Kasaysayan ng Simbahan
Amy Brown Lyman


“Amy Brown Lyman,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Amy Brown Lyman”

Amy Brown Lyman

Bilang manggagawa sa kagalingang panlipunan at progresibong repormador, dinala ni Amy Brown Lyman ang karanasan at aktibismo sa kanyang pakikibahagi sa Relief Society, kung saan siya naglingkod bilang ikawalong Pangkalahatang Pangulo nito. Partikular na tinutukan ni Lyman ang pagpapabuti ng kalusugan ng kababaihan at mga bata, lalo na ang mga may kaugnayan sa panganganak at pagkamatay ng mga sanggol.1 Naglingkod siya sa iba’t ibang tungkuling sibiko at tumulong sa pagpapakilala ng mga makabago at propesyonal na pamamaraan sa maraming aspekto ng gawain ng Relief Society. Dahil dito, isa siya sa naging pinakamaimpluwensyang kababaihang Banal sa mga Huling Araw noong ika-20 siglo.

larawan ni Amy Brown Lyman

Larawan ni Amy Brown Lyman.

Si Amy Cassandra Brown, isang pangalawang henerasyong Banal sa mga Huling Araw, ay isinilang noong 1872. Nag-aral siya sa Brigham Young Academy mula 1888 hanggang 1890 kung saan niya nakilala si Richard R. Lyman.2 Nagturo siya sa paaralan mula 1890 hanggang 1894 habang nag-aaral si Richard sa University of Michigan. Ikinasal ang dalawa sa katatapos lamang na Salt Lake Temple noong 1896 at kalaunan ay lumipat sa silangang Estados Unidos kasama ang kanilang maliit pang anak na si Wendell, para sa gradwadong pag-aaral ni Richard sa civil engineering. Noong tag-init ng 1902 sa University of Chicago, nagpalista si Amy sa isang klase sa sosyolohiya na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay—natuklasan niya ang isang propesyon sa gawaing panlipunan at adbokasiya sa kalusugan ng publiko. Noong sumunod na taon, isinilang ng mga Lyman ang isang anak na babae, si Margaret, at bumalik sa Lunsod ng Salt Lake noong 1905.3

Tulad ng marami sa Progressive Era ng unang bahagi ng ika-20 siglo, aktibong sumali si Amy Brown Lyman sa mga repormador na naghahangad na mapabuti ang kapakanan ng lipunan at kalusugan sa pamamagitan ng gawaing panlipunan. Kabilang sa mga pagsisikap ni Lyman ang pag-oorganisa ng mga istasyon ng gatas para sa mga kapitbahayan sa Lunsod ng Salt Lake, pakikipagtulungan sa mga pampubliko at pribadong kawanggawa bilang miyembro ng lupon ng Charity Organization Society, pakikipag-ugnayan sa Red Cross noong Unang Digmaang Pandaigdig upang suportahan ang mga sundalo at kanilang mga pamilya, pamumuno sa bagong Social Service Department ng Relief Society, at pangangasiwa sa pagsasanay ng mga social service institute ng Relief Society sa Utah at Idaho.4

Nagsabay ang pampublikong trabaho ni Lyman sa kanyang paglilingkod sa Relief Society. Tinawag siya sa pangkalahatang lupon ng Relief Society noong 1909 at naglingkod bilang kalihim-ingat yaman sa loob ng 15 taon at bilang tagapayo ni Louise Y. Robison sa General Presidency mula 1928 hanggang 1940. Noong 1922 ay inihalal si Lyman sa Lehislatura ng Estado ng Utah at pinamunuan ang mga komite sa edukasyon at mga pampublikong kagalingan. Pinamunuan niya ang mga mambabatas ng estado sa pagpapasa ng batas upang tumanggap ng pondo mula sa Batas nina Sheppard at Towner, isang pederal na batas na binuo upang magpadala ng pambansang pondo sa mga estado para sa mga proyektong kagalingan ng lipunan. Hindi naghangad si Lyman na muling mahalal, dahil hindi niya nagustuhan ang pangungumbinsi sa pulitika na kanyang naranasan.5

Nang hinirang si Richard bilang pangulo ng European Mission noong 1936, nanirahan ang mga Lyman sa Inglatera nang dalawang taon. Pagdating sa London, naglakbay si Amy patungong Yugoslavia upang dumalo sa International Council of Women bilang delegado ng National Council of Women ng Estados Unidos, isang organisasyong kasali siya sa loob ng maraming taon. Bilang asawa ng mission president, pinangasiwaan niya ang Relief Society at iba pang mga organisasyon ng Simbahan para sa mga kabataang babae at bata sa loob ng mission.6

Sa pagitan ng 1940 at 1945, naglingkod si Lyman bilang General President ng Relief Society. Nagsimula siya sa pag-aayon ng gawain ng Relief Society sa planong pangkagalingan ng Simbahan na nilikha noong panahon ng Great Depression at sa paghahanda ng ikasandaan taong pagdiriwang ng Relief Society noong 1942.7 Sa ilalim ng kanyang pamamahala, tumulong ang kababaihan ng Relief Society sa pagsisikap ng puwersang Alyado noong digmaan sa pamamagitan ng paglilingkod sa Red Cross at sa pag-aambag ng resources sa planong pangkagalingan ng Simbahan.8

Ang pamilya ni Lyman ay nakaranas ng mga trahedya na batid ng publiko. Natagpuan ni Amy ang kanyang anak na si Wendell na patay nang nakahandusay sa ilalim ng kotse nito noong 1933; iniulat ng mga pahayagan na si Wendell ay nalunod mula sa mga usok habang nagsasagawa ng mga pagkukumpuni. Ang dating pang-aabuso sa droga at problema sa pera ni Wendell ay hindi lihim sa lahat.9 Kalaunan sa kanyang panunungkulan bilang General President ng Relief Society, ang asawa ni Amy na si Richard, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay itiniwalag dahil sa “paglabag sa batas ng kalinisang-puri.”10 Natigalgal at lubhang nasaktan sa balita si Amy. Nang magbigay ng suporta ang kanyang tagapayo na si Belle Spafford, sumagot si Amy, “Ipagdasal mo na lamang na ang lalim ng aking pang-unawa sa ebanghelyo ay makatutulong na malampasan ko ang lahat ng ito.”11 Dahil sa kanyang mataas na posisyon sa gitna ng gayong kalaking eskandalo, nadama ni Amy na nararapat lamang na magbitiw siya. Gayunman, si David O. McKay, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay hinikayat siyang manatili. Ipinagpatuloy niya ang kanyang gawain bilang General President sa loob ng 17 buwan hanggang sa tinanggap ang kanyang pagbibitiw noong 1945. Sina Amy at Richard ay nanatiling kasal, at muling nabinyagan si Richard at naipanumbalik ang kanyang pagiging miyembro ng Simbahan noong 1954.12

Pagkatapos ng kanyang pag-release, nagpatuloy si Lyman sa kanyang pakikibahagi sa Relief Society bilang manunulat at tagapagsalita, gayundin bilang guro para sa kanyang lokal na ward. Nanatili siyang aktibo sa mga isyung panlipunan, kalusugang pampubliko, at paglilingkod sa kanyang pamilya hanggang sa kanyang pagpanaw noong 1959. Sa kanyang burol, si Belle S. Spafford, ang kahalili ni Lyman bilang General President ng Relief Society, ay binanggit ang papuri ni Lyman sa sariling ina nito upang ilarawan kung anong uri ng lider si Lyman: “malakas, dinamiko, at mahusay; maalam, mapaghanda sa hinaharap, at may mabuting paghusga. Siya ay babae para sa mga babae.”13

Mga Kaugnay na Paksa: Relief Society, Karapatang Bumoto ng Kababaihan, Great Depression, Mga Welfare Program

Mga Tala

  1. Dave Hall, A Faded Legacy: Amy Brown Lyman and Mormon Women’s Activism, 1872–1959 (Salt Lake City: University of Utah Press, 2015), 75.

  2. Tingnan sa: Mga Akademya ng Simbahan.

  3. Hall, Faded Legacy, 36–40, 43, 48, 52.

  4. Hall, Faded Legacy, 73, 76–80, 84; Jill Mulvay Derr, “Scholarship, Service, and Sisterhood: Women’s Clubs and Associations, 1877–1977,” sa Patricia Lyn Scott at Linda Thatcher, mga pat., Women in Utah History: Paradigm or Paradox? (Logan: Utah State University Press, 2005), 274. Tingnan din sa Mga Paksa: Relief Society, Unang Digmaang Pandaigdig.

  5. Derr, “Scholarship, Service, and Sisterhood,” 274; Hall, Faded Legacy, 90. Tingnan din sa Mga Paksa: Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika, Utah.

  6. Hall, Faded Legacy, 129, 133.

  7. Ang mga gambalang idinulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay humadlang sa Relief Society na isagawa ang mahalagang pagdiriwang na ito. Tingnan sa Mga Paksa: Great Depression, Mga Welfare Program.

  8. Hall, Faded Legacy, 158–60.

  9. Hall, Faded Legacy, 118–19.

  10. George Albert Smith, Announcement, 13 November 1943, sinipi sa “LDS Church Officials Remove Apostle,” Salt Lake Telegram (13 Nob. 1943), 11. Sinikip ni Richard R. Lyman na bigyang-katwiran ang relasyon sa labas ng kasal bilang “potensyal na maramihang pag-aasawa,” sa kabila ng halos 40 taon na ang lumipas mula nang ipahayag ni Pangulong Joseph F. Smith ang pahayag na kilala bilang Pangalawang Pahayag, na nagbibigay ng parusa ng pagtitiwalag sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa. Tingnan sa Hall, Faded Legacy, 163; “The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics Essays, https://churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics-essays/the-manifesto-and-the-end-of-plural-marriage.

  11. Hall, Faded Legacy, 164.

  12. Hall, Faded Legacy, 165, 169, 237n101. Tingnan din sa Paksa: Pagdisiplina sa Simbahan.

  13. Hall, Faded Legacy, 174–76, 182.