Kasaysayan ng Simbahan
Endowment House


“Endowment House,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Endowment House”

Endowment House

Sa pagitan ng paglisan mula sa Nauvoo noong 1846 at sa paglalaan ng St. George Temple noong 1877, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay walang templo upang pangasiwaan ang mga pagbibinyag para sa patay, mga endowment, at mga pagbubuklod.1 Gayunman, pinahintulutan ni Brigham Young ang pagsasagawa ng ilang ordenansa sa templo sa labas ng mga templo habang ang mga Banal ay lumilipat sa Great Basin at itinatayo ang mga templo sa St. George, Logan, Manti, at Lunsod ng Salt Lake. Sa paggawa nito, sinunod niya ang isang huwarang itinatag ng isang paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith noong 1841, kung saan pinahihintulutan ang mga Banal na magsagawa ng ilang ordenansa sa templo sa labas ng templo “sa mga araw lamang ng inyong karalitaan, kung saan hindi kayo maaaring makapagtayo ng bahay para sa akin.”2 Sa Nauvoo, pinahintulutan ni Joseph na isagawa ang mga pagbibinyag para sa mga patay sa mga kalapit na ilog para sa maikling panahon at kalaunan ay pinangasiwaan ang mga unang endowment sa silid sa itaas ng kanyang tindahan.3

Kakaunti lamang ang bilang ng mga ordenansa sa templo na pinangasiwaan sa pagitan ng 1847 at 1850 habang lumilipat ang mga Banal at nagsisimulang manirahan sa Kanluran.4 Simula noong Pebrero 1851, ang mga endowment at pagbubuklod ay isinasagawa nang palagian sa Council House, ang unang malaking pampublikong gusali sa Utah. Ang palapag sa ibaba ay pinagdarausan ng mga pampublikong pagtitipon, kabilang na ang mga piging, sayawan, at mga pulong ng lehislatura at hukuman ng teritoryo. Ang itaas na palapag ay ginagamit para sa mga endowment at pagbubuklod hanggang Abril 1854.5

labas ng Council House

Council House sa Lunsod ng Salt Lake.

Kalaunan ay nagpasiya si Brigham Young na kailangan ang isang mas pribadong lugar para sa pangangasiwa ng mga sagradong ordenansa. Subalit maraming taon pa bago matapos itayo ang isang templo sa Lunsod ng Salt Lake.6 Noong 1854 ay iniatas ni Pangulong Young na magtayo ng isang gusali sa hilagang kanlurang sulok ng lote ng templo kung saan ang mga Banal ay maaaring tumanggap ng endowment at maaaring maibuklod ang kanilang uganayan bilang mag-asawa. Natapos noong Abril 1855, ang simpleng istruktura ay tinawag na Endowment House. Ito ang nagsilbi, sa mga salita ni arkitekto Truman Angell, bilang “Temple Pro Tem (Pansamantala).”7

Ang Endowment House ay ang unang gusaling idinisenyo para lamang sa mga pangangailangan ng pangangasiwa ng endowment at pagbubuklod at nagsilbing inspirasyon sa mga panloob na katangian at disenyo ng mga templo sa hinaharap. Noong 1856 ikinabit ang bautismuhan na yari sa bato at inilaan bilang karugtong sa kanlurang bahagi ng gusali upang magamit sa mga ordenansa para sa mga buhay at mga patay.8 Isa pang karugtong na istruktura ang itinayo kalaunan noong taong iyon upang magdagdag ng espasyo para sa mga manggagawa sa templo upang sila ay makapaghanda para sa kanilang gawain at para magluto at kumain.9

labas ng Endowment House

Larawan ng Endowment House, bandang 1885.

Mula 1855 hanggang 1889, nagsagawa ang mga Banal ng mahigit 54,000 endowment, 68,000 pagbubuklod, at 134,000 pagbibinyag para sa mga patay sa Endowment House.10 Gayunman, itinuro ni Brigham Young na ang ilang mga ordenansa sa templo, kabilang na ang mga endowment para sa mga patay, ay hindi maaaring maisagawa hanggang matapos ang templo. Ang mga unang gayong ordenansa ay isinagawa sa St. George Temple noong 1877.11

Nang ang mga templo sa St. George, Logan, at Manti ay maaari nang gamitin para sa mga ordenansa, ang pangangailangan para sa Endowment House ay nabawasan, bagama’t ginagamit pa rin ito ng mga Banal sa Salt Lake dahil ang paglalakbay sa iba pang mga templo ay hindi palaging madaling gawin. Noong 1889, gayunman, ang pagdaraos ng maramihang pag-aasawa sa Endowment House ay naging paksa ng alitan sa pakikibaka ng Simbahan laban sa pamahalaan ng Estados Unidos sa mga legal at pulitikal na aspeto.12 Nagpasiya si Wilford Woodruff na gibain ang gusali noong Oktubre bilang pagpapakita na siya ay seryoso ukol sa pagpapatigil sa mga bagong maramihang pag-aasawa.13 Giniba ang Endowment House sa mga sumunod na ilang linggo.

Mga Kaugnay na Paksa: Pagtatayo ng Templo, Temple Endowment, Binyag para sa Patay, Pagbubuklod

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Pagtatayo ng Templo.

  2. Revelation, 19 January 1841 [D&C 124],” sa the Book of the Law of the Lord, 5, josephsmithpapers.org; tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:29–32.

  3. Tingnan sa mga paksa: Binyag para sa Patay, Temple Endowment, Hinirang na Korum (“Banal na Orden”).

  4. Nagsagawa si Wilford Woodruff ng ilang binyag para sa mga patay sa Winter Quarters at pagkaraan ay sa City Creek (sa Lunsod ng Salt Lake) noong 1853. Humigit-kumulang 150 pagbubuklod ang isinagawa sa Winter Quarters, at hindi bababa sa isang kasal ang ibinuklod sa Salt Lake Fort noong 1848. Ibinigay ang endowment noong 1849 sa papaalis na missionary na si Addison Pratt sa tuktok ng Ensign Peak, isang burol sa bandang hilaga ng lugar na pagtatayuan ng templo sa Salt Lake. (Tingnan sa Richard E. Bennett, “‘The Upper Room’: The Nature and Development of Latter-day Saint Temple Work, 1846–1855,” Journal of Mormon History, vol. 41, no. 2 [Abril 2015], 7, 15, 23–27.)

  5. Mga 2,200 endowment at higit sa 2,100 pagbubuklod ang isinagawa sa Council House (tingnan sa Bennett, “The Upper Room,” 18, 24, 27; tingnan din sa Paksa: Pagbubuklod).

  6. Tingnan sa Paksa: Salt Lake Temple.

  7. Lisle G. Brown, “‘Temple Pro Tempore’: The Salt Lake City Endowment House,” Journal of Mormon History, vol. 34, no. 4 (Taglagas 2008), 8.

  8. Hanggang 1864 ang bautismuhan ay kadalasang ginagamit para sa mga pagbibinyag para sa mga buhay. Pagkatapos niyon, ito ay ginamit sa mga pagbibinyag para sa mga patay (tingnan sa Brown, “Temple Pro Tempore,” 20).

  9. Kasing-aga ng dekada ng 1870, isang punlaan ang idinagdag sa timog ng karugtong na istruktura sa timog (tingnan sa Brown, “Temple Pro Tempore,” 27).

  10. Richard E. Bennett, Temples Rising: A Heritage of Sacrifice (Salt Lake City: Deseret Book, 2019), 171.

  11. Tingnan sa Paksa: Temple Endowment.

  12. Tingnan sa Paksa: Batas Laban sa Poligamya.

  13. Tingnan sa Paksa: Pahayag.