Kasaysayan ng Simbahan
Karahasan sa Jackson County


“Karahasan sa Jackson County,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Karahasan sa Jackson County”

Karahasan sa Jackson County

Noong Hulyo 1831, nakatanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag na nagsasabi na ang lugar sa paligid ng lungsod ng Independence sa Jackson County, Missouri, ay ang ipinangakong lokasyon ng lungsod ng Sion at ang “tampok na lugar” para sa pagtitipon ng mga Banal.1 Nang sumunod na dalawang taon, nandayuhan ang mga Banal sa Jackson County upang itatag ang lungsod ng Sion, at noong tag-init ng 1833, halos 1,200 mga Banal na ang nakatira sa county.

paglalarawan ng isang grupo ng kalalakihan na sinasalakay ang palimbagan

Paglalarawan ng pintor sa pagsalakay sa palimbagan ng Simbahan sa Independence, Missouri noong Hulyo 20, 1833.

Ang mga miyembro na ito ng Simbahan ay nakihalubilo sa mga hindi Mormon na naninirahan sa lugar, at nakita ang maraming pagkakaiba ng dalawang grupo. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may mga kakaibang paniniwala sa relihiyon, kabilang na ang paniniwala sa patuloy na paghahayag, mga espirituwal na kaloob, at ang ideya na ipinangako sa kanila ng Diyos na ang lupain sa paligid ng Independence ay kanilang mamanahin. Bukod pa rito, marami sa mga Banal ay mula sa mga estado sa hilaga, kung saan ang pang-aalipin ay labag sa batas o unti-unti nang itinitigil, samantalang karamihan naman sa mga hindi Mormon ay mula sa Timog. Natakot ang mga taga-Missouri na ang dumaraming bilang ng mga Banal ay magiging malakas na puwersa sa pulitika at ekonomiya ng county. Ang pinaka-kumakalaban sa mga Banal ay mga pinuno ng pamayananan at relihiyon na nais paalisin ang mga miyembro ng Simbahan sa county.

Isang artikulo sa pahayagan ng mga Banal sa mga Huling Araw na The Evening and the Morning Star noong Hulyo ang nagdagdag sa kinatatakutan ng mga taga-Missouri tungkol sa abolitionism o pagsisikap na wakasan ang pang-aalipin. Tinalakay ng editoryal ang mga legal na balakid na kaugnay ng pandarayuhan ng mga malayang itim na miyembro ng Simbahan papunta sa Missouri, isang estado kung saan legal ang pang-aalipin. Nadama ng maraming tagaroon na ang editoryal—at pati na rin ang Simbahan—ay naglayong hikayatin ang ganitong mga pandarayuhan. Noong Hulyo 20, hiniling ng isang grupo ng mga vigilante na lisanin ng mga Banal ang Jackson County, at nang tumanggi ang mga lider ng Simbahan, sinalakay ng mga vigilante ang palimbagan ng Simbahan, inihagis palabas ng bintana ang mga kagamitan sa pag-imprenta, ikinakalat ang mga type (maliliit na piraso ng bakal na may nakaukit na letra para sa pag-iimprenta) sa lansangan, at giniba ang mga pader ng palimbagan. Pagkatapos nito, binuhusan ng ilan sa kanila ng alkitran at balahibo si Edward Partridge, bishop ng Simbahan sa Missouri, at si Charles Allen, na isa pang miyembro ng Simbahan, sa publiko. Ang mga vigilante ay umalis matapos makipagkasundo sa mga lider ng Simbahan na lilisanin ng kalahati ng bilang ng mga Banal ang county pagsapit ng Enero 1, 1834, at ang natitirang bilang ay aalis bago sumapit ang Abril 1.

Nang sumunod na ilang buwan, pinag-aralan ng mga lider ng Simbahan sa Missouri kung ano ang kanilang magagawa ayon sa batas para harapin ang planong pagpapaalis sa kanila. Sila ay tumatanggap ng payo mula kay Joseph Smith na panatilihin ang kanilang mga titulo ng lupa at manatili sa kanilang mga lupain. Noong Oktubre 20, 1833, ipinabatid nila sa publiko na ang mga Banal ay mananatili sa county. Dahil dito, agad kumilos ang mga vigilante, at noong Oktubre 31, 1833, nagpatuloy ang karahasan. Nang sumunod na ilang araw, sinalakay ng mga vigilante ang mga pamayanan ng Simbahan sa Jackson County.

Noong Nobyembre, 4, sinalakay ng mga vigilante sa Missouri ang mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw malapit sa Big Blue River. Sa labanang naganap, dalawang hindi Mormon at isang miyembro ng Simbahan ang napatay; ilang tao sa magkabilang panig ang nasugatan. Nang sumunod na araw, ipinatawag ni Colonel Thomas Pitcher ang lokal na militia para ibalik ang kaayusan, ngunit sa halip ay pinilit ng militia na isuko ng halos 150 miyembro ng Simbahan ang kanilang mga sandata, matapos ikulong ng militia ang ilang kalalakihang Mormon. Ang mga miyembro ng Simbahan—lalaki, babae, at bata—ay nagsimulang umalis sa county sa araw ding iyon, at tinawid ng karamihan sa kanila ang Missouri River papuntang Clay County. Nagpatuloy ang paglalakbay na ito nang ilang linggo, at dumanas ang mga Banal ng labis na pagdurusa. Nagpunta at nanatili sa kapatagan ang isang grupo ng kababaihan at mga bata sa loob ng ilang araw para matakasan ang karahasan, at nag-iwan sila ng bakas ng dugo dahil sa matatalim na damong sumugat sa mga paa ng mga batang walang sapatos.

Nahirapan ang mga Banal na maunawaan ang pagpapaalis sa kanila mula sa Jackson County. Sinabi ni Joseph Smith kay Edward Partridge na hindi ipakikita ng Diyos sa kanya kung ano “ang dakilang dahilan ng matinding paghihirap na ito,” at hindi rin ipaaalam ng Panginoon kung paano mababawi ng mga Banal ang kanilang lupain.2 Patuloy na hinangad ni Joseph ang dahilan ng pagpapaalis at kung paano dapat tumugon ang mga Banal. Noong gabi ng Disyembre 16–17, 1833, idinikta ni Joseph Smith ang isang paghahayag na nagsasabing itinulot ng Panginoon na mapaalis ang mga Banal sa Jackson County dahil sa “pagsasalungatan, at mga pagtatalu-talo, at mga inggitan, at mga alitan, at mahalay at mapag-imbot na mga pagnanasa” sa kanilang kalipunan.3 Ipinahayag din ng paghahayag na ito na ang pagpapaalis ay pagsubok para sa mga Banal na tulad ng paghiling ng Diyos kay Abraham na ialay si Isaac. At sinundan ito ng isang talinghaga tungkol sa isang taong maharlika na may ubasan na sinalakay ng kaaway at inutusan ang kanyang tagapaglingkod na dalhin ang lahat ng lakas ng kanyang sambahayan upang tubusin ang kanyang ubasan. Isang paghahayag noong Pebrero 1834 ang nagsabi na si Joseph Smith ang tagapaglingkod ng taong maharlika at na kailangan niyang tawagin ang lakas ng sambahayan ng Panginoon.4 Ang mga paghahayag na ito ang naghikayat sa mga ekspedisyon ng Kampo ng Sion (Kampo ng Israel) mula Mayo hanggang Hulyo 1834.

Mga Kaugnay na Paksa: Vigilantism, Mormon Missouri War noong 1838, Kampo ng Sion (Kampo ng Israel)