“Mga Saksi ng Aklat ni Mormon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Saksi ng Aklat ni Mormon”
Mga Saksi ng Aklat ni Mormon
Ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon ay may dalawang pahayag ng patotoo: ang isa ay isinulat ng isang grupo ng tatlong saksi at ang isa naman ay sa isang grupo ng walong saksi. Ang tatlong saksi (sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris) ay nagpahayag na isang anghel ng Diyos ang nagpakita sa kanila at ipinakita sa kanila ng mga lamina ng Aklat ni Mormon at narinig nila ang tinig ng Panginoon na nagsasabing ang pagsasalin ni Joseph Smith ay nagawa “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.” Ang karanasang ito ay naganap noong Hunyo 1829 malapit sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette, New York. Ang karagdagang walong saksi (mga miyembro ng mga pamilyang Smith at Whitmer)1 ay nagpahayag na ipinakita mismo ni Joseph Smith sa kanila ang mga lamina at pinayagan ang bawat isa sa kanila na “mahawakan” ang sinaunang artifact at suriin ang mga nakaukit dito. Ang ilan pang tao ay may direktang karanasan sa mga lamina o kaya ay nasaksihan ang pagsasalin ni Joseph Smith ng Aklat ni Mormon.2
Iba Pang mga Saksi ng mga Lamina
Naaalala ng mga miyembro ng pamilya Smith na kanilang tinulungan si Joseph na ilipat o itago ang mga lamina mula sa kanyang mga kaaway. Kalaunan, sinabi ng nakababatang kapatid na babae ni Joseph na si Katherine sa kanyang asawa na minsan ay sinubukan niyang buhatin ang laminang nakabalot sa tela, na nasa mesa, ngunit napakabigat ng mga ito. Naalala ng kapatid ni Joseph na si William na nakita ng buong pamilyang bitbit ni Joseph ang mga lamina na nakalagay sa sako at nakapa niya ang hugis nito. Ang asawa ni Joseph na si Emma ay sinabi sa kanyang anak na lalaki na nakapa niya ang mga gilid ng mga pahina ng lamina, bagama’t hindi niya nakita ang mga lamina. Tinanong minsan si Lucy Mack Smith ng kanyang kapitbahay sa Ohio, na si Sarah Bradford Parker, kung nakita ba ni Lucy ang mga lamina. Ayon kay Parker, sumagot si Lucy na “hindi nararapat sa kanya na makita ang mga ito, ngunit nakapa at nahawakan niya ang mga ito.”3 Bukod pa rito, nagpaunlak sina David at John C. Whitmer sa ilang interbyu noong 1877 hanggang 1888 kung saan sinabi nila na nagpakita ang isang anghel sa kanilang inang si Mary Whitmer, at ipinakita sa kanya ang mga lamina.4
Ang Pagiging Mapagkakatiwalaan ng Tatlong Saksi
Samantalang ang patotoo ng Walong Saksi ay nagbigay-diin sa pisikal na katotohanan ng mga lamina, ang Tatlong Saksi ay mayroong karagdagang responsibilidad na patotohanan na ang kanilang naging karanasan bilang mga saksi at ang gawain ng pagsasalin ay naging posible lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Isang paghahayag na ibinigay noong Hunyo 1829 ang nagbigay sa Tatlong Saksi ng mga partikular na tagubilin tungkol sa kanilang patotoo sa mga lamina. “Patotohanan na nakita ninyo ang mga ito,” ang utos ng Panginoon, “gaya ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith jr ay nakita ang mga ito sapagkat sa pamamagitan ng aking kapangyarihan niya nakita ang mga ito.” Ipinaliwanag pa ng paghahayag na “iyon ay sa pamamagitan ng inyong pananampalataya na makikita ninyo ang mga ito.”5 Dahil dito, nagpatotoo si David Whitmer na nakita niya ang mga lamina “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”
Noong 1838, isang naghinanakit na miyembro ng Simbahan na nagngangalang Stephen Burnett ang nagsabing itinanggi ni Martin Harris na nakita niya ang mga lamina “ng kanyang likas na mga mata.” Nang binabanggit ang wikang ginamit sa paghahayag, iginiit ni Burnett na ang ibig sabihin ng makakita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay makikita lamang ng mga saksi ang mga lamina sa pamamagitan ng “pangitain o imahinasyon.” Nadama ni Harris na mali ang paliwanag na ito at kaagad niyang nilinaw ang kanyang naunang pahayag. Nang sinisikap na maipaliwanag ang kahanga-hangang karanasan, sinabi niya, ayon kay Burnett, na nakita niya ang mga lamina na para bang “nakakita siya ng isang lungsod sa isang bundok.”6
Naniniwala ang maraming Kristiyano sa panahon ni Harris na mapanganib o imposibleng makita ang mga banal na bagay gamit lamang ang mga pisikal na pandama. Ang paniniwalang ito ay nakabatay sa mga kuwento mula sa Biblia. Halimbawa, sa Lumang Tipan, ang mga Israelita na sumilip sa kaban ng tipan nang walang pahintulot ay nalipol. Ang presensya ng Diyos ay kadalasang nakakubli sa isang tabing o isang ulap ng usok upang maprotektahan ang mga mata ng mga hindi handa sa espirituwal.7 Pinagtibay din ng mga naunang paghahayag ni Joseph Smith na hindi kayang makita ng tao ang Diyos gamit ang kanilang “mga likas na mata” nang hindi namamatay. Gayunman, masasaksihan nila ang kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kanilang “espirituwal na mga mata” kung sila ay nagbago o “pinasigla ng Espiritu ng Diyos.”8
Itinuring ni Martin Harris ang karanasan ng mga saksi sa anghel at sa sinaunang talaan bilang banal na karanasang tulad ng mga pangitain ni Joseph Smith. Batid ang mahihigpit na babala sa mga banal na kasulatan, madalas siyang magsalita tungkol sa kakulangang nadama niya noong nasaksihan niya ang mga lamina. Sa paglipas ng mga taon, gumamit siya ng iba’t ibang parirala upang ilarawan ang kanyang pambihirang karanasan. Kapag hiniling ng iba’t ibang mga taong nag-interbyu sa kanya na linawin kung talaga bang nakita niya ang mga lamina, binabanggit niya na nakita niya ang mga ito sa kanyang mga “espirituwal na mata,” na binibigyang-diin ang pagiging kakaiba at sagrado ng karanasan, at gayun din ng kanyang mga pisikal na pandama.9 “Tulad ng katotohanang nakatayo ka riyan at nakikita ako,” iginiit niya minsan, “gayun din katotoong nakita ko ang anghel na hawak ang mga laminang ginto.”10 Inilarawan din ni David Whitmer ang espirituwal at pisikal na aspeto ng karanasan ng mga saksi. “Siyempre kami ay nasa espiritu nang makita namin ito, dahil walang tao ang makakakita sa mukha ng anghel, maliban sa espirituwal,” paliwanag niya, at idinagdag na, “ngunit kami pa rin ay nasa katawan, at lahat ay likas sa amin, gaya ng sa anumang oras.”11
Bawat isa sa Tatlong Saksi ay paulit-ulit na nagpatotoo tungkol sa kanilang karanasan sa mga inilathalang pahayag, interbyu, at mga pribadong pag-uusap. Hindi lahat ng nakatalang mga salaysay ng mga saksi ay maaasahang mapagkukunan. Ang ilan ay bunga ng mga interbryu ng mga taong kumakalaban sa patotoo ng mga saksi. Ang ilan ay naitala pagkaraan ng ilang taon o dekada matapos itong ibigay. Bagama’t may pagkakaiba sa ilang mga detalye ang ulat tungkol sa kanilang mga pahayag, karaniwang pare-pareho ang mga ito at mahigpit na nakaayon sa tagubilin ng paghahayag.12
Sa kabila ng kanilang mga hindi pagkakaunawaan kay Joseph Smith na humantong sa pag-alis ng Tatlong Saksi sa Simbahan (sina Cowdery at Harris ay bumalik kalaunan), patuloy nilang pinanindigan ang kanilang patotoo bilang mga saksi sa buong buhay nila.13 Bagama’t ilan sa Walong Saksi ay lumayo sa Simbahan kalaunan, bawat isa sa kanila ay pinanindigan din ang kanilang patotoo na nasuri nila ang mga lamina. Ang pinagsamang bigat ng kanilang mga pahayag, na ibinigay sa loob ng maraming taon at sa kabila ng kanilang pabagu-bagong saloobin tungkol kay Joseph Smith at sa Simbahan, ay isang matibay na patotoo na maaasahan ang kanilang mga inilathalang pahayag sa Aklat ni Mormon.
Mga Kaugnay na Paksa: Pagsasalin ng Aklat ni Mormon, Ang Pagsangguni ni Martin Harris sa mga Iskolar, Anghel Moroni