak na babae. Itinala niya sa kanyang journal ang mga hamon sa pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa kasama ang isang lalaking may mga responsibilidad sa komunidad at sa Simbahan na nakakaubos ng oras.
Noong 1873, matapos ang maraming taon ng pag-aaruga sa kanyang pamilya, sinimulan ni Emmeline ang isang karera sa pamamahayag sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga artikulo para sa bagong tatag na Woman’s Exponent. Pagsapit ng 1875 ay naging katuwang na patnugot siya ng Exponent at hindi nagtagal ay naging punong patnugot nito. Sa loob ng apat na dekada sa Exponent, naglalathala ng mga editoryal, ulat, tula, at mga talambuhay ng maraming kababaihan, binigyang-inspirasyon ni Emmeline kapwa ang mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw at kababaihan ng ibang relihiyon, isinusulong kapwa ang mga layuning panlipunan at panrelihiyon. Inilathala rin niya ang kanyang mga tinipong tula sa isang aklat na tinatawag na Musings and Memories.
Sa pamamagitan ng kanyang gawa sa Exponent, nakilala nang husto ni Emmeline ang mga lider ng mga Relief Society, Young Ladies’ Mutual Improvement Assoaciation, at Primary. Naglakbay siya kasama nila sa buong teritoryo, nagtuturo at nagsasanay ng mga lokal na lider. Noong 1876 ay hinirang siya ni Brigham Young upang pamunuan ang programa sa pag-iimbak ng butil sa buong Simbahan.4 Masigla rin siyang lumahok sa pambansang kilusan para sa mga karapatan ng kababaihan na bumoto, bumubuo ng pakikipag-ugnayan sa mga lider na tulad nina Susan B. Anthony at Elizabeth Cady Stanton. Nakipagtulungan siya sa National at International Council of Women, na kinakatawan ang mga organisasyon ng kababaihan mula sa Kanluran.5 Noong panahon ng kanyang pampublikong gawain ay nakipagkita siya sa anim na pangulo ng Estados Unidos.6 Sa kanyang talaarawan ay isinulat niya noong 1878, “nais kong gawin ang lahat sa abot ng aking makakaya upang mapabuti ang kondisyon ng aking mga kababayan, lalo na ng kababaihan.”7
Matapos maorganisa ang lupong sentral ng Relief Society noong 1880, naglingkod si Emmeline bilang kalihim ng tatlong magkakaibang panguluhan. Noong 1910, hinirang siya bilang ikalimang Pangkalahatang Pangulo ng Relief Society, at noong 1913, sa ilalim ng pamumuno ni Wells, itinatag ng pangkalahatang lupon ng Relief Society ang salawikaing “ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang.”8 Naglingkod si Emmeline bilang pangulo hanggang sa bago siya pumanaw noong 1921.
Mga Kaugnay na Paksa: Relief Society, Mga Organisasyon ng Young Women, Primary, Mga Peryodiko ng Simbahan, Karapatang Bumoto ng Kababaihan