“Digmaang Mormon-Missouri noong 1838,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Digmaang Mormon-Missouri noong 1838”
Digmaang Mormon-Missouri noong 1838
Ang Digmaang Mormon-Missouri (tinatawag ding Digmaang Mormon o Digmaang Missouri) ay isang armadong labanan sa pagitan ng mga Banal sa mga Huling Araw at iba pang mamamayan sa hilagang Missouri noong taglagas ng 1838. Lumawak ang sagupaan na kinabilangan ng mga opisyal ng estado, pati na ang gobernador, at humantong sa pagkabilanggo ni Joseph Smith at sapilitang pagpapaalis ng mga Banal mula sa Missouri.
Panrelihiyon, pulitikal, at panlipunan na pagkakaiba ng mga Banal sa mga Huling Araw at mga taga-Missouri ang sanhi ng tensyon mula sa unang pagdating ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Jackson County, Missouri, noong 1831.1 Ang pananakot ng mga vigilante at pagsalakay ng mga mandurumog ay sapilitang nagpaalis sa mga Banal mula sa county noong 1833. Ang mga Mormon ay lumipat sa mga kalapit na county sa hilaga, kung saan patuloy nilang hinarap ang pagkapoot sa kanila. Noong 1836, nilikha ng estado ang Caldwell County para sa mga pamayanan ng mga Mormon lamang, at ang mga kalaban ng Simbahan ay tumutol sa anumang pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa labas ng bagong county na ito. Ngunit ninais ng mga Banal na itaguyod ang kanilang karapatan sa saligang-batas sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga pamayanan sa katabing Carroll at Daviess County. Nang lumisan si Joseph Smith papuntang Ohio para puntahan ang pamayanan ng mga Mormon sa Far West, Missouri, noong tag-init ng 1838, ang oposisyon sa presensya ng Simbahan sa Missouri ay umabot na sa sukdulan.2
Noong Hulyo 4, 1838, nagbabala si Sidney Rigdon na ang mga Banal ay hindi na kukunsintihin ang pag-uusig o pagtatatwa sa kanilang mga karapatan bilang mga mamamayan ng Estados Unidos. Kung magtitipon ang mga mandurumog, isinigaw niya sa isang kilalang talumpati, “ito ay magiging sa pagitan natin at ng digmaan ng pagpuksa.” Kasabay nito, nangako siya na ang mga Banal ay hindi magiging mananalakay: “Tayo ay hindi lalabag sa mga karapatan ng kahit sinong tao; ngunit tatayo tayo para sa sarili natin hanggang kamatayan.”3 Sa panahong ito, ilang mga kalalakihang Mormon ang bumuo ng isang grupo ng vigilante na kilala bilang mga Danita, na nangakong ipagtatanggol ang mga Banal laban sa higit pang karahasan. Nakumbinsi ng bali-balita tungkol sa mga aktibidad ng mga Danita ang ilang mga taga-Missouri na nagbabanta ang mga Mormon ng karahasan laban sa mga kapitbahay nila.4
Sa Araw ng Halalan ng taong iyon, ang mga residente ng Carroll County ay bumoto na lisanin ng mga Mormon ang county. Sa kalapit na Daviess County, nang pinigilan ng mga botante ang mga Mormon na pumasok sa mga istasyon ng botohan, nagkaroon ng isang kaguluhan. Natakot na sila ay palalayasin mula sa county ng isang lokal na opisyal ng kapayapaan, hiniling ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kanya na pumirma ng isang pahayag ng kawalang-pinapanigan. Ang opisyal kalaunan ay nagreklamo na siya ay tinakot upang lumagda at sina Joseph Smith at Lyman Wight ay inutusan na sagutin ang mga reklamo sa hukuman. Ang dalawa ay tumanggi sa kautusan hangga’t hindi tinitiyak ng hukuman ang kanilang kaligtasan. Galit na galit sa inaakalang karahasan ng mga Mormon, muling nagtipon ang mga mandurumog laban sa mga Banal.
Humiling ng proteksyon ang mga Banal mula sa pamahalaan, at ilang mga kapulisan ang dumating upang pananatilihin ang kapayapaan. Ngunit natigil ang isang diplomatikong resolusyon nang lipulin ng mga mandurumog ang isang pamayanan ng mga Mormon sa De Witt, Carroll County, na pumilit sa mga Banal doon na lumikas para sa kanilang buhay. Ang gobernador ng Missouri, si Lilburn W. Boggs, ay tumugon sa paghingi ng tulong sa pagsasabing ang mga Banal at ang mga taga-Missouri ay dapat magsarili sa kanilang laban. Habang dumarami ang mga ulat na ang mga mandurumog ay nagsusunog ng mga tahanan ng mga Mormon sa iba pang mga county, ang mga Banal ay nagpasiyang lumaban.
Ang armadong labanan ay tumagal ng dalawang linggo. Noong kalagitnaan ng Oktubre, nilusob at sinunog ng mga Mormon ang mga tahanan at tindahan sa Gallatin at Millport. Sa Ilog Crooked, nagkasagupaan ang milisya ng Mormon at Missouri, na nagresulta sa pagkamatay ng isang taga-Missouri at dalawang Mormon, kabilang na si Apostol David W. Patten. Dahil sa mga sagupaang ito, ipinalabas ni Governor Boggs, na dati nang sumang-ayon sa mga aktibidad laban sa mga Mormon sa Jackson County, ang kinikilalang “utos na pagpuksa,” na nagbigay awtoridad sa milisya ng estado upang puwersahin ang mga Mormon mula sa estado o lipulin sila kung kinakailangan.5 Ang pinakamalagim na pangyayari sa digmaan ay nangyari ilang araw kalaunan noong Oktubre 30, nang ang isang grupo ng armadong mga taga-Missouri ay pinagbabaril ang mga Banal sa Hawn’s Mill, pinatay at pinaghiwa-hiwalay ang parte ng katawan ng 17 matatanda at batang lalaki.6
Ang milisya, sa ilalim ng pamumuno ni Major General Samuel D. Lucas, ay lumusob sa Far West noong Oktubre 31. Dinakip ni Lucas sina Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng mga Mormon at iniutos ang pagpatay sa kanila sa susunod na araw. Isa pang heneral na nagngangalang Alexander Doniphan ang humamon sa kautusan, at si Joseph at ang iba ay ikinulong at inutusang dumalo sa paglilitis sa kasong pagtataksil at pagpatay. Samantala, ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kumanlong sa kalapit na estado ng Illinois.7
Ang Digmaang Mormon-Missouri ang nagtapos ng unang presensya ng Simbahan sa Missouri. Ang hangarin ni Joseph Smith na magtayo ng komunidad ng “Sion” ng matuwid na mga Banal ay mas nakadepende sa kung saanman magtitipon ang mga Banal sa halip na sa isang heograpikal na lugar.8 Ang digmaan ay nagbunga rin ng pag-alis ng mahahalagang mga lider. Sina Thomas B. Marsh, Orson Hyde, at William W. Phelps ay umalis sa Simbahan at bumalik makalipas ang maraming taon, ngunit ang mga lider tulad nina John Corrill at George Hinkle ay hindi na bumalik.9 Matapos magdusa sa isang malamig at masikip na piitan noong taglamig ng 1838–39, sina Joseph Smith, ang kapatid niyang si Hyrum, at iba pa ay nakatakas sa tulong ng isang maawain na bantay habang papunta sa ibang lugar. Bagamat mahirap, ang pagsubok na iyon sa piitan ay naging mahalaga kay Joseph, sapagka’t lubos na mahahalagang mga paghahayag ang ibinigay sa kanya habang siya ay nakabilanggo.10