“Adan-ondi-Ahman,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Adan-ondi-Ahman”
Adan-ondi-Ahman
Nang nagtipon ang mga Banal sa mga Huling Araw upang ilaan ang Kirtland Temple noong 1836, inawit nila ang “Adan-ondi-Ahman,” isang himno ni William W. Phelps at kasama sa bagong-lathalang himnaryo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinagdiwang ng mga titik ang mga turo mula sa mga paghahayag ni Joseph Smith tungkol sa isang lugar na tinatawag na Adan-ondi-Ahman, kung saan ipinagkaloob ni Adan ang kanyang huling basbas sa kanyang mga inapo. Inasam din ng himno ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, kung saan ibabalik ang Adan-ondi-Ahman sa dati nitong kariktan at kaluwalhatian.1
Dalawang taon makalipas, habang naghahanap ng mga lupain kung saan maaaring manirahan ang mga Banal sa Daviess County, Missouri, natagpuan nina Joseph Smith at ng isang grupo ng mga lider ng Simbahan ang isang magandang lugar malapit sa Ilog Grand na may masaganang tubig, mga ligaw na hayop, at madamong mga parang. Nagsasalita tungkol sa isang kilalang burol sa lugar na tinatawag na Spring Hill, ipinaliwanag ng Panginoon sa isang paghahayag na ito ay Kanyang pinangalanan bilang “Adan-ondi-Ahman” dahil “ito ang lugar kung saan si Adan ay darating upang dalawin ang kanyang mga tao.”2
Nagdiwang ang mga Banal sa balitang ito, at hindi nagtagal ay nagsimulang lumipat sa lugar ang maraming pamilya. Ginamit nilang huwaran sa kanilang pamayanan ang mapa ng Sion (ang plano ni Joseph Smith para sa lunsod ng Independence, Missouri) at tumukoy ng isang lokasyon para sa isang templo.3 Inorganisa ng mga lider ang Adan-ondi-Ahman Stake noong 1838, isa sa mga unang stake ng Simbahan.4 Mga dalawang daang mga bahay ang itinayo, subalit ang paninirahan sa Adan-ondi-Ahman ay tumagal lamang ng ilang buwan. Hindi naglaon ay nagkaroon ng karahasan sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at iba pang mga taga-Missouri noong taglagas ng 1838, at ang mga Banal sa Adan-ondi-Ahman ay napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan.
May Kaugnay na Paksa: Digmaang Mormon-Missouri noong 1838, Sion/Bagong Jerusalem, Far West