“Mga Lamina sa Kinderhook,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Lamina sa Kinderhook”
Mga Lamina sa Kinderhook
Noong 1843, mula sa isang libingang burol ng mga American Indian malapit sa Kinderhook, Illinois ay nahukay ng isang grupo ng mga kalalakihan ang anim na laminang tanso na hugis kampana na tatlong pulgada ang taas. Ang mga lamina ay naglalaman ng mga simbolong kawangis ng isang sinaunang titik, at isang miyembro ng grupo ang nag-akalang akma ang mga artepakto para isalin ni Joseph Smith. Iminungkahi ng mga tala na ang pagtuklas ay nakapukaw ng pansin nina Joseph Smith at iba pang mga Banal sa mga Huling Araw sa Illinois, subalit walang saling teksto ang ibinunga ng pansamantalang kagalakang ito.
Isa sa mga naroroon noong nahukay ang mga lamina ay kalaunang nag-ulat na nalaman niya na ang buong pangyayari ay isang malaking biro. Inamin ni Wilbur Fugate na siya, si Robert Wiley, at isang lokal na panday ang nagpanday sa mga lamina at naglagak ng mga ito sa libingan isang gabi bago ang pagkakatuklas. Ang mga pagsusuring kemikal at metalurhiko sa isa sa mga nanatiling lamina ang nagpatunay na ang artepakto ay hindi ginawa noong sinaunang panahon. Bukod pa rito, ang mga titik sa mga lamina ay hindi tugma sa anumang kilalang wika at marahil ay inimbento nina Fugate at Wiley.1
Kakaunti ang sinasabi ng mga sanggunian noong panahong iyon ukol sa pagkakatagpo ni Joseph Smith sa mga lamina sa Kinderhook, na naganap sa loob ng ilang araw noong 1843. Diumano ay sinuri ni Joseph ang mga lamina at, ayon sa kanyang klerk na si William Clayton, sinabi na nilalaman ng mga ito “ang kasaysayan ng … isang inapo ni Ham sa pamamagitan ng balakang ni Faraon na hari ng Ehipto.”2 Maliwanag na hindi tinangka ni Joseph na gumawa ng pagsasalin sa pamamagitan ng paghahayag tulad ng ginawa niya sa mga lamina ng Aklat ni Mormon, ngunit sa halip ay tila ikinumpara ang mga simbolo sa mga lamina sa Kinderhook sa iba pang sinaunang artepakto na nasa kanyang pag-iingat. Isang simbolo sa mga lamina ay halos tugma ang glyph o simbolo sa papyrus mula sa Ehipto na isinalin ni Joseph Smith sa Kirtland, Ohio. Ang naunang salin ni Joseph sa glyph na ito ay tumukoy sa isang inapo ni Ham sa angkan ng mga faraon.3
Kung pinaghinalaan man ni Joseph ang panghuhuwad, inisip na tangkaing gumawa ng pagsasalin sa pamamagitan ng paghahayag ngunit dumanas ng “pagkatuliro ng pagiisip,”4 o nagkaroon lamang ng interes na pag-aralan ang sinasabing mga sinaunang kasulatan (tulad ng iba pang mga apisyonadong dalubwika ng panahong iyon) ay nananatiling hindi nakumpirma ng mga makasaysayang salaysay. Anuman ang inisip niya tungkol sa mga lamina, mabilis siyang nawalan ng interes sa mga ito.