Mga Seminary at Institute
Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, pinangasiwaan ng Simbahan ang mga akademya sa maraming pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw na nagbigay ng edukasyong pangrelihiyon at pang-akademiko.1 Sa pagpalit ng siglo, maraming estudyanteng Banal sa mga Huling Araw ang nagsimulang mag-aral sa mga pampublikong paaralan. Ang Church Board of Education, na nangangasiwa sa mga akademya simula noong 1888, ay nagsimulang pagtuunan ang pagbibigay ng edukasyong pangrelihiyon para sa mga bata at young adult.
Mga Unang Seminary
Bilang miyembro ng Panguluhan ng Granite Stake, umasa si Joseph F. Merrill na magdagdag sa edukasyon sa mataas na paaralan ng mga kabataan sa kanyang stake ng pagtuturo tungkol sa relihiyon. Kumuha siya ng inspirasyon mula sa kanyang asawang si Annie Laura Hyde Merrill, na madalas ituro sa kanyang mga anak ang Aklat ni Mormon at mga kuwento sa Biblia na natutuhan niya sa klase sa teolohiya ni James E. Talmage sa Salt Lake Academy. Bumuo si Joseph ng konsepto para sa isang seminary na kanyang dinala sa lokal na lupon ng paaralan, sa superintendente ng lupon ng estado sa edukasyon, at sa Unang Panguluhan para maaprubahan. Pinondohan ng Granite Stake ang pagtatayo ng isang gusali ng seminary sa tapat ng lokal na mataas na paaralan at kinuha si Thomas J. Yates, isang miyembro ng mataas na kapulungan ng stake, upang ituro ang mga unang klase nito sa Biblia at kasaysayan ng Simbahan. Ang mga unang sesyon ay binuksan noong taglagas ng 1912 na may grupo ng 70 estudyante.2 Ang modelo ni Merrill ay nagbigay-inspirasyon sa Church Board of Education na magbukas ng mga karagdagang seminary na katabi ng iba pang mga paaralan.
Pagsapit ng 1919, labintatlong seminary ang nabuksan, na may mga 1,500 estudyante. Noong sumunod na dekada, ang tuon ng sistemang pang-edukasyon ng Simbahan ay nagbago mula sa mga akademya patungo sa pagpapaunlad ng mga seminary na ito, na may kaguruan at mga estudyanteng inorganisa sa Utah, Idaho, at Arizona. Si Adam S. Bennion ang itinalagang Tagapamahala ng mga Paaralan ng Simbahan at nagtrabaho upang palawakin ang programa sa lahat ng paaralan kung saan may sapat na dami ng mga estudyanteng Banal sa mga Huling Araw. Ginawa rin niyang propesyunal ang programa sa edukasyon at kumuha ng mga gurong Banal sa mga Huling Araw na nakapag-aral sa kolehiyo.3
Ang mga pampublikong paaralan sa Utah at iba pang mga lugar na may malalaking populasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbigay ng mga released-time program, na nagtutulot sa maraming estudyante na dumalo sa mga klase sa seminary sa oras ng pasok sa paaralan. Ang ganitong uri ng kalakaran ay sumailalim sa pagsisiyasat ng ilan na nais ng mas malinaw na hangganan sa pagitan ng mga institusyon ng estado at relihiyon. Anumang banta sa programa sa seminary ay nalutas sa wakas sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga kaso na dininig ng Korte Suprema ng Estados Unidos, na nagdesisyong pabor sa mga released-time program ngunit ipinagbabawal ang “labis na pakikialam ng pamahalaan sa relihiyon.” Sa loob ng ilang panahon, pinanatili ng Church Board of Education ang kurikulum ng seminary na nakatuon sa Biblia habang ang komisyoner at kaguruan ay nakipagtulungan sa mga opisyal ng estado upang matugunan ang mga pamantayan ng korte sa paghihiawalay ng simbahan at ng estado. Hinikayat ang kaguruan ng seminary na mag-aral sa graduate school at bigyan ng pormal na pag-aaral ang mga paksa tungkol sa relihiyon.4
Mga Unang Institute of Religion
Noong dekada ng 1920, ang mga Banal sa mga Huling Araw na nag-aaral sa University of Idaho sa bayan ng Moscow, Idaho, ay kulang sa mga sapat na pasilidad para sa pagdaraos ng mga pulong ng Simbahan. Bilang tugon, ang Church Board of Education ay bumuo ng isang programang pangsuporta na mga “collegiate seminaries.” Noong 1927, itinalaga ng Unang Panguluhan si J. Wyley Sessions upang magturo ng mga klase sa relihiyon sa University of Idaho at pinamahalaan ang pagtatayo ng isang gusali para sa isang Moscow Institute of Religion na magagamit para sa pagtuturo ng mga klase at iba pang mga pulong ng Simbahan. Sa loob ng 20 taon, ang mga katulad na institute ay nagbukas sa loob ng o malapit sa mga kampus ng ilang kolehiyo at unibersidad sa Idaho, Utah, California, Wyoming, at Arizona. Ang mga konsehong pinamamahalaan ng mga estudyante ay lumikha ng iba’t ibang grupo ng suporta, kung minsan ay bilang mga pangrelihiyong alternatibo sa mga kapatiran ng mga lalaki at kapatiran ng mga babae, na nakatulong sa pagdagdag ng mga estudyanteng nagpalista sa mga klase sa institute. Dati-rati, ang mga full-time na guro ay hindi nagtuturo ng mga kurso batay sa isang pamantayang kurikulum ngunit sa halip ay bumubuo ng mga lektyur tungkol sa relihiyon batay sa sarili nilang kahusayan, tulad ng mga propesor sa kanilang kalapit na kampus.5
Pagbuo at Pagpapalawak ng Edukasyong Pangrelihiyon
Sa paglulunsad ng mga unang institute of religion, nasaksihan ng Estados Unidos ang ilang kontrobersya na may kaugnayan sa siyensya at relihiyon. Ang Paglilitis kay Scopes noong 1925 ay umakit ng pansin ng buong bansa sa debate kung dapat bang ituro ang ebolusyon ng tao sa mga pampublikong paaralan at kung ang mga salaysay sa Paglikha ng Biblia ay dapat manguna kaysa sa mga makabagong interpretasyon ng siyensya. Matapos ang debateng ito, bumuo ng mga hakbang ang Unang Panguluhan at ang Church Board of Education upang matiyak na nanatiling nakatuon ang mga guro at kurikulum sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Nagpatupad ang lupon ng mga bagong pamamaraan sa pagkuha ng mga direktor ng institute, inakma ang kurikulum upang pagtibayin ang mga turo ng mga lider ng Simbahan, at sinubaybayan ang balanse ng mga pamamaraang sekular at pangrelihiyon sa edukasyon. Noong 1938, nagsalita si Pangulong J. Reuben Clark Jr. sa kaguruan ng seminary at institute tungkol sa “The Charted Course of the Church in Education” na nagbibigay-diin sa espirituwal na pagkatuto sa lahat ng antas ng edukasyon at nagbabala laban sa pagpapalit ng sekularismo sa mga paghahayag. Ang kanyang mensahe ay nanatiling isang pamantayan para sa mga guro ng Simbahan at nagtakda ng disenyo ng kurikulum sa loob ng maraming dekada.6
Noong dekada ng 1950, pinag-aralan ng Church Board of Education ang isang plano upang pag-isahin ang kumplikadong pangangasiwa ng mga seminary at institute. Iminungkahi ni Ernest L. Wilkinson, pangulo ng Brigham Young University, na pagsamahin ang lahat ng lugar para sa edukasyong pangrelihiyon sa iisang sistema na nagbibigay sa mga guro ng mga benepisyo, pagsasanay sa pagtuturo, at kurikulum na may pamantayan. Naging bunga ng mga pagsisikap na ito ang pagkakatatag ng Church Educational System (CES).7
Samantala, ang mga pagsisikap na palawakin ang mga klase sa seminary sa labas ng Utah, Idaho, at Arizona ay sinalubong ng pagtutol mula sa mga lupon ng paaralan at mga opisyal ng estado na ayaw ipatupad ang mga released-time class. Ang mga stake president sa California, kung saan mabilis na tumataas ang bilang ng mga miyembro at wala pang released time ay patuloy na humihiling ng suporta para sa isang programa sa seminary. Ang tagumpay ng klase sa mga maagang oras ng umaga sa Lunsod ng Salt Lake ay nagbigay-inspirasyon kay Komisyuner Franklin L. West na ipadala si Ray L. Jones, isang punong-guro ng seminary sa Utah, upang mag-organisa ng katulad na mga klase sa California. Lumipat si Jones sa Los Angeles, kung saan siya nakipagtulungan kay Howard W. Hunter, ang stake president ng Pasadena at magiging Pangulo ng Simbahan, upang magtatag ng panrehiyong lupon ng edukasyon at magbukas ng mga klase sa ganap na alas-6:00 at 6:30 n.u. Bagama’t marami ang nag-aalinlangan na may mga estudyanteng pupunta nang ganoon kaaga, mabilis na dumami ang mga mag-aaral. Makaraan ng pitong taon, mahigit 9,000 estudyante ang nakalista.8
Hindi nagtagal ay pinalawak ng mga nangangasiwa ng CES ang mga seminary na nagtuturo nang maaaga upang maglingkod sa lugar ng mga Katutubong Amerikano, Europa, Australia, at New Zealand. Noong dekada ng 1960 at 1970, ang mga seminary at institute ay itinatag sa mga Isla ng Pasipiko, hilagang Atlantiko, Caribbean, timog-silangang Asya, Gitna at Timog Amerika, at Africa. Naglabas ang Church Education System ng mga pamantayang kurikulum para sa mga kurso at bumuo ng mga programang dinisenyo para sa mga bingi at bulag na estudyante. Pinalawak ang mga programa upang suportahan ang edukasyon at mga ospital ng mga maysakit sa isip at mga bilangguan ng estado. Pagsapit ng 2020, ang bilang ng mga mag-aaral na nakalista sa pandaigdigang seminary at institute ay lumampas na sa 400,000 at 310,000.9
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Akademya ng Simbahan, Mga Organisasyon ng Young Women, Mga Organisasyon ng Young Men