Kasaysayan ng Simbahan
Korum ng Labindalawa


“Korum ng Labindalawa,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Korum ng Labindalawa

Korum ng Labindalawa

Itinuro ng aklat na Mga Taga Efeso na ang simbahan sa Bagong Tipan ay itinayo sa “ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta.”1 Ang mga apostol ay nagsisilbing bahagi rin ng saligan ng ipinanumbalik na Simbahan sa mga huling araw. Noong Hunyo 1829, tumanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag na dapat maghanap sina Oliver Cowdery at David Whitmer ng labindalawang kalalakihan na magiging mga alagad ng Panginoon at “ipapahayag ang aking ebanghelyo, kapwa sa Gentil at sa mga Judio.”2 Nang mga sumunod na taon, ang isipan nina Cowdery at Whitmer ay “palaging pagod sa paghahanap kung sino ang Labindalawang ito,” at kadalasan ay “lumalapit sa Panginoon sa pag-aayuno at panalangin” upang malaman kung sino ang mga ito.3

Noong Pebrero 1835, si Joseph Smith at ang Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon—sina Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris—ay pumili ng labindalawang lalaki upang maglingkod bilang mga Apostol sa Simbahan. Bagaman ang titulong Apostol ay ibinigay noong una sa ilang mga indibiduwal na nagsagawa ng pagtuturo at pagbabahagi ng ebanghelyo sa Simbahan noong bago pa ito, kabilang na sina Oliver Cowdery at David Whitmer,4 ang Labindalawang Apostol, gaya ng nakasaad sa paghahayag noong 1829, ay hindi tinawag hanggang noong 1835.

Noong Pebrero 14, 1835, nagdaos ng pulong si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, upang kilalanin ang mga taong nagkaroon ng partisipasyon sa Kampo ng Israel (Kampo ng Sion) noong 1834.5 Sa pulong na ito, inatasan niya sina Cowdery, Whitmer, at Harris na “pumili ng labindalawang lalaki mula sa simbahan bilang mga Apostol na hahayo sa lahat ng mga bansa, lahi, wika at tao.”6 Matapos basbasan ng panguluhan ng mataas na priesthood ang Tatlong Saksi, pinili ng Tatlong Saksi (sa pagsangguni kay Joseph Smith) ang mga sumusunod na kalalakihan bilang mga Apostol: Lyman Johnson, Brigham Young, Heber C. Kimball, Orson Hyde, David W. Patten, Luke Johnson, William E. McLellin, John F. Boynton, Orson Pratt, William Smith, Thomas B. Marsh, at Parley P. Pratt. Walo sa labindalawa ang sumama kay Joseph sa ekspedisyon ng Kampo ng Israel; lahat ay nangaral nang puspusan bilang mga missionary.

Noong mga sumunod na linggo, ang Labindalawa ay tumanggap ng mga basbas ng ordinasyon at isang utos mula kay Oliver Cowdery. Itinuro rin sa kanila ni Joseph Smith ang tungkol sa kanilang tungkulin. Sa isang pulong na ginanap noong Pebrero 27, 1835, sinabi ni Joseph sa mga Apostol na sila ang “hahawak ng mga susi ng ministeryong ito, upang mabuksan ang pintuan ng kaharian ng langit sa lahat ng bansa, at maipangaral ang Ebanghelyo sa bawat nilikha.” Sila ay makikilala bilang “naglalakbay na mataas na kapulungan,” na siyang “mamumuno sa lahat ng mga simbahan ng mga Banal sa kalipunan ng mga Gentil, kung saan walang naitatag na panguluhan.”7 Nangahulugan ito na ang Labindalawa ang magiging responsable sa mga kongregasyon ng Simbahan sa labas ng mga pangunahing sentro ng Simbahan sa Kirtland at Missouri.

Sa pagitan ng Marso 1 at Mayo 1, 1835, naghanda rin si Joseph Smith ng tagubilin tungkol sa priesthood na tumalakay sa papel at responsibilidad ng Labindalawa. Muling binigyang-diin ng dokumentong ito na ang Labindalawa ang may hurisdiksyon sa mga branch sa labas ng Kirtland at Missouri at isinaad na sila ay kikilos “sa ilalim ng patnubay ng panguluhan ng simbahan.” Ang Labindalawa ay “pantay sa kapangyarihan” sa Unang Panguluhan at magsisilbing “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo, sa buong daigdig.”8

Noong una ay napakabigat ng tungkuling pasan ng Labindalawa ukol sa pagtuturo, pangangaral at pamamahala sa mga kongregasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa silangang bahagi ng Estados Unidos noong tag-init ng 1835 at ng pangangaral ng ebanghelyo sa England simula noong 1837. Pagsapit ng 1841 marami sa mga Apostol ang nagbalik na mula sa England, at sa isang kumperensya ng Simbahan noong buwan ng Agosto, ang Korum ng Labindalawa ay inatasang “tumayo sa kanilang lugar na kasunod ng unang Panguluhan,”9 na binibigyan ng responsibilidad na “tumulong sa pamamahala sa mga gawain ng kaharian,” hindi lamang sa mga mission kundi sa Nauvoo rin.10

Sina Joseph at Hyrum Smith at ilang miyembro ng Korum ng Labindalawa sa Nauvoo

Paglalarawan ng pintor kina Joseph at Hyrum Smith at sa ilang miyembro ng Korum ng Labindalawa sa Nauvoo.

Ayon kay Orson Hyde, noong mga unang bahagi ng 1844, sinabi ni Joseph Smith sa Labindalawa na inatasan siya ng Panginoon na “bilisan at bigyan” ang mga Apostol ng endowment. Pagkatapos ay “itinuro sa amin ni Joseph ang bawat ordenansa ng banal na priesthood.” Nang matapos si Joseph, inihayag niyang, “Ngayong kung mapatay man nila ako nasa inyo na ang lahat ng mga susi, at ang lahat ng mga ordenansa.” Pagpapatuloy ng Propeta, “Mapupunta sa inyong mga balikat ang responsibilidad ng pamumuno sa mga taong ito, sapagkat hahayaan ako ng Panginoon na magpahinga sandali.”11

Matapos mamatay bilang martir si Joseph Smith, sinang-ayunan ng karamihan ng mga Banal sa Nauvoo si Brigham Young bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa upang pamunuan ang Simbahan. Sa ilalim ng kanyang patnubay, natapos ng mga Banal ang Nauvoo Temple bago sila naglakbay papunta sa Great Basin. Ang paghalili ni Brigham Young ang nagtatag ng huwaran na kapag pumanaw ang Pangulo ng Simbahan, ang Korum ng Labindalawa ang may taglay ng awtoridad upang mamuno sa ilalim ng patnubay ng pangulo nito. Noong Disyembre 1847, muling inorganisa ni Brigham Young ang Unang Panguluhan, ngunit nanatili ang mahalagang papel na ginagampanan ng Labindalawang Apostol sa pamamahala sa Simbahan.12

Matapos ang pagpanaw nina Brigham Young at John Taylor, ang Labindalawang Apostol ang namuno sa Simbahan sa loob ng ilang taon bago muling naorganisa ang Unang Panguluhan. Gayunman, pinayuhan ni Pangulong Wilford Woodruff ang senior na Apostol na si Lorenzo Snow na huwag patagalin ang muling pag-organisa sa Unang Panguluhan. Nang pumanaw si Woodruff, muling inorganisa ni Snow ang Unang Panguluhan sa loob ng isang linggo. Hinimok din ni Pangulong Snow si Joseph F. Smith, na susunod na magiging Pangulo ng Simbahan, na “gawin kaagad” pagkamatay niya ang muling pag-organisa sa Unang Panguluhan.13 Simula noon ay sinunod na ng Korum ng Labindalawang Apostol ang huwarang ito, na ang senior na Apostol o Pangulo ng Labindalawa ang nagiging Pangulo ng Simbahan.

Mula noong 1835, nang maorganisa ang Korum ng Labindalawa, mahigit isang daang kalalakihan na ang naglingkod bilang mga Apostol. Ngayon ang Labindalawa ay patuloy na naglilingkod bilang mga natatanging saksi ni Jesucristo, pinangangasiwaan ang gawaing misyonero ng Simbahan sa buong mundo, at nagpapayo kasama ng Unang Panguluhan sa pamamahala ng mga gawain ng Simbahan.