Kasaysayan ng Simbahan
Sidney Rigdon


“Sidney Rigdon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Sidney Rigdon”

Sidney Rigdon

Noong Oktubre 29, 1830, dalawang bisita ang dumating sa tahanan nina Sidney at Phebe Rigdon. Si Sidney Rigdon ay isang Kristiyanong ministro, at isa sa mga bisita, si Parley P. Pratt, ay dating miyembro ng kanyang kongregasyon na bumalik upang ibahagi sa kanyang guro ang Aklat ni Mormon at balita tungkol sa Panunumbalik. Ang isa naman ay si Oliver Cowdery, na naglingkod bilang tagasulat para sa karamihan sa pagsasalin ng aklat. Bagama’t ang mga Rigdon ay nakatira sa isang tahanan na naitayo sa pamamagitan ng kanilang kongregasyon at mawawala ang tahanan na iyon kung sila ay magpapabinyag sa bagong relihiyon, mapanalangin nilang pinagnilayan ang mensahe ng mga missionary at nabinyagan noong Nobyembre 8. Sa loob ng sumunod na 14 na taon, nagkaroon si Sidney Rigdon ng malaking impluwensya sa Simbahan.

Larawan ni Sidney Rigdon

Larawan ni Sidney Rigdon.

Unang Ministeryo

Bago pa man dumating sina Pratt at Cowdery sa kanyang pintuan bilang mga missionary, inaasam ni Sidney Rigdon ang Panunumbalik ng Kristiyanismo ng Bagong Tipan. Isinilang siya noong 1793 lampas lamang ng Pittsburgh, Pennsylvania, at sinanay bilang isang mangungulti, ngunit dinala siya ng kanyang hilig sa pag-aaral at pangangaral ng salita ng Diyos sa Kristiyanong ministeryo. Noong panahong kanyang pinakasalan si Phebe Brooks noong 1820, sinimulan na niya ang kanyang trabaho sa pangangaral sa mga United Baptist. Agad niyang nakita ang sarili sa loob ng lumalaking impluwensya ng kilusang Reformed Baptist ni Alexander Campbell, na naghangad na ibalik ang mga huwaran ng Kristiyanismo ng Bagong Tipan.

Hinasa ni Sidney Rigdon ang kanyang kakayahan sa pagsasalita sa publiko bilang ministro ng First Baptist Church sa Pittsburgh. Ang interes ni Rigdon sa reporma ay kalaunang nagsanhi ng tunggalian sa mga mas konserbatibong pamunuan ng mga Baptist sa Pittsburgh, at lumipat sila ng kanyang lumalaking pamilya sa hilagang-silangang Ohio, kung saan siya ay naging isang maimpluwensyang mangangaral sa ilang mga county.1 Kaagad siyang pinili upang mamuno ng isang kongregasyon sa isang bayan na tinatawag na Mentor. Binigyang-diin ni Rigdon ang sinaunang kaugaliang Kristiyano, at ilang miyembro ng kanyang kongregasyon ay naglunsad pa ng kanilang sariling pagtatangkang mamuhay na “lahat ng bagay sa pangkaraniwan,” gaya ng inilarawan sa aklat ng Mga Gawa.2

Paglilingkod sa Simbahan

Nang tumigil sina Pratt, Cowdery, at iba pang mga missionary sa Ohio sa kanilang paglalakbay upang mangaral sa mga American Indian na naninirahan sa kanluran ng Missouri, tinanggap ng maraming miyembro ng kongregasyon ni Sidney Rigdon ang kanilang mensahe.3 Pagkatapos ng kanyang sariling binyag, naglakbay si Rigdon patungo sa estado ng New York kasama ang kanyang dating parokyano na si Edward Partridge upang makipagkita kay Joseph Smith.4

Ang malawak na kaalaman ni Rigdon sa Biblia at mabisang pangangaral ay nakatulong na pangalagaan ang bata pang Simbahan. Nagsilbi rin si Rigdon bilang tagasulat ni Joseph Smith sa kanyang inspiradong rebisyon ng Biblia at naging paksa ng ilang unang paghahayag. Nang unang itinatag ang Unang Panguluhan ng Simbahan, tinawag si Rigdon bilang tagapayo ni Joseph. Noong Pebrero 1832, magkasamang nakaranas sina Sidney at Joseph ng isang mahalagang pangitain tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian, at ang kanilang tala tungkol dito ay naglalaman ng malakas na pinagsamang patotoo tungkol kay Jesucristo.5 Noong sumunod na buwan, kinaladkad ng mga mandurumog sina Sidney at Joseph mula sa kanilang mga tahanan at pagkatapos ay marahas silang sinaktan at binuhusan ng alkitran at balahibo.

Namuno si Sidney Rigdon sa mga Banal sa Kirtland habang nasa malayo ang ilang lider ng Simbahan sa ekspedisyon ng Kampo ng Sion, tinulungan silang isulat ang Lectures on Faith na ibinigay sa Paaralan ng mga Propeta, nagsalita sa paglalaan ng Kirtland Temple, at isang mahalagang bahagi sa pagtatatag ng Kirtland Safety Society.6 Noong 1838, lumipat siya sa Missouri kasama ni Joseph Smith. Sa isang talumpati noong ikaapat ng Hulyo, ipinahayag niya na ang mga Banal ay lalaban sa anumang mga mandurumog na mang-aapi sa kanila, na nagpaigting ng tensyon sa pagitan ng mga miyembro ng Simbahan at kanilang mga kapitbahay. Kalaunan ay ibinilanggo siya kasama si Joseph sa Liberty, Missouri.

Pagtutunggali at Pagbabago

Matapos ang paglipat ng mga Banal sa Nauvoo, ang ugnayan ni Sidney Rigdon kay Joseph Smith kung minsan ay naging mahirap. Pinaratangan ni Joseph si Rigdon ng pagpapabaya sa kanyang mga tungkulin bilang tagapayo ni Joseph, ng pagtulong sa mga kaaway ng Simbahan, at “d[in]adaya ang walang malay.” Noong Agosto 1843, tinuligsa ni Joseph si Rigdon at hiniling sa kongregasyon na suportahan siya sa pagbawi ng pakikipagkapatiran sa kanyang tagapayo. Sa sumunod na kumperensya ng Simbahan noong Oktubre, atubiling pumayag si Joseph na panatilihin si Rigdon bilang kanyang tagapayo kung kanyang “gagampanang mabuti ang kanyang tungkulin, at lumakad at ugaliin sa kanyang sarili ang lahat ng katapatan, kabutihan, at integridad.”7

Sa kabila ng mga pagkakahati-hating ito, pinili si Rigdon na tumakbo bilang kandidato ni Joseph Smith sa pagka-bise presidente noong pampanguluhang eleksyon ng 1844 sa Estados Unidos. Gayunman, naudlot ang kampanya noong Hunyo 1844, nang paslangin ng mga mandurumog si Joseph. Nagmadaling bumalik si Rigdon sa Nauvoo mula sa Pittsburgh, kung saan siya nakatira, at inaangkin ang karapatang kumilos bilang isang “tagapag-alaga” ng Simbahan dahil wala na si Joseph.8 Bilang tugon, idineklara ni Brigham Young na ibinigay ni Joseph sa Korum ng Labindalawang Apostol ang lahat ng mga susi at ordenansa na kailangan upang pamunuan ang Simbahan mula noon. Ang karamihan ng mga Banal sa Nauvoo ay bumoto upang sang-ayunan ang pamumuno ng Labindalawa.

Bagama’t ang mga miyembro ng Labindalawa ay sumubok na makipag-ugnayan kay Rigdon, tumanggi itong tanggapin ang kanilang pamumuno, itiniwalag mula sa Simbahan noong Setyembre 1844, at pagkatapos ay bumalik sa Pittsburgh. Doon ay bumuo siya ng isang hiwalay na simbahan. Ang kanyang Church of Christ ay tumagal lamang hanggang 1847, nang ang hindi pagkakasundo sa loob nito at isang bigong propesiya ng Ikalawang Pagparito ni Cristo ang naging dahilan upang mabuwag ang organisasyon. Kasama si Stephen Post, kalaunan ay bumuo si Rigdon ng isa pang samahan na tinawag na the Church of Jesus Christ of the Children of Zion, na pinamunuan niya hanggang sa kanyang kamatayan noong 1876.9