“Mga Kolonya sa Mexico,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Kolonya sa Mexico”
Mga Kolonya sa Mexico
Noong 1882 ay ipinasa ng Kamara ng Estados Unidos ang Edmunds Act (Batas ni Edmunds), na nagbibigay ng mas malakas na kapangyarihan sa mga pederal na marshal na dakpin, ikulong, at patawan ng multa ang mga Banal sa mga Huling Araw na nakikibahagi sa maramihang pag-aasawa. Bunga nito, ang mga lider ng Simbahan ay nagsimulang maghanap ng mga lugar sa labas ng Estados Unidos kung saan makakatagpo ang ilang mga Banal ng kanlungan mula sa mga batas na ito, na nadama nilang lumalabag sa karapatan nilang ipamuhay ang kanilang relihiyon. Noong 1885, sina Pangulong John Taylor at ilan pang mga lider ng Simbahan ay naglakbay patungo sa Mexico, kung saan ang mga missionary ay nakahanap na ng mga posibleng lugar upang matirahan. Napagpasiyahan nila ang isang lugar sa estado ng Chihuahua sa Mexico para muling lipatan ng ilang pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pangulo ng Mexico, si Porfirio Díaz, ay hinikayat ang gayong banyagang pandarayuhan na may patakarang inilaan upang pasiglahin ang kolonisasyon ng mga bakanteng lupa.1
Bago pa man binili ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lupain sa Chihuahua, nagsimulang tumawid mula sa Arizona patungo sa Mexico ang mga lalaking nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa upang makatakas sa pag-uusig.2 Sa loob ng limang buwan noong 1886, halos 400 mga Banal ang nakatira sa mga bagon o mga payak na kubol sa Ilog Casas Grandes, naghihintay ng pahintulot na manirahan sa lugar upang maipaalam nila sa kanilang mga pamilya na maaari nang sumunod ang mga ito. Kalaunan ay nagtayo ang mga pamilya ng dike sa Ilog Piedras Verdes, pinatubigan ang mga pananim, at siniyasat ang lugar para sa bayan na pinangalanan nilang Colonia Juárez. Hindi nagtagal ay nagtayo sila ng mga bagong kolonya sa Dublán Díaz, Lambak ng Cave, Pacheco, Garcia, at Chuichupa. Nagtatag din sila ng mga kolonya sa Oaxaca at Morelos sa estado ng Sonora. Ang ilang Banal ay nagtungo sa hilaga mula sa gitnang Mexico upang sumama sa mga nandayuhan mula sa Estados Unidos habang lumalaki ang mga kolonya.3
Sa mga taon sa pagitan ng mga pagsalakay laban sa poligamya sa Utah noong dekada ng 1880 at ng Mexican Revolution noong dekada ng 1910, nagsilbing mga payapang tahanan ang mga kolonya para sa ilang daang mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Anim na apostol ang nanirahan sa mga kolonya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Noong 1895 ay naitatag ang unang stake sa Mexico, kung saan ang punong tanggapan ay nasa Juárez. Ang mga Banal sa mga kolonya ay hindi lamang nagtatag ng mga komunidad na may panustos sa ekonomiya ngunit binibigyang-diin din nila ang kultura at edukasyon, at itinatag ang Juárez Stake Academy, isang paaralan na nagbigay ng edukasyon sa mga bata kapwa sa mababa at mataas na paaralan.4 Pagsapit ng unang bahagi ng ika-20 siglo, humigit-kumulang 4,000 mga Banal sa mga Huling Araw ang nakatira sa mga kolonya.5 Maraming magiging mga lider ng Simbahan, kabilang na si Marion G. Romney ng Unang Panguluhan at si Rey Lucero Pratt ng Unang Korum ng Pitumpu, ang lumaki sa mga kolonya. Ang kahusayan ni Pratt sa wikang Espanyol ay nagtulot sa kanya na gampanan ang mahalagang papel bilang pinuno ng gawaing misyonero sa Mexico.6
Matapos ipalabas ang Pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff noong 1890, na nanganangako na ang Simbahan ay susunod sa mga batas ng kasal ng Estados Unidos, ipinapalagay ng ilang Banal sa mga Huling Araw na ang maramihang pag-aasawa ay maaaring magpatuloy sa Mexico. Noong 1901 ang humalili kay Woodruff, si Pangulong Lorenzo Snow, ay nilinaw na ang Pahayag ay angkop din sa mga Banal saanman sila nakatira. Makalipas ang apat na taon, ang kahalili ni Snow, si Pangulong Joseph F. Smith, ay naglakbay patungong Mexico upang matiyak ang pagsunod sa patakaran na nagwawakas sa maramihang pag-aasawa na inaprubahan ng Simbahan.7
Noong Mexican Revolution noong dekada ng 1910, ang mga damdamin laban sa mga Amerikano ay nagbigay-panganib sa kalagayan ng mga Europeo-Amerikanong Banal sa mga kolonya. Noong 1912 ang rebolusyonaryong heneral na si José Inés Salazar ay nagtutok ng mga kanyon sa Colonia Dublán, at sa loob ng isang araw, nagpasiya ang stake president na si Junius Romney na dapat lisanin ang kolonya. Ang mga pamilya na nandayuhan sa hilaga mula sa gitnang Mexico ay nanatili upang pangalagaan ang mga kolonya habang ang mga Banal na may lahing Europeo-Amerikano ay nag-empake ng lahat nang maaari sa kanilang mga ari-arian at umalis patungo sa El Paso, Texas.8
Oras na nakabalik sa Estados Unidos, karamihan sa mga tumakas na Banal ay lumipat sa mga bagong tahanan sa Kanlurang Amerika. Nagpatuloy ang pamumuhay sa mga kolonya para sa nanatiling mga Banal na Mehikano, at ang unang branch na gumagamit ng wikang Espanyol sa hilagang Mexico ay inorganisa sa Colonia Dublán noong 1916. Pagkatapos ng rebolusyon, halos isang-kaapat ng mga Banal na tumalilis ay bumalik sa kanilang mga tahanan sa hilagang Mexico. Yaong mga bumalik ay nagkumpuni ng mga gusali at sakahan at ipinagpatuloy ang kanilang edukasyon at pagpapatatag ng mga adhikain ng komunidad. Kapwa ang Colonia Dublán at Colonia Juárez ay patuloy na nagpanatili ng isang matatag na presensya ng mga Banal sa mga Huling Araw, at isang templo ang inilaan sa Juárez noong 1999.9
Mga Kaugnay na Paksa: Batas Laban sa Poligamya, Mexico, Canada