Kasaysayan ng Simbahan
Kirtland, Ohio


“Kirtland, Ohio,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Kirtland, Ohio”

Kirtland, Ohio

Kirtland, Ohio, ang lugar ng maraming makabuluhang kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan noong una. Habang naninirahan sa loob at sa paligid ng Kirtland, tumanggap si Joseph Smith ng mga paghahayag na nagpaparating ng mahahalagang tagubilin na kailangan sa pagtatatag ng Simbahan. Sa Kirtland, inorganisa ni Joseph Smith ang mga katungkulan at mga korum ng priesthood, at itinayo ng mga Banal ang unang templo.

inukit na larawan sa labas ng Kirtland Temple at mga gusali sa paligid

Isang ika-19 na siglong inukit na larawan sa Kirtland, Ohio.

Noong Disyembre 1830, tinukoy ng isang paghahayag kay Joseph Smith “ang Ohio” bilang unang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal.1 Sa pagsisimula ng taong iyon, sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, at ang iba pa ay nagbinyag ng maraming tao na kabilang sa mga kongregasyon na pinamunuan ni Sidney Rigdon malapit sa Kirtland. Ang mga unang conversion na ito ay nakaragdag nang malaki sa Simbahan at kinabilangan ng kalalakihan at kababaihang gaganap ng mahahalagang papel sa kasaysayan ng Simbahan.2

Ang Kirtland, Ohio, ay isa sa dalawang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal noong 1830s. Nagtipon din ang maraming Banal sa Missouri, ngunit dahil nakatira si Joseph Smith at ang kanyang pamilya sa Ohio sa malaking bahagi ng dekada, ang Kirtland ay nagsilbing headquarters ng Simbahan. Karamihan ng mga paghahayag na natanggap sa Kirtland ay ibinigay sa mga tahanan kung saan tumira ang pamilya Smith.3 Marami sa mga paghahayag na ito ay unang inilathala sa Kirtland kasama ang unang himnaryo at ilang bahagi ng inspiradong rebisyon ni Joseph Smith sa Biblia na matatagpuan ngayon sa Mahalagang Perlas.4

Noong ibinabalita na ang Kirtland ay magiging lugar ng pagtitipon, nangako ang Panginoon na ibibigay Niya sa mga Banal sa Kirtland ang Kanyang “batas” at pagkakalooban sila ng “kapangyarihan mula sa kaitaasan.”5 Nang nasa Kirtland na, inihayag ng Panginoon ang batas ng paglalaan—isang prinsipyo ng ekonomiya kung saan ipinagbili ng mga kalahok ang kanilang ari-arian sa Simbahan, tumanggap ng stewardship o pangangasiwaan para matustusan ang kanilang sarili, at ibinigay na donasyon ang sobra para suportahan ang mga maralita.6 Nakatulong ang batas na ito sa pagdalisay ng puso’t isipan ng mga Banal sa paghahanda para sa mga ipinangakong pagkakaloob ng kapangyarihan.

Ginunita ni Lucy Mack Smith na kahit noong itinatayo ito, ang Kirtland Temple ang “palaging nasa isip namin.”7 Ang mga Banal ay nagbigay ng kanilang oras at kabuhayan sa pagtatayo ng templo. Gumawa ang mga tao para itayo ang mga pader ng templo, at ang kababaihan ay bumuo ng mga grupo para manahi ng mga damit para sa mga lalaking nagtatrabaho sa templo.8 Ang mga bata ay nakibahagi rin sa gawain sa pamamagitan ng pagkolekta ng itinapon na basag na mga porselanang plato, baso, at iba pa para i-plaster at idikit ito sa mga pader sa labas ng templo.9

Ang pagtatayo ng templo ay sinabayan ng patuloy na espirituwal na paghahanda. Inorganisa ni Joseph Smith ang School for the Elders para turuan ang kalalakihan at ihanda sila para sa paglilingkod.10 Ang kalalakihan at kababaihan ay nagbigay din ng kanilang oras at kabuhayan o salapi sa iba’t ibang pagkakawanggawa.11

Nang malapit nang matapos ang mga templo, nakatanggap si Joseph ng inihayag na mga tagubilin na nagbabalangkas sa organisasyon ng priesthood at kumilos para pormal na maorganisa ang mga katungkulan at korum ng Aaronic at Melchizedek Priesthood. Kabilang sa mahahalagang pangyayari ang organisasyon ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa.12

Ang pagtatapos at paglalaan ng templo sa unang bahagi ng 1836 ay sinamahan ng walang-kapantay na pagbuhos ng Espiritu. Nang sumunod na mga araw matapos ang dedikasyon o paglalaan, ang Panginoon ay nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Sina Moises, Elijah, at Elias ay nagpakita rin at ibinigay ang mga banal na susi na kailangan sa pagtitipon ng Israel at sa pagbubuklod ng pamilya ng Diyos. 13 Sa mga miting na ito, ang mga Banal, pati na ang mga taong tinawag upang dalhin ang ebanghelyo sa buong daigdig, ay natanggap ang pagkakaloob ng espirituwal na kapangyarihan na ipinangako sa kanila.14

Ang kamangha-mangha sa dedikasyon o paglalaan ay sinundan ng kahirapan sa ekonomiya at apostasiya o pagtalikod sa katotohanan nang sumunod na taon. Ang Kirtland Safety Society, isang institusyong pinansyal na itinatag ng mga lider ng Simbahan, kasama na rito si Joseph Smith, ay bumagsak noong 1837 bilang bahagi ng isang pambansang krisis sa pananalapi na kilala bilang Panic of 1837. Bunga ng kasunod na kahirapan sa ekonomiya, pinagdudahan ng ilang mamumuhunan, kabilang na ang mga lider ng Simbahan, ang pagkatawag kay Joseph Smith bilang propeta.15 Pinagbantaan pa ng ilan ang buhay ni Joseph Smith. Sa mga unang buwan ng 1838, si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay tumakas sa Kirtland at naglakbay papunta sa Far West, Missouri.

Marami sa mga Banal na nakatira sa Kirtland ay sumama kalaunan sa pinakamalaking pangkat ng mga Banal sa Missouri at sa Nauvoo, at iniwan ang kanilang mga ari-arian. Ang ilan sa mga gusali na may mahalagang bahagi sa karanasan ng mga Banal sa Kirtland, pati na ang templo, ay nakatayo pa rin hanggang ngayon. Ang Community of Christ ang nagmamay-ari at nangangalaga sa Kirtland Temple, na bukas sa publiko para sa mga tour.16 Ang iba pang mga gusali, kabilang ang ipinanumbalik na tindahan at tahanan ni Newel K. Whitney gayundin ang muling itinayong sawmill [o tistisan] at ashery [o abuhan], ay nasa pangangalaga ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at bukas din sa publiko.

Mga Kaugnay na Paksa: Kirtland Temple

Mga Tala

  1. “Revelation, 30 December 1830 [DC 37],” sa Revelation Book 1, 49, josephsmithpapers.org.

  2. Mark Lyman Staker, Hearken, O Ye People: The Historical Setting of Joseph Smith’s Ohio Revelations (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2009), 71.

  3. Tingnan sa “Revelation and Family: Joseph and Emma’s Five Ohio Homes,” history.lds.org.

  4. Milton V. Backman Jr., “Kirtland Ohio,” sa Encyclopedia of Mormonism, Daniel H. Ludlow, ed., 4 vols. (New York: MacMillan, 1992), 2:793–98.

  5. “Revelation, 2 January 1831 [DC 38],” sa Revelation Book 1, 52, josephsmith.papers.org.

  6. “Revelation, 9 February 1831 [DC 42:1–72],” 3–4, josephsmithpapers.org.

  7. Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” book 14, page 3, josephsmithpapers.org.

  8. Staker, Hearken, O Ye People, 244–45; Emma M. Phillips, Dedicated to Serve: Biographies of 31 Women of the Restoration (Independence, Missouri: Herald House, 1970), 13.

  9. Elwin C. Robison, The First Mormon Temple: Design, Construction, and Historic Context of the Kirtland Temple (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 1997), 78–79.

  10. Milton V. Backman Jr., The Heavens Resound: A History of the Latter-day Saints in Ohio, 1830–1838 (Salt Lake City: Deseret Book, 1983), 268.

  11. Staker, Hearken, O Ye People, 244–45; Robison, The First Mormon Temple, 83; Backman, The Heavens Resound, 77–81.

  12. Tingnan sa Brent M. Rogers, Elizabeth A. Kuehn, Christian K. Heimburger, Max H Parkin, Alexander L. Baugh, at Steven C. Harper, eds., Documents, Volume 5: October 1835–January 1838. Vol. 5 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Ronald K. Esplin, Matthew J. Grow, at Matthew C. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2017), xx–xxi; Backman, The Heavens Resound, 241–42, 248–52.

  13. “Visions, 3 April 1836 [DC 110],” josephsmithpapers.org.

  14. Nathan Waite, “A School and an Endowment: DC 88, 90, 95, 109, 110,” sa Matthew McBride at James Goldberg, eds., Revelations in Context: The Stories behind the Sections of the Doctrine and Covenants (Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 2016), 174–82.

  15. Tingnan sa mga pambungad sa Parts 5 at 6 ng Rogers and others, Documents, Volume 5, 285–93, 363–66.

  16. Para sa isang kasaysayan ng pagpapanumbalik ng Community of Christ sa Kirtland Temple, tingnan sa Barbara Walden at Lachlan Mackay, House of the Lord: The Story of the Kirtland Temple (Independence, Missouri: John Whitmer Historical Association, 2008), 34–37.