“Pamayanan sa Quincy, Illinois,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pamayanan sa Quincy, Illinois”
Pamayanan sa Quincy, Illinois
Ang lunsod ng Quincy, Illinois, ay bantog sa kasaysayan ng mga Mormon bilang isang lugar ng relokasyon para sa mga refufee o bakwit na Banal sa mga Huling Araw matapos silang paalisin mula sa Missouri noong 1839. Unang nakilala ng mga tao sa Quincy ang mga Mormon nang ang mga grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay dumaan sa nayong ito sa kanilang paglalakbay patungong Missouri sa pagitan ng 1834 at 1838. Nang pinaalis ang mga Mormon mula sa Missouri noong taglamig ng 1838–1839, iniwan ng libu-libong pinaalis na Banal ang estado, naglalakad patungong silangan patawid sa nagyeyelong Mississippi River at pansamantalang nanirahan sa Quincy. Nang naging mainit ang panahon, dumating ang iba pa, gamit ang mga skiff, canoe, o maliliit na bangka upang matawid ang ilog hanggang sa magsimulang muli ang operasyon ng lansta pagkatapos ng taglamig. Sa pagdating ng mga refugee o bakwit na Mormon, lumaki ang populasyon ng Quincy mula 800 noong 1835 ay umabot nang hanggang 2,300 noong 1840.
Hayagang tinuligsa ng Quincy Democratic Association ang mga taga-Missouri sa kanilang kawalan ng katarungan sa mga Banal at nangakong tutulungan ang mga refugee o bakwit na Mormon. Nagtipon sila ng mga donasyon, nagsaayos ng pabahay at nakipagtulungan sa iba pang mga komunidad sa lugar upang magbigay ng tulong para sa mga maralitang Banal. Pinuri ni Eliza R. Snow ang kabutihang-loob at pag-ibig sa kapwa ng mga taong-bayan sa kanyang tulang “Sa mga Mamamayan ng Quincy,” na pinasasalamatan ang “Mga Anak na Lalaki at Anak na Babae ng Kabaitan” para sa pagtugon sa “mahahalagang pangangailangan ng mga inaapi at maralita.”1
Nang sumunod na taon, ang karamihan sa mga Banal na pansamantalang nanirahan sa Quincy ay naglakbay pahilaga ng 45 milya papunta sa Commerce, Illinois, kung saan nila itinatag ang lunsod ng Nauvoo. Ang nakalulungkot, noong 1845, naglakbay ang isang komite mula sa Quincy patungong Nauvoo upang paalisin ang mga Banal sa estado.
Mga Kaugnay na Paksa: Mormon-Missouri War noong 1838; Utos na Pagpuksa; Nauvoo (Commerce), Illinois