“Temple Endowment,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Temple Endowment”
Temple Endowment
Noong 1841, inatasan ng Panginoon ang mga Banal sa Nauvoo na magtayo ng templo “upang aking maihayag ang aking mga ordenansa roon sa aking mga tao.”1 Isa sa mga ordenansang ito ay isang seremonyang tinatawag na endowment, na pinalawak mula sa seremonya ng paghuhugas at pagpapahid ng langis na pinasimulan ni Joseph sa Kirtland Temple noong 1836.2 Natatakot na siya ay mapapaslang bago matapos ang templo, tumawag si Joseph Smith ng ilang mga lalaki noong Mayo 3, 1842, upang ayusin ang silid sa itaas ng kanyang Red Brick Store [Tindahan na Yari sa Pulang Laryo] upang kumatawan “sa loob ng isang templo hangga’t maaari.”3 Kinabukasan, pinangasiwaan ni Joseph ang endowment sa unang pagkakataon sa isang pangkat ng siyam na lalaki. Noong sumunod na dalawang taon, nagbigay siya ng endowment sa isang maliit na pangkat ng kalalakihan at kababaihan at tinuruan at inihanda silang mangasiwa sa ordenansa upang ang iba pang karapat-dapat na mga Banal ay matanggap ito kapag natapos na ang templo.
Mula sa simula, naunawaan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang endowment bilang isang bagay na kinakailangang maranasan sa halip na basta inilalarawan. “Tinanggap natin ang ilang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng Propeta tungkol sa priesthood na magiging dahilan upang magbunyi ang iyong kaluluwa,” isinulat ni Heber C. Kimball sa kanyang kapwa Apostol na si Parley P. Pratt, na wala noon sa Nauvoo noong unang ibinigay ang endowment. “Hindi ko maibibigay ang mga ito sa iyo sa papel sapagkat ang mga ito ay hindi maaaring isulat.”4 Kabaligtaran sa nakasulat sa banal na kasulatan, tinuturuan ng endowment ang mga kalahok sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na masimbolong isadula ang mahahalagang aspeto ng plano ng kaligtasan, kabilang na ang “mga pinakamahalagang pangyayari noong panahon ng paglikha, ang kalagayan ng ating mga unang magulang sa Halamanan ng Eden, kanilang pagsuway at kalaunang pagpapalayas mula sa payapa at maligayang tahanan na iyon, ang kanilang kalagayan sa kabuto at mapanglaw na daigdig noong napahamak na mamuhay ayon sa paggawa at pawis, ang plano ng pagtubos na maaaring magbayad-sala sa malaking paglabag.”5 Habang isinasagawa ang pagsasadula, nakikipagtipan silang sundin ang mga utos ng Diyos, nangangakong lubusang ilalaan ang kanilang sarili sa Kanyang gawain, at magtatamo ng kaalaman na kailangan upang “lumakad pabalik sa piling ng Ama.”6
Hindi inilarawan ni Joseph Smith kung paano nabuo ang endowment, at walang naitalang paghahayag na nagbabalangkas ng mga nilalaman nito. Gayunman, si Willard Richards, na kabilang sa mga iilan na tumanggap ng endowment mula kay Joseph Smith, ay nagpatotoo na ang ordenansa ay “pinamamahalaan ng mga alituntunin ng Paghahayag.”7 Matapos ipakilala ni Joseph Smith ang endowment, iniatas niya kay Brigham Young na “mag-organisa at ayusin ang lahat ng mga seremonyang ito” upang mapangasiwaan ang mga ito sa loob ng templo.8 Noong una, ang seremonya ng endowment ay iningatan lamang sa alaala ng mga kalahok. Noong 1877, nang ang St. George Utah Temple ay natapos, inatasan ni Brigham Young ang isang maliit na grupo, kabilang ang temple president na si Wilford Woodruff ng Korum ng Labindalawang Apostol, na isulat ang seremonya upang matiyak na hindi ito magbabago sa paglipas ng panahon at sa pagitan ng mga templo. Sa St. George Utah Temple rin isinagawa ang mga unang endowment para sa mga patay.9
Bagamat nanatili ang ayos ng simbolikong pagtuturo at paggawa ng mga tipan ng endowment, ang paraan ng pangangasiwa ng ordenansa ay nagbago sa paglipas ng panahon. Dati-rati, ang seremonya ay tumatagal nang halos buong araw. Ang mga sumunod na henerasyon ng mga lider ng Simbahan ay naghangad ng banal na patunubay upang mas maisaayos ang seremonya, na ginagawang mas madali para sa mga miyembro na magsagawa ng mga endowment para sa mga patay.
Sa kalagitnaan ng ika-20 siglo, dalawang pangyayari sa kasaysayan ng endowment ang tumulong para ang seremonya ay maging mas madali para sa mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Noong ika-19 na siglo, noong nagtitipon pa ang mga Banal sa Utah para dumalo sa mga templo, ang seremonya ng endowment ay pinangangasiwaan lamang sa wikang Ingles. Noong dekada ng 1940, gayunman, inatasan ng Unang Panguluhan si Eduardo Balderas at Elder Antoine R. Ivins na isalin ang seremonya ng endowment sa ibang wika, Espanyol, sa unang pagkakataon. Ang mga Banal mula sa Mexico at sa mga branch na gumagamit ng wikang Espanyol sa Estados Unidos ay nagtipon sa Mesa Arizona Temple para sa unang endowment sa wikang Espanyol noong 1945.10 Noong 1953, inatasan ng Unang Panguluhan si Elder Gordon B. Hinckley ng Korum ng Labindalawang Apostol na bumuo ng isang bagong paraan para ilahad ang endowment sa maraming wika sa oras na ang Bern Switzerland Temple ay matapos itayo. Sa ilalim ng pamamahala ni Elder Hinckley, pelikula sa halip na buhay na artista ang ginamit upang ilahad ang mga bahagi ng simbolikong pagsasadula sa endowment sa unang pagkakataon. Makalipas ang ilang taon, bilang Pangulo ng Simbahan, pinasimulan ni Pangulong Hinckley ang isang pambihirang panahon ng pagtatayo ng mga templo, na ginagawang mas madaling maabot ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo ang endowment.
Mga Kaugnay na Paksa: Pagkakaloob ng Kapangyarihan, Masonry, Nauvoo Temple