“Pag-unlad ng Gawaing Misyonero,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pag-unlad ng Gawaing Misyonero”
Pag-unlad ng Gawaing Misyonero
Mahirap ang gawaing misyonero noong mga huling bahagi ng ika-19 na siglo habang umiigting ang poot laban sa pagsasagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ng maramihang pag-aasawa. Maraming pamahalaan ang naglagay ng mga pagbabawal sa mga missionary na Banal sa mga Huling Araw. Matapos ilathala ni Pangulong Wilford Woodruff ang Pahayag noong 1890, na humantong sa pagtatapos ng maramihang pag-aasawa, napanibago rin niya ang mga mission ng Simbahan na pangunahing matatagpuan sa Estados Unidos, Europa, at Pacific Islands.1 Sa dekada ng 1910, may mga mission na binuksan sa Latin America at Japan at umabot sa Tonga at iba pang mga bahagi ng Pacific Islands. Ang gawaing misyonero ay lubhang lumago sa nalalabing bahagi ng ika-20 siglo.
Muling Pag-aayos ng mga Mission
Noong mga unang dekada matapos maorganisa ang Simbahan, walang mahigpit na hangganang heograpiko ang mga mission ng Simbahan at hindi laging pinangangasiwaan ng isang pormal na tinawag na president. Noong maging pangulo si Wilford Woodruff, mas malinaw na tinukoy ng mga lider ng Simbahan ang mga mission, may mga opisina ng punong-tanggapan, mga pangulo, at mas malinaw na mga hangganan. Ang mga mission na ito ay nagsilbi bilang mga eklesiyastikong yunit ng Simbahan, at ang mga mission president ay responsable hindi lamang upang pangasiwaan ang gawaing misyonero kundi upang isaayos ang mga branch kung saan walang naorganisang mga stake ng Sion.2
Simula noong dekada ng 1850, naglingkod ang mga babae sa misyon sa pamamagitan ng pagsama sa kanilang mga asawang missionary at pag-aambag sa mga proyektong lokal at pang-edukasyon.3 Noong 1898 ay inaprubahan ng Unang Panguluhan ang ilang kahilingan ng mga mission president na makapagturo ang mga kababaihan, at hindi nagtagal ang kababaihan ay tumanggap ng pormal na mga tawag na magmisyon, itinalaga, at nangaral sa publiko. Ang mga sister missionary, lalo na sa Europa, ay naging mahuhusay na tagapagtaguyod para sa Simbahan sa panahong ang pampublikong saloobin sa mga naunang pagsasabuhay ng poligamya ng mga Banal ay nanatiling masidhi.4
Sa pagtanda ng unang henerasyon ng mga missionary, nahirapan silang itaguyod ang kanilang mga pamilya habang naglilingkod sa misyon, at sinimulan ng mga lider ng Simbahan na muling ayusin ang mga pagtawag at pamamaraan sa pagmimisyon. Noong dekada ng 1870, ang karaniwang missionary ay mahigit 40 taong gulang at karaniwang may-asawa, ngunit sa mga unang dekada ng ika-20 siglo, karamihan sa mga missionary ay walang asawa at nasa una hanggang gitnang bahagi ng kanilang ikatlong dekada. Noong ika-19 na siglo, karamihan sa mga missionary ay taglay ang katungkulan ng Pitumpu sa Melchizedek Priesthood.5 Matapos ang 1900, ang kalalakihang may hawak ng katungkulan ng elder ang siyang bumubuo sa karamihan sa bilang ng mga missionary. Ang haba ng isang karaniwang misyon ay nag-iiba mula isa hanggang tatlong taon depende sa lokasyon ng paglilingkod at sa mga kalagayan ng mga missionary. Sa mga unang dekada ng ika-20 siglo, ang dalawang-taong mission ay naging pamantayan.6
Sa pagitan ng 1890 at 1930 ay itinigil ng Simbahan ang malawakang pagsisikap ng pagtitipon na tumulong sa mga Banal sa mga Huling Araw na lumipat mula sa kanilang mga tinubuang bayan pagtungo sa mga lugar sa Kanlurang Amerika.7 Ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan na nandarayuhan sa Utah at karatig na rehiyon ay bumaba mula sa humigit-kumulang 2,000 kada taon bago ang dekada ng 1910 sa mas mababa sa 300 kada taon pagsapit ng taong 1945.8 Ang pagbabagong ito ay nagbigay sa mga missionary ng bagong mithiin: sa halip na pangalagaan ang isang walang patid na daloy ng mga bagong binyag na patungo sa Sion, nagtuon sila sa pagtatayo ng mga stake ng Sion sa ibayong dagat. Nagsimula ang mga lider ng mga mission na muling hatiin ang kanilang mga mission sa mga “zone” at mga “district,” kung saan ang mga hangganan ay madalas na tumutugma sa mga stake at ward.
Paglaganap sa Buong Mundo at ang Missionary Program
Ang pagdami ng bilang ng mga mission noong ika-20 siglo ay dulot ng dalawang kadahilanan. Una, madalas hatiin ng mga lider ng Simbahan ang mga mission kapag ang mga branch at stake sa loob ng mga ito ay dumarami. Ikalawa, ang mga Apostol ay nagbukas ng mga mission sa pamamagitan ng pagpasok sa mga bansang handang tumanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw na nangangaral ng ebanghelyo at naglaan ng mga lupain para sa pangangaral ng ebanghelyo. Noong dekada ng 1940 ay pinamahalaan ng mga mission president ang mahigit 40 mission sa Europa, Hilaga at Timog Amerika, sa Pacific Islands, at mga bahagi ng Asya. Pinabagal ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang paglawak ng mga mission, bagama’t nagpatuloy ang gawaing misyonero sa kabila ng maraming Banal sa mga Huling Araw na pumasok sa serbisyong militar. Pagkatapos ng digmaan, ang mga sundalong Amerikanong Banal sa mga Huling Araw, at mga kababaihang naglingkod sa militar sa ilang pagkakataon, ay tumulong magpakilala o muling itatag ang Simbahan sa mga bansa kung saan sila itinalaga, partikular na sa Japan, Korea, Pilipinas, Vietnam, at Thailand.9
Ang mga Pangulo ng Simbahan na sina Joseph F. Smith, Heber J. Grant, at David O. McKay ay naging kasangkapan sa pagsesentralisa ng pamamahala ng mga mission sa punong-tanggapan ng Simbahan sa kabuuan ng unang bahagi ng ika-20 siglo. Bumuo ang mga apostol noong 1900 ng isang missionary committee upang gawing sistematiko ang gawaing misyonero, at sa susunod na 30 taon, ang general missionary secretary ay nagpapahatid ng ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng komite at mga mission president, nagproseso ng mga tawag sa pagmimisyon, at tumulong ayusin ang paglalakbay ng mga missionary. Noong 1935 ang Radio, Publicity, and Mission Literature Committee ay nabuo, kasama ang bagong balik na missionary na si Gordon B. Hinckley bilang executive secretary. Sa loob ng mahigit 20 taon, pinasan ni Hinckley ang lumalaking pangangailangan sa mga papeles at pangangasiwa mula sa Lunsod ng Salt Lake, na kalaunan ay naglingkod bilang direktor ng pangangasiwa matapos na ang iba’t ibang missionary committee ay pinagsama sa iisang Missionary Department noong 1951. Pagsapit ng dekada ng 1960 ay nagpatupad ang departamento ng isang pinasimple at sentralisadong programa sa pagsasalitan ng mga missionary, pagkuha ng mga travel visa, paghahanda sa mga mission president at mga missionary para sa paglilingkod, at paglilinang ng kurikulum.10
Noong ika-19 na siglo, hindi gumamit ang mga missionary ng pare-parehong pamamaraan sa pangangaral ng ebanghelyo. Sa halip, sila ay nagturo mula sa mga banal na kasulatan at mga popular na polyeto ng missionary. Sa paglipas ng panahon sinimulan ng mga mission president na magtatag ng pare-parehong mga pamamaraan sa pagtuturo. Lumaganap ang iba’t ibang mga plano sa mga mission ng Simbahan noong unang bahagi ng ika-20 siglo, at isang handbook ang inilathala noong dekada ng 1930. Noong 1952 ang missionary committee ng Simbahan ay naglinang ng bagong kurikulum para sa pagsasanay ng mga missionary upang ituro ang ebanghelyo sa mga posibleng mabibinyaran, o mga “investigator.” Ang “magkakatulad na sistema” na ito ay nagbalangkas ng mga talakayan para sa pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa tahanan ng mga investigator at pagpapaabot ng mga paanyaya na magpabinyag at maglingkod sa isang branch o ward.11
Habang nagiging mas bata ang mga missionary, nadadagdagan ang pangangailangan na magbigay ng pagsasanay upang maihanda sila para sa kanilang paglilingkod. Simula noong dekada ng 1880, nag-alok ang Brigham Young Academy at kalaunan ay iba pang mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral sa Utah at Idaho ng mga kurso sa paghahanda ng missionary. Makalipas ang 1925, isang Missionary Home sa Lunsod ng Salt Lake ang nagbigay ng isang linggong pagsasanay para sa mga paalis na missionary. Matagal nang humaharap ang mga missionary sa hamon ng pag-aaral ng wikang banyaga, at madalas linangin ng mga mission president ang sarili nilang estratehiya sa pag-aaral ng wika. Noong 1961 ay nagsimula ang pagsasanay sa wika ng mga missionary sa Brigham Young University. Hindi naglaon ang mga lider ng Simbahan ay tumawag ng mission president upang pangasiwaan ang programa at inilunsad ang Language Training Mission (LTM) para sa mga missionary na kailangang matuto ng banyagang wika upang maglingkod. Noong 1978 ay isinara ang Missionary Home at ang campus ng LTM ay pinangalanan bilang Missionary Training Center (MTC).12 Karamihan sa mga paalis na missionary ay ipinadadala sa MTC upang tumanggap ng pagsasanay kasama ang anumang pagtuturo ukol sa banyagang wika. Mas maraming training center ang itinayo ayon sa huwaran ng MTC at bumilang nang higit isang dosena sa buong mundo pagsapit ng taong 2000.13
Mga Mahahalagang Pag-unlad
Patuloy na lumawak ang mga mission sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong David O. McKay at ng mga sumunod na Pangulo ng Simbahan. Noong mga dekada ng 1950 at 60, isinulong ni David O. McKay ang malawakang paglahok sa mga gawaing misyonero gamit ang slogan na “Bawat miyembro ay missionary.” Isinugo rin niya ang mga Apostol upang buksan ang mas maraming bansa para sa pangangaral at ginawang sistematiko ang mga ulat, programa, at mga pamantayan ng mga organisasyon ng mga mission.14 Sa mga dekada ng 1970 at 1980, nanawagan si Spencer W. Kimball para sa higit na pakikibahagi at isang mas maambisyong layon para sa potensyal na pag-unlad ng Simbahan sa buong mundo. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, ang bilang ng mga full-time missionary ay labis na dumami at ang mga pamamaraan ng pangangaral ay sumailalim sa masusing pagsusuri at pagpapabuti. Iniatas ni Pangulong Kimball ang pangangaral ng ebanghelyo bilang isa sa tatlong pangunahing layunin ng Simbahan.15
Noong dekada ng 1990 at unang bahagi ng dekada ng 2000, pinangunahan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang pagpapabago ng kurikulum na humantong sa paglalathala ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, isang huwaran sa pagtuturo batay sa mataas na antas ng espirituwalidad at mga kwalipikasyon ng bawat missionary.16 Noong 2012 ay ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson ang pagpapababa sa pinakamababang edad para sa pagmimisyon kapwa sa kalalakihan at kababaihan, na humantong sa biglaang pagdami ng mga missionary. Wala pang isang taon kalaunan, ibinalita ng Unang Panguluhan ang paglikha ng 58 bagong mission, umabot ang kaubuuang bilang sa 405—ang pinakamalaking iisang paglawak ng mga umiiral na mission ng Simbahan sa kasaysayan.17 Ang mga mission ay patuloy na nagbabago, kung minsan ay pinagsasama sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng Simbahan habang sinisikap nilang isagawa ang banal na atas na dalhin ang ebanghelyo sa lahat ng tao.
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Unang Missionary, Pagtitipon ng Israel, Pandarayuhan, Turkish Mission