“Alpabetong Deseret,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Alpabetong Deseret”
Alpabetong Deseret
Noong 1850 hiniling ni Brigham Young sa board of regents ng University of Deseret sa Lunsod ng Salt Lake na mag-isip ng mga paraan upang mapabuti ang alpabetong Ingles. Ang iba pang mga taga-reporma ng wika tulad nina Benjamin Franklin, Noah Webster, at Isaac Pitman ay matagal nang naghahanap ng mga paraan upang gawing simple at magkaroon ng isang pamantayan ang pagbabaybay sa Ingles.1 Gayundin ay umasa si Brigham Young na magpakilala ng alpabeto na magagawang mas simple ang Ingles, mas hindi pabagu-bago at mas madaling matutuhan ng kapwa mga bata at mga dayuhang bagong binyag na hindi nagsasalita ng Ingles.2 Ang mungkahing alpabeto ay bahagi ng mga pagsisikap ni Brigham Young upang mapagkaisa ang mga Banal at lumikha ng isang lipunan ng Sion sa pamamagitan ng mas pagpapadali para sa kanila na madaig ang pagkakaiba-iba ng wika.
Matapos ang pagninilay sa napakaraming panukala, inaprubahan ni Pangulong Young at ng mga regent ang isang alpabetong ponetiko na ituturo sa mga paaralan. Ang alpabeto ay batay sa 38 tunog ng isang ponetikong alpabeto na nilikha ni Isaac Pitman. Ang Alpabetong Deseret, kung ito ay tawagin, ay binubuo ng mga titik na nauugnay sa bawat isa sa mga tunog na ito. Si George D. Watt, isang stenograper ng mga Banal sa mga Huling Araw na nandayuhan mula sa Great Britain, ay nag-aral ng sistemang shorthand ni Pitman at malawakang responsable para sa disenyo ng bagong alpabeto. Tila ibinase niya ito sa mga titik ni Pitman, sa alpabetong Latin, at marahil sa iba pang alpabeto o sistemang ponetiko.
Tinangka ni Brigham Young na makita ang Alpabetong Deseret na gamitin nang laganap. Namuhunan ang mga lider ng Simbahan sa paglikha ng mga bagong makinarya sa paglimbag upang kanilang mailimbag ang mga materyal sa bagong alpabeto. Pinangasiwaan din nila ang paglalathala ng ilang artikulo sa bagong alpabeto sa Deseret News sa pagitan ng 1859 at 1864. Noong 1868 ay naglimbag ang Simbahan ng mga primer para sa mga estudyante. Noong sumunod na taon, ang Aklat ni Mormon ay inilathala sa Alpabetong Deseret.3
Ang mga primer ay ginamit sa ilang mga paaralan sa Utah, ngunit ang alpabeto ay hindi malawakang ipinatupad.4 Yaong mga marunong nang bumasa at sumulat sa wikang Ingles ay kaunti lamang ang pangangailangan para sa alpabeto. Ang mga nag-aaral ng wikang Ingles ay nakakahanap lamang ng iilang mga babasahing materyal sa Alpabetong Deseret kumpara sa napakaraming materyal na makukuha sa alpabetong Latin, lalo na pagkaraan ng pagdating ng tren sa Utah noong 1869.5 Ayon kay George Q. Cannon, kinilala ni Brigham Young ang alpabeto na “di-gaanong inangkop sa layuning binuo tulad ng inaasahan,” pinansin na ang mga titik ay hindi lamang pamilyar kundi mahirap din basahin.6 Matapos ang pagpanaw ni Brigham Young noong 1877, ang alpabeto ay lalong hindi na ginamit.