Belle S. Spafford
Hinirang si Belle Smith Spafford bilang Relief Society General President noong 1945, at sa panahong iyon ay may humigit-kumulang 100,000 miyembro ang organisasyon. Naglingkod siya ng 29 na taon, mas mahaba sa sinumang pangulo sa kasaysayan ng organisasyon. Nang ma-release siya noong 1974, awtomatiko nang isinasali sa Relief Society ang mga adult na babae ng Simbahan at ang bilang ng mga miyembro ay higit isang milyon. Noong panahong ito ng paglago at pagbabago, ipinagpatuloy ni Belle Spafford ang paglahok ng organisasyon sa gawang panlipunan at hinikayat ang kababaihan na maging mga positibong impluwensya sa kanilang mga pamilya at komunidad. “Dapat panatilihin ng kababaihan ang kanilang tradisyunal na tungkulin bilang ilaw ng tahanan at ina,” itinuro niya, “ngunit dapat din nilang tanggapin ang mga bagong responsibilidad sa buhay lipunan.”
Si Marion Isabelle Sims Smith, na kilala sa buong buhay niya sa palayaw na Belle, ay isinilang noong taong 1895 kina Hester at John Smith. Dahil pumanaw ang kanyang ama bago siya ipinanganak, ang kanyang ina ang pangunahing nagpalaki sa kanya. Mula kay Hester, natuto si Belle na madiskarteng gumamit ng kanilang mga pagmamay-ari, nilayong maging matipid ngunit hindi kuripot. Habang nag-aaral sa Brigham Young University, nakilala ni Belle si Earl Spafford, na pinakasalan niya noong 1921. May dalawang anak ang mag-asawa, at noong bata pa ang mga anak nila, ipinagpatuloy ni Belle ang pag-aaral niya sa University of Utah.
Ang karanasan ni Belle Spafford sa pamunuan ng Relief Society ay nagsimula noong dekada ng 1920 sa ward. Noong umpisa ay nag-atubili siyang tanggapin ang kanyang paghirang bilang tagapayo sa panguluhan ng Relief Society ng kanyang ward. Ilang beses niyang iminungkahi sa kanyang bishop na i-release na siya, ngunit matapos pagnilayan ang kahilingan niya, sinabi nito sa kanya na hindi ito nakadama ng espiritwal na kumpirmasyon na dumating na ang panahon. “Mananatili po ako,” sagot niya. “At ititigil ko po ang pagrereklamo ko at gagawin ang makakaya ko.” Kalaunan ay hinirang siya upang maglingkod sa lupon ng Relief Society ng kanyang stake at, noong 1935, maglingkod sa pangkalahatang lupon. Makalipas ang dalawang taon, ang kanyang gawain sa pangkalahatang lupon ay pinalawig upang isama ang kanyang paglilingkod bilang patnugot ng Relief Society Magazine. Kabilang sa kanyang mga tagumpay bilang patnugot ay ang paggamit ng mas malalaking titik para sa mas nakatatandang kababaihan at paglilimbag ng mga artikulo, tula, at maikling kuwento ng maraming kababaihang manunulat na Banal sa mga Huling Araw. Sinuportahan ni Earl si Belle sa kanyang paglilingkod sa simbahan, binigyan ito ng tulong sa tahanan at tiniyak na may gasolina ang kotse nito para sa malayuang paglalakbay upang magampanan ang mga responsibilidad sa Relief Society.
Noong 1942, ang Relief Society General President na si Amy Brown Lyman ay hinirang si Spafford upang maglingkod bilang tagapayo niya. Noong kanyang panahon bilang tagapayo, nagkaroon si Spafford ng malalim na pagmamahal at paghanga kay Lyman, may partikular na paghanga sa katalinuhan at katatagan sa pagharap nito sa mga paghihirap at sa malakas na pamumuno nito sa pagsama ng mga propesyonal na pamamaraan sa gawaing panlipunan at pangkapakanan ng Relief Society .
Sa mga huling buwan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hinirang ng Pangulo ng Simbahan na si Heber J. Grant si Spafford upang humalili kay Lyman bilang General President. Pinanatili ng kanyang bagong panguluhan ang mga propesyonal na pamantayan ng Relief Society sa gawaing panlipunan at pangkapakanan at pinalawig pa ang lisensya nito mula sa estado para sa gawaing panlipunan upang mapabilang ang dalawang karagdagang programa: ang Indian Student Placement Program (1954) at ang Youth Services Program (1956). Naging kasangkapan si Spafford sa pagpasa ng batas sa Utah para bumuo ng mga programa sa unibersidad upang pormal na turuan ang mga social worker.
Sa simula ng kanyang panguluhan, sinimulan ni Spafford ang mga pagsisikap na makalikom ng pera para makapagpatayo ang Relief Society ng sarili nitong gusali ng punong-tanggapan sa Temple Square. Nakatuon sa pagtupad sa ilang dekada nang pangarap ng mga nakaraang Pangkalahatang Panguluhan ng Relief Society, hiniling niya na ang bawat isa sa higit isang daang libong kababaihan sa buong mundo ay mag-ambag ng $5 (halos $86 sa kasalukuyang halaga) para sa pagpapatayo ng gusali. Nangako ang Unang Panguluhan ng Simbahan na mag-aambag ito ng isang dolyar para sa bawat dolyar na malilikom upang maabot ang $1 milyong kinakailangan para sa pagpapatayo ng gusali. Mabilis na dumating ang mga donasyon, at maging ang mga kababaihang hindi kayang mag-ambag ay nagdaos ng mga paglilikom ng pondo upang makuha ang pera, o sa maraming pagkakataon, nagpadala ng mga regalo at mga bagay na gawang kamay mula sa kanilang mga katutubong kultura. Sa loob ng isang taon ay nakalikom ang panguluhan ng $554,016, nalampasan ang kanilang mitihiin na kalahating milyon, at nagdagdag pa ng $100,000 nang inilaan ang gusali noong taong 1956.
Noong panahon ng kanyang katungkulan, nakipagtulungan din si Spafford sa iba pang mga organisasyon. Noong kalagitnaan ng ika-20 siglo ay nakipagtulungan ang Relief Society sa maraming lokal at pambansang organisasyon para sa paglilingkod at kababaihan. Naglingkod si Spafford bilang delegado sa maraming pulong ng International Council of Women at naglingkod bilang pangulo ng National Council of Women ng Estados Unidos mula 1968 hanggang 1970. Naglingkod rin siya sa pambansang komite ng tagapayo ng pangulo ng Estados Unidos ukol sa pagtanda mula 1961 hanggang 1971.
Bilang tugon sa mabilis na pagdami ng mga miyembro at mga alalahanin ng mga pagbabago sa mga kaugaliang katanggap-tanggap sa lipunan, ipinakilala ng pamunuan ng Simbahan ang priesthood correlation program noong dekada ng 1960, na nagdulot ng maraming pagbabago sa Relief Society. Noong mga huling taon ng kanyang paglilingkod, pinangasiwaan ni Spafford ang pagpalit ng hiwalay na paglikom ng pera at badyet para sa Relief Society patungo sa pangkalahatang sistema ng badyet. Sa parehong panahong iyon, ang mga gawaing panlipunan ng Relief Society—kabilang ang pagtulong sa mga dalagang ina at pangangasiwa ng mga pag-aampon kasama ang mga serbisyong panghanapbuhay at pangkalusugan—ay inilipat sa pamamahala ng Presiding Bishop, kung saan ang Relief Society General President ay nasa nangangasiwang komite. Si Spafford, na itinangi ang kanyang gawain sa Relief Society Magazine, ay naabutan ang pagwawakas nito noong 1970 habang ang bagong lathalain, ang Ensign, ang naging magasing babasahin ng lahat ng mga adult na miyembro. Bagama’t itinaguyod ni Spafford ang patuloy na paglilimbag ng magasin para sa kababaihan, sinuportahan niya ang pagbabago matapos magkaroon ng desisyon. “Ang responsibilidad ko ay gawin ang lahat ng makakaya ko upang magtagumpay ito, at ito ang gawaing sinusunod ko,” kalaunan ay wari niya.
Pumanaw si Belle Spafford noong 1982. Ginugunita siya sa kanyang matibay na pananampalataya, maimpluwensyang pamumuno, at malalim na husay sa pagsasalita sa publiko, gayon din sa kanyang pagpapatawa at personal na kabaitan.
Mga Kaugnay na Paksa: Relief Society, Amy Brown Lyman